Ayon sa AFP at Focus |
NEW DELHI — Nang ideklara ni Punong Ministro Narendra Modi ang “nahuling pagpasok” ng India sa pandaigdigang karera sa semiconductor, inasa niya sa mga tagapagpasimuno sa industriya tulad ni Vellayan Subbiah ang pagtatatag ng sentro ng inobasyon sa paggawa ng chips.
Ang chairman ng CG Power, na nangangasiwa sa bagong pinasinayaang pasilidad ng semiconductor sa kanlurang India, ay kinikilala bilang isa sa mga unang lokal na tagapagtaguyod ng estratehikong sektor na ito sa pinakamabilis na lumalagong pangunahing ekonomiya sa mundo.
“Ngayon lang nagkaroon ng ganitong antas ng pagkakahanay sa pagitan ng gobyerno, mga gumagawa ng patakaran, at ng mga negosyo—higit pa sa anumang nakita ko sa buong panahon ng aking karera,” sabi ni Subbiah, 56, sa AFP.
“May malinaw na pag-unawa kung saan kailangang tumungo ang India at kung gaano kahalaga ang pagtatag ng sariling kakayahan sa pagmamanupaktura.”
![Ipinapakita sa larawan ang mga inhinyerong nagpapatakbo ng kagamitan sa paggawa ng mga wafer sa pasilidad ng CG Semi OSAT sa Sanand, Gujarat, India, noong Setyembre 10. [Sam Panthaky/AFP]](/gc9/images/2025/10/07/52319-afp__20251001__74vd8we__v1__highres__indiaeconomypoliticssemiconductors__1_-370_237.webp)
Habang patuloy na nagbabago ang pandaigdigang dinamika ng kalakalan at nagdudulot ng mga hindi katiyakan, lalo pang pinagtibay ni Modi ang pagtutok sa sariling kakayahan ng India sa mga kritikal na teknolohiya.
Inilunsad ng New Delhi ang inisyatibang ito noong 2021, at ngayong taon ay inaprubahan nito ang 10 proyekto sa semiconductor na nagkakahalaga ng humigit-kumulang $18 bilyon, kabilang ang dalawang pasilidad para sa disenyo ng 3-nanometer chips.
Nakatakdang magsimula ang komersyal na produksyon sa pagtatapos ng taon, at inaasahang lalago ang merkado mula $38 bilyon noong 2023 hanggang halos $100 bilyon pagsapit ng 2030.
Si Subbiah, na pinamumunuan ang CG Power, isa sa mga nangungunang konglomerado sa India, ay nagtataya na "mahigit $100 bilyon, o higit pa," ang dadaloy sa industriya sa kabuuan ng value chain sa susunod na lima hanggang pitong taon.
“Napakapanabik,” sabi niya, ang mga magkatuwang na pakikipagtulungan sa pagitan ng pampubliko at pribadong sektor.
‘Kakayahang pabilisin’
Mga semiconductoray itinuturing itong susi sa paglago at pinagkukunan ng kapangyarihang geopolitikal.
Sinabi ng India na layon nitong bumuo ng isang kumpletong ecosystem at basagin ang dominasyon ng ilang rehiyon sa pandaigdigang supply chain.
Nilapitan ng gobyerno ang mga lokal na higante tulad ng Tata, kasama ang mga dayuhang kumpanya gaya ng Micron, upang itulak ang disenyo, pagmamanupaktura, at packaging sa mga magkasanib na venture.
Nagplano ang CG Semi, isang joint venture kasama ang CG Power, na mamuhunan ng halos $900 milyon sa dalawang planta para sa assembly at testing, at itaguyod rin ang kanilang kumpanya sa disenyo.
“Layunin naming magdisenyo ng mga chip upang maangkin din namin ang intelektwal na pag-aari (intellectual property), na napakahalaga para sa India,” sabi ni Subbiah, isang civil engineer na may master’s sa business administration mula sa University of Michigan.
Gayunpaman, ayon sa mga kritiko, dekada ang naantalang pagsisimula ng India at nananatili itong malayo sa mga nangungunang bansa sa paggawa ng chip tulad ng Taiwan, Netherlands, Japan, at China.
“Una, kailangan nating kilalanin na may agwat,” sabi ni Subbiah, na binanggit na ang TSMC ng Taiwan ay may 35-taong kalamangan.
