Karapatang Pantao

Deadlock sa Burma habang sinisiguro ng China ang dominasyon ng junta sa himpapawid

Ayon sa isang think tank, kabilang sa suporta ng Beijing sa junta ang pagbebenta ng armas, teknolohiya ng drone, at mga technician.

Ipinapakita ang isang gumuhong gusali sa rehiyon ng Sagaing, Burma, matapos ang lindol na may lakas na 7.7 magnitude na tumama noong Marso 28. Isa ang Sagaing sa mga lugar na lubhang naapektuhan ng labanan sa pagitan ng militar at mga armadong grupo ng oposisyon. [Nyan Zay Htet/UNICEF]
Ipinapakita ang isang gumuhong gusali sa rehiyon ng Sagaing, Burma, matapos ang lindol na may lakas na 7.7 magnitude na tumama noong Marso 28. Isa ang Sagaing sa mga lugar na lubhang naapektuhan ng labanan sa pagitan ng militar at mga armadong grupo ng oposisyon. [Nyan Zay Htet/UNICEF]

Ayon sa AFP at Focus |

THABEIKKYIN, Burma -- Bago pumasok ang isang estudyanteng Burmese sa isang silid-aralan na nasa loob ng konkretong bunker, nanalangin siya para sa habag at kaligtasan ng kanyang komunidad, kahit alam niyang walang tutugon sa kanyang panalangin.

“Sana’y hindi dumating ang mga fighter jet. Sana’y magpakita ng kabutihan ang mga piloto sa amin. Sana’y hindi sumabog ang mga bomba,” sabi ng 18 taong gulang na si Phyo Phyo, na inaalala ang kanyang mga lihim na hiling.

Kasama siya sa halos isang dosenang estudyante sa isang paaralang nasa ilalim ng lupa, na itinatag noong Hunyo matapos na wasakin ng pag-atake ng junta ang isang kalapit na paaralan at pumatay ng hindi bababa sa 20 mag-aaral at dalawang guro, ayon sa mga saksi.

“Dati, malaya at puno ng kasiyahan ang aming mga araw sa paaralan,” sabi ni Phyo Phyo, isang alyas na ginamit para sa kanyang seguridad.

Nagdadalamhati ang mga tao sa libing ng mga biktimang nasawi sa air strike ng junta ng Burma noong Mayo 12 sa isang paaralan sa Tabayin township, Burma. Patuloy na tumataas ang bilang ng mga sibilyang nasasawi habang lalo pang umaasa ang militar ng Burma sa marahas at walang pinipiling kampanya ng air strikes. [AFP]
Nagdadalamhati ang mga tao sa libing ng mga biktimang nasawi sa air strike ng junta ng Burma noong Mayo 12 sa isang paaralan sa Tabayin township, Burma. Patuloy na tumataas ang bilang ng mga sibilyang nasasawi habang lalo pang umaasa ang militar ng Burma sa marahas at walang pinipiling kampanya ng air strikes. [AFP]

“Mula nang magsimula ang mga air strike, nawala ang aming kasiyahan,” dagdag pa niya. “Tahimik na ang mga estudyante.”

Ayon sa mga tagasubaybay ng labanan, pinalalakas ng militar ng Burma ang mga air strike bawat taon mula nang simulan nito ang digmaang sibil sa pamamagitan ng kudeta noong 2021, bilang tugon sa mga grupong gerilyang sumasalakay sa kanilang mga sundalo sa lupa.

Estratehikong suporta ng China

Pinalalakas ng China ang suporta nito sa military junta ng Burma upang protektahan ang sariling interes sa ekonomiya , ayon sa Stimson Center, sa gitna ng tumataas na bilang ng mga nasasawi dahil sa mga air strike at laban ng junta sa mga pwersang tumututol.

" Ang suporta ng China sa junta ay hindi lamang nanatili, kundi lumawak pa ito, habang desperadong sinusubukan nitong palakasin ang isang junta na mahina sa ekonomiya at labis na nabibigatan sa aspeto ng militar, ayon sa think tank noong Marso.

“Ang pinakamahalagang tulong na ibinibigay ng Beijing ay sa larangan ng militar, kabilang ang pagbebenta ng armas, teknolohiya ng drone, pagpapadala ng mga technician sa mga industriya ng depensa... at pagpigil sa pag-export sa oposisyon ng mga produktong may dalawang gamit.”

Hindi makontak ang tagapagsalita ng junta ng Burma para sa pahayag.

Nagsasagawa ng kampanya ang junta upang muling mabawi ang mga teritoryo bago ang halalan na itinakda umano sa Disyembre 28.

Ngunit nangako ang mga rebelde na hahadlangan ang halalan sa kanilang mga nasasakupan, at inilalarawan ng mga analyst ang pagboto bilang isang taktika upang pagtakpan ang patuloy na pamumuno ng militar.

Sa isang gubat na hawak ng mga rebelde, mga 110 km sa hilaga ng lungsod ng Mandalay kung saan nagbabantay sa himpapawid ang mga jet ng junta, nag-aaral si Phyo Phyo at ang kanyang mga kaklase sa kanilang madilim at mamasa-masang silid-aralan.

