Kakayahan

Japan, inilunsad ang ika-6 na Taigei-class submarine habang nagmamasid sa China

Ang pagbibinyag sa submarino ay kasabay ng pagpasok sa serbisyo ng ikatlong aircraft carrier ng China.

Ang JS Sōgei, ang ika-anim na Taigei-class na submarino, ay inilunsad noong Oktubre 14 sa isang seremonya sa shipyard ng Kawasaki Heavy Industries sa Kobe, Japan. [Kagawaran ng Depensa ng Japan]
Ang JS Sōgei, ang ika-anim na Taigei-class na submarino, ay inilunsad noong Oktubre 14 sa isang seremonya sa shipyard ng Kawasaki Heavy Industries sa Kobe, Japan. [Kagawaran ng Depensa ng Japan]

Ayon kay Jia Feimao |

Pinapahusay ng hukbong dagat ng Japan ang mga submarino nito habang patuloy na nagdudulot ng tensyon ang China sa rehiyon ng Indo-Pacific.

Bininyagan ng Japan Maritime Self-Defense Force (JMSDF) ang ika-anim nitong Taigei-class diesel-electric attack submarine, ang JS Sōgei, sa shipyard ng Kawasaki Heavy Industries sa Kobe noong Oktubre 14. Nakatakdang ipasok ito sa serbisyo sa Marso 2027.

Pinapagana ng lithium-ion na baterya para sa mas matagal na operasyon, mabilis na galaw, at tahimik na paglalayag sa ilalim ng tubig, ipinapakita ng sasakyang ito ang patuloy na modernisasyon ng paggawa ng submarino ng Japan.

Ayon sa JMSDF, ang Sōgei (hull number SS-518) ay nagkakahalaga ng humigit-kumulang 73.6 bilyong yen ($480.6 milyon). Humigit-kumulang 84 metro ang haba nito, may displacement na 3,000 na tonelada, at may crew ng humigit-kumulang 70 na tao.

Ang Jingei, ang ikatlo sa mga Taigei-class submarino ng JMSDF, ay kinomisyon noong Marso 2024. Dahil sa mga lithium-ion na baterya nito, mas matagal itong maaaring manatili sa ilalim ng tubig at mas malalayong distansya ang nalalakbay nito kaysa mga lumang modelo na may mga lead-acid na baterya. [JMSDF]
Ang Jingei, ang ikatlo sa mga Taigei-class submarino ng JMSDF, ay kinomisyon noong Marso 2024. Dahil sa mga lithium-ion na baterya nito, mas matagal itong maaaring manatili sa ilalim ng tubig at mas malalayong distansya ang nalalakbay nito kaysa mga lumang modelo na may mga lead-acid na baterya. [JMSDF]

May anim na 533mm na tubo ang Sōgei para sa mga mabibigat na torpedo at mga ilulunsad na antiship missile.

Mula 2020, napanatili ng Japan ang tuloy-tuloy na paggawa ng mga submarino. Naglulunsad sila ng halos isang Taigei-class na submarino kada taon.

Ayon sa mga bukas na sanggunian, umaabot ang bilis ng ganitong klase sa humigit-kumulang 20 knots kapag lumubog, at may tinatayang 6,000 hp na naka-install. Tugma ang mga numerong ito sa mabilis at tahimik na coastal hunter na dinisenyo para sa estratehikong unang island chain na kinabibilangan ng Japan, Taiwan, at Pilipinas.

Ang pinakabagong pagbibinyag ay naganap sa gitna ng tumataas na tensyon sa rehiyon. Noong Hunyo, ang mga Chinese aircraft carrier na Liaoning at Shandong ay magkasabay na nagsanay sa Pasipiko at kumilos malapit sa mga katimugang isla ng Japan. Ang Liaoning rin ang naging unang Chinese carrier na tumawid sa ikalawang island chain.

Ang ikalawang island chain ay kinabibilangan ng Guam, Mariana Islands, at New Guinea.

Samantala, noong Nobyembre 5, kinomisyon ng China ang ikatlong carrier nito, ang Fujian.

Habang ipinapakita ng China, North Korea, at Russia ang kanilang lakas militar sa paligid ng Japan, tumitindi ang inaasahan mula sa mga submarino ng JMSDF, ayon sa ulat ng The Diplomat noong Oktubre.

Kapag may nangyari sa Taiwan, maaaring mahatak sa pagkasangkot ang Japan, isang panganib na nagtulak sa Tokyo na palakasin ang hukbong-dagat nito.

Hamon sa ambisyon ng China para sa malawak na karagatan

Nanatatiling nag-iisang kilalang operator ang Japan ng mga submarinong diesel-electric na may mga lithium-ion na baterya.

Kung ikukumpara sa lead-acid at air-independent propulsion system, sa lithium-ion na sistema ay mas mabilis ang recharging, mas mataas ang discharge capacity nito, at may mas malaking energy density. Mas tahimik din ito kapag tumatakbo, mas mataas ang mga transit at sprint speed, at mas matagal din itong nakakapanatili sa ilalim ng tubig.

Ang mga lithium-ion na mga submarino ay maaaring magtagal sa ilalim ng tubig at mas mahirap matuklasan ang kanilang presensya kaysa ibang mga submarino, sabi sa Focus ni Shu Hsiao-huang, associate research fellow sa Taiwan’s Institute for National Defense and Security Research.

“Kaya ng mga Taigei-class na submarino na tahimik at mabilis na marating ang sentro ng isang Chinese carrier strike group, at maaaring maging malaking banta sa ambisyong pandagat ng Beijing,” sabi niya.

Gumagawa rin ang Japan ng cruise missile na mailulunsad sa pamamagitan ng isang torpedo tube upang madagdagan ang kanilang magagamit para sa malayuang pagsalakay sa mga target sa lupa at sa karagatan.

Nilagdaan ng Kagawaran ng Depensa ng Japan ang dalawang kontrata ng Mitsubishi Heavy Industries para sa pinahusay na Type 12 na antiship missile na inilulunsad mula sa barko, at para sa isang hindi pa pinapangalanang submarine-launched cruise missile. Inaasahang lalampas sa 998 na kilometro ang saklaw ng huli at ipapasok ito sa serbisyo sa huling bahagi ng 2020s.

Ang Taigei class ay kasalukuyang may tube-launched na antiship missile na may saklaw na 248 na kilometro.

Subali't dahil ginagamit din ang mga torpedo tube para sa iba pang mga armas, ito'y nagpapabagal sa pag-reload. Upang mas mahusay na mapaputok ang mga long-range na armas, iniisip ng Japan na magdagdag ng mga vertical launch system (VLS) sa mga susunod nitong submarino.

“Ang isang VLS ay magbibigay-daan sa mga susunod na henerasyong submarino ng Japan na magpaputok ng mga armas na mas marami, mas malalaki,at may mas mahahabang saklaw kaysa kasalukuyan. Magiging mas nakamamatay na strike platform ang mga ito,” sabi sa Japan Times noong Oktubre ni Jeffrey Hornung, isang espesyalista sa depensa ng Japan sa RAND.

Nagustuhan mo ba ang artikulong ito?

Policy Link

Captcha */Patunay na Hindi Robot *