Ayon kay Jia Feimao |
Pinahusay ng mga sundalong Taiwanese mula sa iba't ibang sangay ng militar ang kanilang mga kasanayan sa mga malawakang pagsasanay noong Oktubre at Nobyembre.
Nagsagawa ang hukbo ng pitong araw at anim na gabing brigade-level na force-on-force na pagsasanay noong huling bahagi ng Oktubre, kung saan sa unang pagkakataon ginamit ang Team Awareness Kit (TAK) na gawa ng US upang patalasin ang pangangasiwa sa lupa, pagkontrol, at kakayahang tumugon sa mga labanan. Ginamit sa Lu Sheng No. 1 ang mga aktuwal na sundalo, lupain, at mga kagamitan. Itinampok din ang higit sa 200 na kilometro ng cross-area maneuver, at ang integrasyon ng teknolohiya.
Ayon sa punong-himpilan ng hukbo, ang Army Education, Training and Doctrine Development Command ang nangasiwa sa pagsasanay. Dito’y nagharap ang ika-542 na Armored Brigade at ang ika-234 na Mechanized Infantry Brigade sa gitnang Taiwan at nagsagawa ng iba't ibang operasyong opensiba at depensiba, pati na rin para sa paghahabol at pag-aantala.
Ganap na ginamit ng hukbo ang TAK at pinagsama ang mga live video at surveillance feed upang makabuo ng isang larawan ng operasyon. Ayon sa Military News Agency ng Taiwan, nagbigay-daan ito sa mga commander na subaybayan ang lokasyon ng mga yunit, at kung matatapos nila ang pinapagawa sa takdang oras.
![Sa kauna-unahang pagkakataon, ginamit ng hukbo ng Taiwan ang Team Awareness Kit sa kanilang pagsasanay militar na tinawag na Lu Sheng. [Taiwan's Military News Agency]](/gc9/images/2025/11/13/52761-tak-370_237.webp)
![Isang piloto ng air force ng Taiwan ang nagsasanay sa mabilisang paglipad upang harangin ang isang dayuhang sasakyang panghimpapawid. [Taiwan's Military News Agency]](/gc9/images/2025/11/13/52763-interception-370_237.webp)
Ang unang paggamit sa simulation ng labanan
Ang US Department of Defense ang bumuo ng TAK, at nagamit na ito ng Taiwan dati sa pagtulong sa panahon ng sakuna, ang sabi sa Focus ni Su Tzu-yun, isang defense researcher ng Institute for National Defense and Security Research sa Taiwan. Ang pagsasanay na ito ang kauna-unahang pagkakataong ginamit ito ng Taiwan sa isang simulation ng labanan.
"Sa pamamagitan ng sistemang ito, magagamit ng mga yunit sa lupa ang impormasyon mula sa larangan ng digmaan nang mabilis at sa mababang halaga para sa tumpak na kaalaman tungkol sa galaw ng kalaban at mabilis na paggawa ng desisyon,” dagdag niya.
Mas mahalaga na kaysa dati ang papel ng mga drone ngayon, na sumusuporta sa pagmamanman at pagtukoy sa target upang gawing mas tumpak ang recon-to-fires link. Ang mga paggalaw sa gabi, malalayong distansya, at mabilis na taktika ay nagtulak sa mga sundalong kumilos sa bilis na parang nasa totoong labanan, at sinubok ang kakayahan ng mga commander na umangkop sa gitna ng aksyon.
Ininspeksyon ni Pangulong Lai Ching-te ang pagsasanay noong Oktubre 28. Ayon sa kanya, pinagsama ng drill ang mga unmanned system at TAK upang bumuo ng kompletong “kill chain” mula sa pagmamanman at pag-utos hanggang sa pagsalakay. Pinatunayan nito ang pagiging epektibo ng cross-service deployment -- patunay ng modernisasyon at pinagsamang kakayahan sa pakikidigma.
Ang TAK , na pinananatili ng US TAK Product Center, ay may iba’t ibang bersiyon para sa militar, pamahalaan, at mga sibilyan. Malawakang ginagamit ito ng mga ahensya ng depensa at pampublikong kaligtasan sa US.
Mga pagsasanay ng hukbong-dagat at hukbong panghimpapawid
Nagsanay rin noong Oktubre at Nobyembre ang iba pang sangay ng militar ng Taiwan. Kabilang rito ang hukbong-dagat, coast guard, marines, at hukbong panghimpapawid.
Sa karagatan, isinagawa ng hukbong-dagat ang taunang Hai Chiang readiness drill noong kalagitnaan ng Oktubre, kung saan sinanay nila ang "pinagsamang pagharang, pagkontrol sa pinsala, pagpatay ng sunog sa barko, mga taktikal na pormasyon, paghahanda muli sa himpapawid " at mga live-fire na kaganapan, ayon sa ulat ng Taipei Times.
Sa pagsasanay, inilagay ng mga awtoridad ang mga Anping-class vessel ng Coast Guard Administration sa ilalim ng pamumuno ng hukbong-dagat upang subukan ang mga protocol sa paglipat sa panahon ng digmaan, bagama't walang ginawang live-fire. Pinatunayan ng mga pagsasanay na pandagat ang kakayahan sa defensive minelaying at mga antisubmarine mission, ayon sa media ng Taiwan.
Nagsagawa ng live-fire na pagsasanay malapit sa Kaohsiung ang mga marine noong unang bahagi ng Nobyembre, na nakatuon sa magkasanib na anti-landing at beachhead defense phase. Isinama ng mga unit ang TAK sa mga surveillance drone upang makakuha ng isang larawan ng operasyon.
"Pinatibay ng pagsasanay ang mga kakayahan para sa mabilis na pagtugon at pinahusay ang paggawa ng desisyon ng mga commander sa tamang oras, koordinasyon sa sunog, at integrasyon ng magkasanib na depensa," ulat ng Taiwan News noong Nobyembre 6.
Isinagawa ng hukbong panghimpapawid ang Tien Lung drill sa huling bahagi ng Oktubre upang patunayan ang bisa ng magkasanib na operasyon sa mas maigting na labanan. Inilista ng Defense Ministry ang Lu Sheng No. 1 (Oktubre 25–31) at ang Tien Lung ng hukbong panghimpapawid (Oktubre 27–31) kasabay ng pagsasanay ng hukbong-dagat noong Oktubre, na nagbigay-diin sa isang mas malawak na pagtutok tungo sa integrasyon ng impormasyon at koordinasyong cross-domain.
Mga aral na natutunan
Ang Lu Sheng No. 1 ay tanda ng tunay na pag-unlad sa pagsasanay ng Hukbo, sabi ni Su sa Central News Agency. Inilipat ng drill ang exercise control sa isang dalubhasang pangkat ng pangangasiwa at nagdagdag ng mga pagsasanay gamit ang mga blangkong bala at pinagsanib na operasyon sa himpapawid at sa lupa. Sinabi niya na layunin ng balangkas na magsilbing pundasyon ng mas mahigpit at nakabatay sa datos na sistema ng pagsasanay.
![Isang tangke ng Taiwan ang umaandar sa kalsada bilang bahagi ng Lu Sheng exercise ng hukbo. [Taiwanese Defense Ministry]](/gc9/images/2025/11/13/52762-tank-370_237.webp)