Ayon sa Focus |
Ayon sa mga eksperto, nagpakita ng tumitinding tiwala at pagkakaibigan sa pagitan ng Japan at Australia, ang pagtatag ng Framework for Strategic Defence Coordination (FSDC) noong Disyembre.
Noong Disyembre 7, nagpulong sa Tokyo sina Japanese Defense Minister Shinjiro Koizumi at Australian Deputy Prime Minister at Defense Minister Richard Marles upang talakayin ang relasyong pandepensa ng Japan at Australia, at ang seguridad sa kapaligiran na nakaaapekto sa kanilang mga pinagsamang interes.
"Dahil kinikilala namin ang mahalagang papel na ginagampanan ng Japan at Australia sa pagpapanatili ng kapayapaan at katatagan sa rehiyon, ipinahayag namin ang pagtatatag ng Framework for Strategic Defense Coordination,” ayon sa isang magkasanib na pahayag ng dalawang bansa.
Pamumunuan ang FDSC ng mga ministro ng depensa ng Japan at Australia.
![Bago ang kanilang pagpupulong sa Tokyo noong Disyembre 7, magkasamang nagpakuha ng larawan sa loob ng isang Bushmaster Mine Resistant Ambush Protected (MRAP) vehicle ang Japanese Defense Minister na si Shinjiro Koizumi at Australian Defense Minister na si Richard Marles. [ Eugene Hoshiko/Pool/AFP]](/gc9/images/2026/01/05/53363-afp__20251207__87c73r3__v1__highres__japanaustraliadiplomacy-370_237.webp)
Mas marami pang konsultasyon sa hinaharap
"Magbibigay-daan ang Balangkas sa mas malawak na konsultasyon sa iba't ibang usaping may kaugnayan sa patakaran sa depensa, intelihensiya, mga aktibidad na bilateral at multilateral, industriya at teknolohiya, at mga kakayahan, kabilang ang kalawakan, cyber, at pinagsamang air at missile defense … bilang suporta sa isang matatag at ligtas na Indo-Pacific," sabi sa pahayag.
Ginawa ang anunsyong ito sa gitna ng tumitinding tensyon sa Dagat Timog Tsina at lumulubhang pagkabahala sa ilang dekadang pagpapalakas ng puwersang militar ng Tsina. Sa kanilang magkasanib na pahayag, muling pinagtibay ng Japan at Australia na mahalaga para sa seguridad at kaunlaran ng rehiyon at ng buong mundo ang kapayapaan at katatagan sa Taiwan Strait. Binibigyang-diin na dapat maresolba sa mapayapang paraan, sa pamamagitan ng dayalogo, ang mga isyu sa pagitan ng magkabilang panig ng Strait.
Itinuturing ng Tsina ang Taiwan bilang bahagi ng teritoryo nito, at paulit-ulit na nagbabantang sasakupin ito.
Itinampok ng mga defense minister ng Japan at Australia ang kahalagahan ng patuloy na pakikipagtulungan sa US. Binigyang-diin nila ang halaga ng kasalukuyang nagaganap na koordinasyon sa depensa sa Dagat Timog Tsina kasama ang Pilipinas at iba pang katuwang nito, sa pamamagitan ng mga regular na Maritime Cooperative Activities (MCAs).
Nagsasagawa ng mga MCA Ang Japan, Australia, at Pilipinas, na kadalasang kasama ang US upang palakasin ang pagpigil sa mga banta, pagbutihin ang kakayahang magtulungan, at itaguyod ang pandaigdigang batas pandagat, kabilang ang United Nations Convention on the Law of the Sea.
"Tungkol ito sa pagpapalalim ng relasyong pandepensa, na napakahalaga na, at sa pagdadala ng pinakamataas na ambisyon sa bawat isa sa mga lugar na ito upang matiyak na magtutulungan tayo nang mas masidhi sa hinaharap hangga't maaari … upang itaguyod ang isang malaya at bukas na Indo-Pacific," sabi ni Marles sa Tokyo.
Ang pagiging agresibo ng Beijing
Bagama't hindi direktang binanggit ang Tsina sa magkasanib na pahayag, sinusuri ng mga eksperto ang bagong balangkas sa gitna ng umiigting na tensyon sa pagitan ng Tokyo at Beijing. Ayon kay Rajaram Panda, isang senior scholar at espesyalista sa Japan, sa kanyang isinulat sa Eurasia Review noong Disyembre, naitatag ang FSDC matapos bumagsak sa pinakamababang antas sa loob ng mahigit isang dekada ang relasyon ng Japan at Tsina.
