Ayon kay Zarak Khan |
Ang pag-angat ng India sa antas na “major power” sa Asia Power Index 2025 ay lalong nagpalinaw sa mga linya ng heopolitika sa rehiyon, at tahasang naghatid ng estratehikong mensahe sa Beijing sa gitna ng nagpapatuloy na tensyon sa border at tumitinding kompetisyon para sa impluwensiya.
Sa pinakahuling edisyon ng influential index na inilathala noong Nobyembre ng Lowy Institute, isang think tank na nakabase sa Sydney, itinanghal ang India bilang ikatlong pinakamakapangyarihang bansa sa Asia-Pacific, kasunod lamang ng Estados Unidos at Tsina.
Ang puwesto na ito ay nagpapakita ng malinaw na pag-angat ng India mula sa dating klasipikasyon bilang isa sa mga “middle powers” noong 2024.
Sinasabi ng mga analyst na ang muling pagsusuri ay nagpapakita ng lumalawak na kakayahang militar at ekonomiya ng India, at ng isang rehiyong lalong naiimpluwensyahan ng agresibong posisyon ng Tsina.
![Nagsagawa ng mga pagsasanay ang mga sundalo ng army ng India sa Jaisalmer, estado ng Rajasthan, noong Nobyembre. [Indian Ministry of Defense/X]](/gc9/images/2025/12/31/53335-india_2-370_237.webp)
Pag-unlad ng kakayahang militar
Naitala ang malaking pag-unlad ng kakayahang militar ng India. Inilagay ito ng Lowy sa ika-apat na pwesto sa buong mundo.
Ayon sa mga tagamasid sa New Delhi, nakamit ang mga pag-unlad na ito sa gitna ng umiinit na tensyon sa Tsina.
Ang dalawang bansa ay matagal ng nasa tensyonadong sitwasyon sa Line of Actual Control, isang de facto na hangganan na naging saksi sa paulit-ulit na komprontasyon mula pa noong 2020.
Ang mga sagupaan noong Hunyo 2022, na ikinamatay ng 20 sundalong Indian at apat na sundalong Chinese, ang kauna-unahang nakamamatay na engkwentro sa hangganan ng Himalaya sa halos kalahating siglo.
Matapos ang insidenteng iyon, pinalawak ng Beijing ang paggawa ng mga kalsada, riles ng tren, at mga pasilidad na puwedeng gamitin ng sibilyan at militar sa mga rehiyon nito na malapit sa border ng India.
Tumugon ang India sa pamamagitan ng pagpapalakas ng imprastruktura sa mga border, paggawa ng mga kalsadang puwedeng daanan kahit anong panahon para mas mabilis makapagpadala ng mga sundalo, at pagbuo ng mga bagong programang missile, kabilang ang Agni-P, bilang bahagi ng tinatawag ng mga analyst na maingat na estratehikong pagpapadala ng mensahe sa Beijing.
“Dahil sa kompetisyon sa Tsina, mas pinagtibay ng India ang pagtutok nito sa depensa, militar, at ekonomiya,” ayon kay Amar Malhotra, isang eksperto sa estratehikong usapin ng India na nakabase sa New Delhi.
"Lahat ng malalaking pag-unlad ay nangyari dahil sa tunggalian sa Beijing," sinabi niya sa Focus.
Kamakailan, inilagay din ng World Directory of Modern Military Aircraft ang India bilang ikatlong pinakamalakas sa puwersa sa himpapawid sa buong mundo, nauuna sa Tsina at kasunod lamang ng Estados Unidos at Russia.
Sa isang pagsusuri noong Oktubre, sinabi ng Newsweek na ang pag-unlad na ito ay “isang nakakagulat na pagbabago sa lakas-militar sa buong mundo,” kung saan "nalampasan ng India ang Tsina at naging ikatlong pinakamalakas na air force sa buong mundo."
“Habang patuloy pa ring nangingibabaw ang Estados Unidos, kasunod ang Russia, ipinapakita ng pag-angat ng India ang malaking pagbabago sa estratehikong balanse ng Asya,” dagdag pa nito.
Mabilis na pag-angat sa ekonomiya
Ipinakita rin ng ulat ng Lowy Institute na patuloy na lumalakas ang ekonomiya ng India.
Nasa ikatlong puwesto ang India sa kakayahang pang-ekonomiya at hinaharap na yaman, na nalampasan ang Japan sa kakayahang pang-ekonomiya sa unang pagkakataon mula nang simulan ang index noong 2018.
Nalampasan na ng India ang Tsina at ngayon ay naging ikalawang pinakamagandang lugar para sa dayuhang pamumuhunan sa buong mundo, kasunod lamang ng Estados Unidos.
Ang rank na ito, batay sa kabuuang daloy ng dayuhang pamumuhunan sa loob ng 10 taon, ay humahamon sa matagal nang paniniwala tungkol sa lakas ng ekonomiya ng Tsina.
“Ang pagbabagong ito ay bunga ng mga geopolitical factors, kasama na ang paghahangad ng mga negosyo na iba-ibahin ang kanilang supply chain, at dahil rin sa pagiging magandang lugar ang India para sa pamumuhunan,” dagdag pa nito.
Kahinaan sa network sa depensa
Nahuhuli pa rin ang India sa network sa depensa, at dito sila pinakamahina.
Inilagay ng Lowy Index ang India sa ika-11 puwesto sa kategoryang ito, na mas mababa kaysa sa sa Pilipinas at Thailand, na parehong pinalalakas ang pakikipagtulungan sa depensa bilang tugon sa lumalakas na posisyon militar ng Tsina sa South China Sea.
Ayon sa mga analyst, ang pag-aatubili ng India na gawing opisyal ang mga alyansang militar ay nililimitahan ang kakayahan nitong palakasin ang koordinasyon ng depensa sa rehiyon.
Ang Japan, na ngayon ay nasa ika-apat na puwesto sa kabuuan, ay nananatili pa ring isa sa pinaka-maimpluwensyang bansa sa rehiyon.
Inilarawan ng Lowy Institute ang Tokyo bilang isang perpektong halimbawa ng “smart power”. Binanggit nito ang mataas nitong Power Gap, at ang kakayahang “gamitin nang mahusay ang limitadong yaman para magkaroon ng malawak na impluwensya sa diplomasya, ekonomiya, at kultura sa rehiyon.”
![Lumahok ang mga tauhan ng army, hukbong-dagat at hukbong himpapawid ng India sa magkasanib na amphibious operations, mga pagsasanay sa depensang pangbaybayin, at isang pinagsanib na air-land-sea response exercise laban sa lumalakas na mga banta sa karagatan sa estado ng Gujarat noong Nobyembre. [Indian Ministry of Defense/X]](/gc9/images/2025/12/31/53334-focus_photo_1-370_237.webp)