Ayon sa AFP at Focus |
AHMEDABAD, India — Layunin ng India at Alemanya na palakasin ang kooperasyon sa industriya ng depensa, ayon kay Punong Ministro Narendra Modi noong Enero 12 matapos tanggapin si German Chancellor Friedrich Merz sa kanyang estado ng Gujarat.
Sinabi ni Merz na nais din ng Berlin ng mas malapit na pakikipagtulungan sa seguridad sa New Delhi, kabilang ang mas malalim na 'kooperasyon sa pagitan ng aming mga industriya ng depensa' upang mabawasan ang tradisyonal na pag-asa ng India sa Russia para sa kagamitang militar.
Pinaiigting ng Alemanya ang estratehikong pagtutok nito sa India, ang pinakamataong bansa sa mundo, habang ang pagbabago ng mga pattern ng paglago sa mundo ay muling nagtutukoy ng mga priyoridad sa ekonomiya. Ayon sa isang kamakailang pagtataya ng Organization for Economic Cooperation and Development, malaki ang inaasahang paglampas ng ekonomiya ng India sa Tsina sa taong ito, na itinatampok ang lumalagong impluwensya ng New Delhi sa internasyonal na kalakalan at diskarte sa pamumuhunan.
Inihayag ng parehong bansa ang ilang kasunduan at magkasanib na pahayag matapos ang pulong ng mga lider, na may layuning palakasin ang kanilang taunang kalakalan na nagkakahalaga ng $50 bilyon.
![Nagpalipad ng saranggola sina Punong Ministro ng India Narendra Modi (kanan) at German Chancellor Friedrich Merz sa International Kite Festival sa Ahmedabad noong Enero 12. [Shammi Mehra/AFP]](/gc9/images/2026/01/14/53499-afp__20260112__92dn79f__v1__highres__indiagermanypoliticsdiplomacy-370_237.webp)
Kasama sa mga anunsyo ang pakikipagtulungan sa industriya ng pagtatanggol, sa mga semiconductor, at sa mga kritikal na mineral.
Sinabi ni Modi, “Nagtutulungan ang dalawang bansa sa mga ligtas, maaasahan, at matibay na supply chain, at ang magpapalakas sa aming pakikipagtulungan ang aming MoU [memoranda of understanding] sa mga usaping ito.
Nagaganap ang pagpupulong ng mga lider ng India at Alemanya sa panahon kung kailan parehong humaharap ang dalawang bansa sa mga hamon sa ekonomiya at seguridad mula sa dalawang pinakamalaking ekonomiya sa mundo, ang Tsina at Estados Unidos.
Sinabi ni Merz na “nakatuon sa isang pandaigdigang kaayusan kung saan maaari tayong mabuhay nang malaya at ligtas, dahil kasalukuyang dumadaan ang mundo sa isang proseso ng muling pag-aayos" ang Berlin.
“Lalo itong nailalarawan ng politika ng malalaking kapangyarihan at pag-iisip ayon sa saklaw ng impluwensya, kaya’t kinakailangan nating magkaisa upang malampasan ang mga hamong ito,” dagdag niya.
“Iyan ang dahilan kung bakit nais din nating maging mas malapit sa isa’t isa pagdating sa patakaran sa seguridad, tulad ng pagsasagawa ng magkasanib na ehersisyo ng ating mga pwersang panghimpapawid at pandagat para sa seguridad sa Indo-Pasipiko.”
'Estratehikong kahalagahan'
“May partikular na estratehikong kahalagahan ang pagpapalalim ng kooperasyon sa pagitan ng ating mga industriya ng depensa. Pinapalakas nito ang magkabilang panig at nakatutulong din, halimbawa, upang maging mas hindi nakadepende ang India sa Russia,” sabi ni Merz.
Ang Russia ang pangunahing tagapagtustos ng armas ng India sa loob ng maraming dekada.
“Noong nakalipas na dalawang dekada, nagsuplay ang Moscow ng 65% ng mga biniling armas ng India,” iniulat ng Deutsche Welle noong 2024.