Tinukoy ni Rajaram Panda ang mga pahayag noong Nobyembre ni Japanese Prime Minister Sanae Takaichi. Iminungkahi ni Takaichi na maaaring magdulot ng isang sitwasyong nagbabanta sa kaligtasan ng Japan ang isang posibleng pagbangkulong ng Tsina malapit sa Taiwan. Umani ang mga komentong ito ng matinding reaksyon mula sa Beijing, kabilang ang isang banta mula sa isang diplomat ng pagpugot ng ulo ni Takaichi.
"Nagbunsod ang pagiging agresibo ng Tsina ... sa mga mas maliliit na bansa sa rehiyon ng Indo-Pacific na may mga kaparehong alalahanin na gumawa ng mga estratehiya sa pagbalanse ng kapangyarihan upang mapigilan ang Tsina," isinulat ni Panda.
Idinagdag pa niya na ang Japan ay "pinapabilis ang pagpapalakas ng puwersang militar nito sa pamamagitan ng pagpapalawak ng ugnayang pandepensa lampas sa kaisa-isa nitong treaty ally, ang US, at itinuturing na nito ngayon ang Australia bilang isang semi-ally."
‘Kritikal na pagkakaibigan’
Lalong nagkakaroon ng konkretong anyo ang kooperasyong pandepensa sa pagitan ng Japan at Australia, kabilang ang pagluwas ng mga kagamitang pandepensa. Matapos ang kanyang pakikipag-usap kay Koizumi, binisita ni Marles ang pagawaan ng barko ng Mitsubishi Heavy Industries sa Nagasaki, kung saan kasalukuyang binubuo ng mga Japanese na tagagawa ng barko ang una sa tatlong upgraded na Mogami-class frigate para sa hukbong pandagat ng Australia.
Ang mga general-purpose warship na ito, na may kakayahang maglayag hanggang 10,000 nautical miles, ang papalit sa mga Anzac-class frigate ng Australia na may mas maikling operating range. Ayon sa hukbong pandagat ng Australia, mas malaki, mas nakamamatay, at nangangailangan lamang ng mas kakaunting mga tripulante ang mga na-upgrade na Mogami-class frigate.
Inaasahang magsisimulang maglingkod pagsapit ng 2034 ang unang tatlong frigate. Plano ng Australia na pormal na lumagda ng isang kontrata para sa 11 sa mga multi-mission frigate na ito bago matapos ang kasalukuyang piskal na taon Depende sa paglipat ng teknolohiya mula sa Japan, itatayo sa Perth ng Australian shipbuilder na Austal ang natitirang walong sasakyang pandagat.
Nakatakdang maging pinakamalaking defense export contract sa kasaysayan ng Japan ang kasunduang ito. Sinasalamin nito ang mataas na antas ng tiwala sa pagitan ng dalawang bansa, at itinuturing na isang mahalagang yugto para sa industriya ng depensa ng Japan habang unti-unti itong lumalayo mula sa mga pasipistang limitasyon pagkatapos ng digmaan.
“Para sa Australia, ang relasyon nito sa Japan ang pinakakritikal na pakikipag-ugnayan nito sa Indo-Pacific ngayon,” isinulat ng nakabase sa Melbourne na political analyst na si Grant Wyeth sa The Diplomat noong Disyembre. Sa gitna ng tensyong bumabalot sa sistemang namamahala sa mga ugnayang pandaigdig, sabi niya, naging mahalaga sa pagpapatatag ng seguridad ang pagbuo ng mga maaasahan at kooperatibong pakikipagtulungan.
Sa taong ito, ipinagdiriwang ng Japan at Australia ang ika-50 na anibersaryo ng kanilang Basic Treaty on Friendship and Cooperation.
![Noong Disyembre 7, nagsalita ang Australian Defense Minister na si Richard Marles sa isang news conference sa Tokyo, kasama ang Japanese Defense Minister na si Shinjiro Koizumi. [Kazuhiro Nogi/Pool/AFP]](/gc9/images/2026/01/05/53362-afp__20251207__87c86ct__v1__highres__japanaustraliadiplomacy-370_237.webp)