Ugnayang Taiwan-India
Ang pagsusulong ng isang self-sufficient ecosystem ay lalo pang pinalalakas ang lumalalim na ugnayan sa Taiwan. Dumalo si S. Krishnan, Kalihim ng Indian Ministry of Electronics and Information Technology, sa SEMICON Taiwan trade fair noong Setyembre upang paigtingin ang kanilang pakikipagtulungan.
Kasunod ng tagumpay ng malalaking kumpanyang Taiwanese gaya ng Foxconn at Pegatron sa India, umabot sa mahalagang yugto ang kooperasyon. Makikipagtulungan ang Tata Electronics sa Powerchip Semiconductor Manufacturing Corporation upang itayo ang kauna-unahang 12-in. (300mm) wafer fabrication plant ng India, sa Dholera, Gujarat state.
Ang pakikipagtulungang ito ay mahalaga sa pagpapalawak ng pandaigdigang industriya ng teknolohiya. Binigyang-diin ni Krishnan ang potensyal ng India bilang “isang malaking merkado” at “pinagkukunan ng human resources,” ayon sa Taipei Times.
Ang India ay may napakalaking bilang ng kabataang manggagawa, na may 566 milyong taong wala pang 25 taong gulang. Ang yaman na ito ay susì sa pagtamo ng layunin ng bansa na makapaglagay ng chip na gawang-India sa bawat device sa mundo.
Pakikipagkumpitensya sa China sa gastos
“Dalawampung porsyento ng pandaigdigang talento sa disenyo ng semiconductor ay mula sa India,” sabi ni Modi noong Setyembre.
Ngunit nananatiling hamon para sa India ang paghikayat pabalik ng mga talentong naghanap ng oportunidad sa ibang bansa, kahit na matapos ang kamakailang pagbabago sa US H-1B worker visa program, na malawakang ginagamit ng mga Indian.
Ang India, ikalimang pinakamalaking ekonomiya sa mundo, ay patuloy na nakikipagpunyagi sa burukratikong pagkaantala at kakulangan ng makabagong oportunidad.
Kinilala ni Subbiah na ang kaniyang venture ay may humigit-kumulang 75 dayuhang empleyado.
“Hindi iyon ang paraan na gusto naming lumago. Gusto naming lumago kasama ang mga Indian,” aniya, at nanawagan ng mga patakaran upang hikayatin ang mga talentong nasa ibang bansa na bumalik. “Paano natin maibabalik ang mga ito?”
Saklaw na ngayon ng gobyerno ng New Delhi hanggang 50% ng gastos para sa lahat ng chip fabrication unit, anuman ang chip node, at nagbibigay rin ng katulad na suporta para sa pagsubok at packaging.
Ang sitwasyong heopolitikal at ang pangangailangan para sa matibay na internasyonal na suporta ay nagpapahirap sa landas na ito kumpara noong 2021, nang unang itulak ng New Delhi ang sariling kakayahan sa paggawa ng chip.
Gayunpaman, nananatiling positibo si Subbiah sa hinaharap.
“Dalawa lamang ang magkakaroon ng murang ecosystem sa mundo: ang isa ay nasa China, at ang isa pa ay nasa India,” sabi niya.
“Makikita ninyo na lilipat ang sentro ng grabidad patungo sa mga ekosistemang ito. Kung iisipin ang isang 25–30 taong yugto, tiyak na mangyayari ito.”
“Ang darating na tatlo hanggang apat na taon ay mahalaga para sa pagsulong ng mga layunin ng India sa semiconductor,” sinabi ni Sujay Shetty, managing director ng semiconductor sa PwC India, sa CNBC noong Setyembre.
“Ang panahong ito ang magtatakda kung makalilipat ang bansa mula sa mga anunsyo na hinimok ng insentibo patungo sa ganap na gumaganang mga planta ng paggawa ng chip na may matibay na kakayahang teknolohikal,” sabi niya.
![Mga inhinyero ang nagpapatakbo ng kagamitan sa paggawa ng wafers sa pasilidad ng CG Semi OSAT sa Sanand, Gujarat, India, noong Setyembre 10, habang isinusulong ng bansa ang pagtatatag ng kumpletong semiconductor ecosystem at ang pagwawakas sa dominasyon ng pandaigdigang supply chain. [Sam Panthaky/AFP]](/gc9/images/2025/10/07/52318-afp__20251001__74vd3nr__v1__highres__indiaeconomypoliticssemiconductors-370_237.webp)