Ayon kay Zarak Khan |
Ang nakatakdang tatlong oras na transit sa Shanghai Pudong International Airport ay nauwi sa 18 na oras na detensyon para kay Pema Wangjom Thongdok, isang mamamayan ng India mula sa estado ng Arunachal Pradesh, na ngayo'y nakabase na sa UK . Hinarang siya ng mga opisyal ng Chinese immigration noong Nobyembre 21 habang siya'y naglalakbay mula London patungong Japan.
Sinabihan siya ng mga opisyal sa immigration counter na walang bisa ang kanyang Indian na pasaporte dahil ang nakalagay roon na lugar ng kanyang kapanganakan ay Arunachal Pradesh. Ayon sa Indian media, iginigiit ng mga opisyal na bahagi ng China ang estado.
Dahil sa insidenteng ito,muling binigyang-pansin kung paanong ang kontrobersyal na pag-angkin ng Beijing sa Arunachal Pradesh ay humuhubog sa paraan ng pagtrato nila sa mga biyaherong Indian, at muling nagbigay-daan sa mga katanungan ukol sa pagbuti ng diplomatikong ugnayan sa pagitan ng India at China.
Tinatawag ng China ang Arunachal Pradesh na "Zangnan" o "South Tibet," isang paninindigang tinatanggihan ng India.
![Si Pema Khandu (nasa gitna), chief minister ng probinsiya ng Arunachal Pradesh, India, ay nakikinig sa ulat ng isang opisyal ng border road sa Sela Tunnel sa distrito ng Tawang noong Nobyembre. Malapit ang distrito sa hangganan ng India at China. [Pema Khandu/X]](/gc9/images/2025/12/05/53035-photo_2-370_237.webp)
Sinabi ni Thongdok sa ANI news agency na nang kuwestiyonin niya ang desisyon, kinutya at pinagtawanan siya ng mga immigration personnel.
“Sabi nila, ‘Hindi bahagi ng India ang Arunachal,’ at nagsimulang kutyain at pagtawanan ako, sabay sabing,‘Dapat mag-apply ka para sa isang Chinese passport, Chinese ka, hindi Indian,’” aniya.
Sa kanyang mga social media post at panayam sa mga Indian outlet, sinabi ni Thongdok na kinuha ng mga opisyal na Chinese ang kanyang pasaporte, hinadlangan siyang sumakay sa kanyang flight papuntang Japan, at kaunti lamang ang impormasyon o tulong na ibinigay sa kanya hanggang ang sandaling layover ay nauwi sa isang magdamagang pagpapahirap. Sa kalaunan, nakisangkot na ang mga Indian consular official sa China at tinulungan siyang mabawi ang kanyang pasaporte at makasakay sa susunod na flight palabas ng bansa.
Diplomatikong negatibong reaksiyon
Tumugon ang India sa pamamagitan ng mariing pahayag na diplomatiko sa Beijing at sa New Delhi, isang demarche na nagpoprotesta laban sa detensyong inilarawan ng Ministry of External Affairs ng India bilang di-makatwiran.
“Ang Arunachal Pradesh ay isang mahalaga at hindi maaaring agawing bahagi ng India, at ito ay isang malinaw na katotohanan. Kahit ilang ulit pa itong itanggi ng China, hindi magbabago ang di-matututulang katotohanang ito,” sabi ni Randhir Jaiswal, ang tagapagsalita ng Ministry, sa isang pahayag.
“Ang ikinilos ng mga awtoridad ng China ay lumalabag din sa kanilang sariling regulasyon na nagpapahintulot ng visa-free transit hanggang 24 oras para sa mga mamamayan ng lahat ng bansa,” dagdag niya.
Si Pema Khandu, chief minister ng Arunachal Pradesh,ay “lubhang nagulat” sa pinagdaanan ni Thongdok. “Nakabibigla ang pinagdaanan niya, gayong wala namang problema sa kanyang Indian na pasaporte. Matindi ang pagpapahiya at pangungutya batay sa lahi,” sabi niya sa kanyang tweet.
“Ang ganitong gawi ay lumalabag sa mga pandaigdigang pamantayan at isa ring insulto sa dangal ng ating mga mamamayan,” aniya.
Sa likod ng tensyon sa hangganan
Ang insidenteng ito ay dumadagdag sa matagal nang tensyon sa kahabaan ng Line of Actual Control, ang aktwal na hangganang naghihiwalay sa dalawang karatig-bansa na may mga sandatang nukleyar.