Dahil sa pag-aalala sa kahinaan na ito, sinubukan ng India sa mga nakaraang taon na bawasan ang pagdepende nito sa Russia sa pamamagitan ng pagpapalawak ng mga pinagkukunan ng import at pagpapalakas ng sariling lokal na industriya ng pagmamanupaktura.
Ngayon, kinikilala nito ang France, Israel, at Estados Unidos bilang iba pang mahahalagang tagapagtustos ng armas.
Kasunduan para sa mga submarino ng Alemanya
Nakikipag-negosasyon ang Berlin at New Delhi sa isang posibleng kasunduan para sa Thyssenkrupp Marine Systems ng Alemanya na magtayo ng anim na submarino para sa hukbong pandagat ng India, sa pakikipagtulungan sa Mazagon Dock Shipbuilders na pagmamay-ari ng estado ng India.
Habang patuloy pang pinaguusapan, magbibigay-daan sa India ang kasunduang iyon na palitan ang lumang fleet ng mga submarino na gawa sa Russia. Malamang na isasama rin dito ang mga probisyon para sa paglilipat ng teknolohiya upang suportahan ang sariling industriya ng depensa ng bansa.
Sa larangan ng depensa, pinag-aaralan ng dalawang panig ang iba pang posibleng pagtutulungan habang naglalaan ang New Delhi ng bilyun-bilyong dolyar para sa pag-upgrade ng hukbong pandagat at himpapawid sa mga susunod na taon.
May humigit-kumulang 300,000 na Indiano at mga taong may lahing Indiano sa Alemanya, kabilang ang humigit-kumulang 60,000 estudyante, nasa mahahalagang larangan ng agham, pang-inhinyero, at iba pang pangunahing pananaliksik sa teknolohiya ang marami sa kanila.
Maraming manggagawang Indiano ang pumuno sa kamakailang kakulangan ng mga kwalipikadong propesyonal sa mga sektor ng teknolohiya ng impormasyon, pagbabangko, at pananalapi sa Alemanya.
“Ipinagmamalaki ng India na pinili niya [Merz] ang ating bansa bilang lugar ng kanyang unang pagbisita sa Asya,” sabi ni Modi.
Sinabi niya na nagkasundo ang mga lider sa “mas malalim na kooperasyon sa depensa, kalawakan, at iba pang mahahalaga at umuusbong na teknolohiya.”
Nauuna sa nakatakdang India–European Union summit sa huling bahagi ng Enero ang pagbisita ni Merz sa India, ang una niya sa isang bansa sa Asya mula nang manungkulan noong nakaraang taon, kung saan umaasa ang mga lider na makamit ang progreso sa matagal nang nakabinbing kasunduan sa malayang kalakalan.
Ang apela ng India
May dahilan ang mga gumagawa ng polisiya sa Alemanya na lumapit sa India, dahil matagal nang nagpapalakas ng militar ang Tsina, na inaangkin ang higit sa 80% ng South China Sea bilang teritoryo nito, at sinuportahan ang pagsalakay ng Russia sa Ukraine.
Ayon sa isang komentaryo na inilathala ng Frankfurter Allgemeine Zeitung noong Enero 13, sa panahon ng muling pag-aayos ng pandaigdigang ugnayang pampulitika, nag-udyok ang lumalaking hindi mapagkakatiwalaang kilos ng Tsina sa maraming Aleman na ituring ang paglilipat ng negosyo patungo sa pinakamalaking demokrasya sa mundo bilang isang “matalinong hakbang.”
Nakasalalay sa malawak nitong puwersa ng paggawa ang apela ng India, “bata at puno ng enerhiya,” isang potensyal na madalas na hindi napapansin ngunit maaaring magtaguyod ng pangmatagalang paglago kung magagamit nang husto, idinagdag ng komentarista.
![Kumaway sina Punong Ministro ng India Narendra Modi (kanan) at German Chancellor Friedrich Merz sa mga tao pagdating nila sa International Kite Festival sa Ahmedabad, India, noong Enero 12. [Shammi Mehra/AFP]](/gc9/images/2026/01/14/53498-afp__20260112__92d827t__v2__highres__indiagermanypoliticsdiplomacy-370_237.webp)