Seguridad

Matataas na opisyal ng militar ng Tsina, iniimbestigahan

Paminsan-minsan ay nagtatanggal si Chinese leader Xi Jinping ng mga heneral, na ang dahilan ay “katiwalian.” Ngunit sa pinakahuling kaso, inakusahan ng mga awtoridad ang pinakamataas na ranggong heneral ng Tsina na nagbunyag ng mga lihim na nuklear sa ibang bansa.

Dumalo si Zhang Youxia, first-ranked vice chairman ng Chinese Central Military Commission, sa opening ceremony ng Chinese People’s Political Consultative Conference sa Beijing noong Marso 4. Sinabi ng Tsina noong Enero 24 na si Zhang at isa pang mataas na opisyal ay iniimbestigahan dahil sa hinihinalang 'malubhang paglabag sa disiplina,' isang karaniwang eupemismo para sa katiwalian. [Pedro Pardo/AFP]
Dumalo si Zhang Youxia, first-ranked vice chairman ng Chinese Central Military Commission, sa opening ceremony ng Chinese People’s Political Consultative Conference sa Beijing noong Marso 4. Sinabi ng Tsina noong Enero 24 na si Zhang at isa pang mataas na opisyal ay iniimbestigahan dahil sa hinihinalang 'malubhang paglabag sa disiplina,' isang karaniwang eupemismo para sa katiwalian. [Pedro Pardo/AFP]

Ayon sa AFP at Focus |

BEIJING -- Nayanig ang militar ng Tsina sa panibagong paglilinis sa hanay ng mga opisyal na isinagawa ni Pangulong Xi Jinping.

Sinabi ng pamahalaan noong Enero 24 na ang senior vice chairman ng makapangyarihang Central Military Commission (CMC) at isa pang mataas na opisyal ay iniimbestigahan dahil sa hinihinalang “malubhang paglabag sa disiplina,” isang karaniwang eupemismo para sa katiwalian.

"Matapos ang isinagawang pagsusuri… napagpasyahan na simulan ang imbestigasyon laban kina Zhang Youxia at Liu Zhenli,” ayon pahayag ng Defense Ministry.

Inakusahan din nito si Zhang ng pagbunyag sa Estados Unidos ng “mga pangunahing teknikal na datos tungkol sa mga sandatang nuklear ng Tsina,” iniulat ng Wall Street Journal noong Enero 25, na binanggit ang mga source na pamilyar sa isang mataas na antas na military briefing ng Tsina na ginanap noong Enero 24.

Ang anunsiyo ay bahagi ng pinakabagong hakbang sa malawakang kampanya upang sugpuin ang katiwalian sa lahat ng antas ng partido at bansa mula nang maupo sa kapangyarihan si Xi mahigit isang dekada na ang nakalilipas.

Ayon sa AFP, sinabi ng ministry na ang dalawang lalaki ay “pinaghihinalaang may malubhang paglabag sa disiplina at sa batas.”

Si Zhang, 75, ang pinakamataas na ranggong heneral sa Tsina bilang mas nakatatandang vice chairman ng CMC.

Si Liu, 61, ang chief of staff ng joint staff department ng CMC, na nangangasiwa sa pagpaplano ng labanan.

Miyembro rin si Zhang ng makapangyarihang Politburo, ang 24-na-miyembrong executive body ng Chinese Communist Party.

Pareho sila ng titulo ng vice chairman na si Zhang Shengmin, isang heneral sa lihim na rocket force ng Beijing, na walang kaugnayan sa kanya.

Nakuha ni Zhang Shengmin ang posisyon noong Oktubre matapos patalsikin ng Beijing ang naunang opisyal na pinalitan niya, sa isa pang malawakang paglilinis laban sa katiwalian.

Hawak ni Xi ang pagkapangulo ng CMC mula pa noong 2012.

Kumakalat na tsismis

Kumakalat ang tsismis tungkol sa isang imbestigasyon noong nakaraang linggo matapos hindi dumalo sina Zhang Youxia at Liu sa isang opisyal na pagpupulong na pinamunuan ni Xi at dinaluhan ni Zhang Shengmin, na mas mababa ang ranggo kaysa kay Zhang Youxia.

Tinawag ni Xi ang katiwalian bilang “pinakamalaking banta” sa Communist Party at sinabi na “nananatiling seryoso at kumplikado ang laban kontra katiwalian.”

Ayon sa mga tagasuporta, itinataguyod ng patakaran ang malinis na pamamahala, ngunit ayon sa iba, nagsisilbi rin itong kasangkapan ni Xi upang alisin ang mga kalaban sa pulitika.

Noong Oktubre, inanunsyo ng Tsina na nagsimula ito ng mga imbestigasyon sa katiwalian laban sa siyam na opisyal ng militar.

Bilang bahagi ng mga imbestigasyong iyon, sinabi ng Defense Ministry na pinatalsik nito ang dalawang mataas na heneral mula sa militar.

Sila ay sina He Weidong, dating second-ranked vice chairman ng CMC, at Miao Hua, dating pinuno ng political work department ng militar.

Noong 2024, pinatalsik ng Communist Party ang dating Chinese defense minister na si Li Shangfu matapos siyang tanggalin dahil sa mga paglabag, kabilang ang hinihinalang panunuhol.

Noong taon ding iyon, pinatalsik ng partido si Wei Fenghe, ang naunang opisyal na pinalitan ni Li, dahil umano sa katiwalian. Ang mga military prosecutor na ang humawak sa kanyang kaso.

Nagustuhan mo ba ang artikulong ito?

Policy Link