May 3,380 na kilometrong hangganan sa pagitan ng India at China at ito’y apektado ng mga alitan sa teritoryo, ng mga paulit-ulit na pagtutuos ng mga militar, at ng mga nagkukumpitensiyang imprastrakturang militar. Nasira ang ugnayan ng dalawang bansa matapos ang mga sagupaan noong Hunyo 2020 sa Ladakh, kung saan namatay ang 20 na Indian at apat na Chinese na sundalo, Ito ang pinakamalalang labanan sa pagitan ng mga Chinese at Indian mula noong 1975.
Inaangkin ng Beijing ang buong Arunachal Pradesh kahit wala itong kontrol sa lugar. Samantala, inaangkin naman ng India ang Aksai Chin plateau, isang lugar na nasa ilalim ng kontrol ng China.
Pinatatatag ng China ang kanilang pag-angkin sa Arunachal Pradesh sa pamamagitan ng paglalabas ng serye ng mga pamantayang pangalan para sa mga lokasyon sa loob ng estado ng India. Mula 2017, nakapaglabas na ang Beijing ng maraming listahan ng bagong pangalan para sa mga bayan, bundok, ilog, at mga pass. Tinanggihan ng India ang lahat ng ito bilang walang legal na bisa.
Iginigiit ng Beijing na ang pagbibigay ng mga bagong pangalan ay bahagi ng kanilang "karapatang soberano", isang posisyong sumasalamin sa matagal na nilang patakaran ng pagbibigay ng stapled visa sa mga residente ng Arunachal Pradesh. Ipinagkakait ng China ang pagmamarka gamit ang stamp sa mga Indian na pasaporte, at sa halip ay naglalakip lamang sila ng hiwalay na papel. Ito’y itinuturing ng New Delhi bilang diskriminasyon at may motibong pulitikal.
Insidenteng nagdadala ng panganib sa relasyon ng India at China
Nakatawag-pansin ang detensyon kay Thongdok dahil ito ay naganap sa gitna ng maingat na pagsisikap ng mga pamahalaan ng dalawang bansa na patatagin ang kanilang ugnayan.
Sa kabila ng mga kamakailang diplomatikong hakbang, nananatiling marupok ang relasyon ng China at India.
Sa nakalipas na taon, nagsikap ang dalawang panig na buhayin ang limitadong pakikipag-ugnayan, ipagpatuloy ang mga commercial flight, ayusin ang mga border patrol procedure, at magpalitan ng mga senior-level visit. Nagkasundo sina Indian Prime Minister Narendra Modi at Chinese President Xi Jinping na tingnan ang isa’t isa bilang "magkatuwang, hindi magkaribal" sa Shanghai Cooperation Organization (SCO) summit sa Tianjin, China, na ginanap mula Agosto 31 hanggang Setyembre 1.
Ipinahayag ni Chinese Foreign Minister Wang Yi ang kaparehong pananaw sa mga pag-uusap sa New Delhi noong Agosto, na nagpapahiwatig ng kagustuhan ng Beijing na magkaroon ng mas maasahang yugto sa relasyon nito sa New Delhi.
“Ipinapakita ng detensyon ni Thongdok kung bakit maraming Indian ang hindi nagtitiwala sa China,” sabi ni Sanjay Kumar, isang political activist na nakabase sa New Delhi.
“Dahil sa mga paulit-ulit na ginagawa ng Beijing kaugnay ng coercive diplomacy, mga pang-uudyok sa Arunachal Pradesh at Ladakh, at pananakot sa ordinaryong mamamayan ng India, nagiging mahirap para sa New Delhi na tanggapin ang mga pangako ng China nang walang alinlangan,” sabi niya sa Focus.
Kaya naman mataas ang antas ng pagdududa sa panig ng India. Inaresto ng mga awtoridad ng India ang Chinese national na si Liu Qunjing noong Nobyembre 24 sa Rupaidiha checkpost sa Uttar Pradesh, matapos umano siyang ilegal na pumasok sa India mula Nepal, at kumuha ng video ng mga sensitibong bahagi ng hangganan..
Sa buong 2025, ang mga awtoridad ng India ay paulit-ulit na may naaarestong mga Chinese national, karamihan sa kahabaan ng India-Nepal frontier. Ipinapakita nito na patuloy na naaapektuhan ang relasyon ng dalawang bansa ng mas mahigpit na pagsusubaybay at ng mga alalahanin sa seguridad.
![Nasa magkabilang tabi ng larawan ni Pema Wangjom Thongdok ang mga watawat ng India at China sa isang graphic na nagpapakitang ang kanyang 18 na oras na detensyon sa paliparan ng Shanghai ay nagdulot ng panibagong tensyon sa pagitan ng dalawang bansa. [Pema Thongdok/X/Illustration: Zarak Khan]](/gc9/images/2025/12/05/53034-illustration-370_237.webp)