Itinayo ito sa ilalim ng lupa gamit ang mga donasyon at parang isang simpleng selda ng bilangguan.

“Gusto naming mag-aral, anuman ang humadlang,” sabi ni Phyo Phyo.

Bigong magtagumpay ang junta sa labanan sa lupa

Nakayuko habang nag-aaral ng Burmese literature, ang kanyang paboritong subject, binabantayan ang dalaga ng isang poster ni Aung San Suu Kyi, ang demokratikong lider na tinanggal sa puwesto ng militar noong Pebrero 2021.

Pagkatapos, bumuo ang mga aktibista ng demokrasya ng mga yunit ng gerilya at nakipag-alyansa sa iba't ibang armadong grupo ng mga etnikong minorya, na matagal nang nakikipaglaban para sa sariling pamahalaan.

Hindi umunlad ang kanilang magkakawatak-watak na organisasyon hanggang sa magsimula ang isang pinagsamang opensiba noong huling bahagi ng 2023.

Pagkatapos, pinatindi ng napi-pressure na militar ang kampanya sa himpapawid gamit ang mga jet mula sa China at Russia laban sa mga rebelde na wala namang sariling air fleet o depensa sa mga pag-atake mula sa himpapawid.

“Ang dahilan kung bakit sila gumagamit ng air strike ay dahil akala nila may kapangyarihan ang aming mga rebolusyonaryong armadong grupo na talunin sila,” sabi ni Zaw Tun, miyembro ng self-declared National Unity Government ng kilusang demokrasya sa isang lugar na hawak ng rebelde sa hilagang bahagi ng rehiyon ng Sagaing.

“Hindi nila kayang manalo sa labanan sa lupa, pero may kapangyarihan silang atakihin kami gamit ang air strike,” sabi niya.

Napansin ng opisina ng karapatang pantao ng UN (OHCHR) ang tumitinding paggamit ng militar sa air power, kabilang ang bagong taktika gamit ang paramotor na kayang magdala ng 120mm mortar upang atakihin ang mga sibilyan at mga lugar na apektado ng lindol.

Tumama ang lindol sa Burma noong Marso, na lalo pang nagpahirap sa mamamayan.

Pagkasawi dulot ng himpapawid

Halos kalahati ng lahat ng beripikadong pagkamatay ng sibilyan mula Abril 2024 hanggang Mayo 2025 ay dahil sa mga pag-atake mula sa himpapawid ng rehimen.

Bihirang lumipas ang isang linggong walang nasasawing mga sibilyan sa malawakang pambobomba, kadalasan sa mga paaralan o monasteryo na tinitirhan ng mga bata o monghe, at kung minsan pati na rin ang mga nagsisislbing kanlungan ng mga sibilyang lumikas na dahil sa labanan.

“Sadyang pinupuntirya ng militar ang mga tao dahil gusto nilang maghasik ng takot,” sabi ni Su Mon Thant, analyst ng Armed Conflict Location and Event Data Project (ACLED) para sa Asia-Pacific.

Ngunit habang pinapayagan ng “makapangyarihan sa himpapawid” ang militar na maiwasan ang pagkatalo, sabi niya, hindi ito sapat para matiyak ang tagumpay.

Iba-iba ang pagtataya sa bilang ng mga nasawi sa digmaan sa Burma. Iniulat ng OHCHR noong Setyembre na hindi bababa sa 6,764 na sibilyan ang napatay at mahigit 29,000 ang naaresto dahil sa pulitika mula nang maganap ang kudeta.

Gayunpaman, iniulat ng ACLED na higit sa 85,000 na ang nasawi sa lahat ng panig ng labanan.

Sa kadiliman ng gabi

Upang makaligtas sa patuloy na banta ng air raid ng junta, sa gabi nagtatrabaho ang mga magsasaka ng palay sa rehiyon ng Sagaing.

Sa Thabeikkyin township ng Mandalay, binabantayan ng mga rebelde ang himpapawid at gumagamit ng walkie-talkie upang magbabala kapag may paparating na mga jet.

Pinatutunog ni Thwat Lat ang sirena nang hanggang 15 beses sa isang araw, na nagsisilbing hudyat para sa mga residente na tumakbo patungo sa mga bunker. “Sa bawat buhay na naililigtas, nararamdaman ko sulit ang ginagawa ko,” sabi niya sa isa sa kanyang mga kamakailang 19-oras na shift.

Ngunit hindi kayang protektahan ng mga bunker at nakatagong paaralan ang mga nasa loob nito laban sa sikolohikal na sugat.

“Hindi ko maipaliwanag ang kabang nararamdaman ko,” sabi ni Khin Tint, 67 taong gulang.

“Minsan iniisip kong patay na ako, pero patuloy pa rin ang tibok ng puso ko.”

Nagustuhan mo ba ang artikulong ito?

Policy Link

Captcha */Patunay na Hindi Robot *