Ayon kay Jia Fei-mao |
Isinusulong ng Central Military Commission (CMC) ng China, ang pinakamataas na tagapagpasiya sa depensa at seguridad ng bansa, ang mga bagong rebisyong batas na may kaugnayan sa People's Liberation Army (PLA) na ipatutupad sa susunod na buwan.
Ang tatlong nirebisang regulasyon—ang "Regulations on Internal Affairs of the PLA of China," ang "Regulations on Discipline of the PLA of China," at ang "Regulations on Formations of the PLA of China"—ay sama-samang kilala bilang Common Regulations.
Ang mga pagbabago ay naglalayong itulak ang PLA na makumpleto ang pagtatayo ng isang "world-class armed forces" sa kalagitnaan ng siglong ito, ayon sa mga opisyal na media outlets ng China.
Itinuturing ang mga ito bilang isang mahalagang hakbang sa mga repormang militar ni Chinese President Xi Jinping.
![Sa video screenshot na ito kuha noong Abril 9, 2023, makikita ang isang eroplanong pandigma ng Eastern Theater Command ng PLA habang nire-refuel sa combat readiness patrol at pagsasanay militar sa paligid ng Taiwan. [Liu Fang/Xinhua via AFP]](/gc9/images/2025/03/17/49519-afp__20230410__xxjpbee007007_20230411_pepfn0a001__v1__highres__chinaplaeasterntheate-370_237.webp)
Nilagdaan ni Xi ang Common Regulations noong Pebrero, at nakatakdang ipatupad ang mga pagbabagong ito sa Abril 1.
Kapansin-pansin, ang mga salitang "war readiness" at "warfighting" ay madalas lumitaw sa rebisyong ito.
Ang binagong Common Regulations ay sumasalamin sa pananaw ni Xi sa “pamamahala sa hukbo ayon sa batas,” isinulat ni Anushka Saxena, isang analyst mula sa Takshashila Institution ng India, sa The Diplomat noong Pebrero.
Ang mga pagbabagong ito ay nagpapalakas ng sistematikong pamamahala sa militar batay sa batas at binibigyang-diin ang epektibong pakikidigma bilang pangunahing tungkulin ng sandatahang lakas, dagdag pa niya.
Ang pinakabagong rebisyon ay mas pinahusay ang ng mga patakaran sa disiplina ng sandatahang lakas, maging panahon ng kapayapaan, digmaan, at di pandigmaang aksiyong militar.
Pagpapahusay sa paghahanda
Ang mga regulasyon ay nagbibigay-diin sa paghahanda para sa digmaan, kung saan ang aktuwal na labanan ang nasa sentro ng lahat ng pagsasanay at pamamahala, na tinitiyak ang higit na katatagan sa gawaing pampulitika, disiplina, at kakayahang operasyonal ng PLA, at ang pagpapalakas ng kahandaan nito sa labanan.
Upang matutukan ng China ang paghahanda sa digmaan at pakikidigma at matupad ang centennial goal na magkaroon ng matatag na sandatahang lakas pagsapit ng 2049, ang binagong Common Regulations ay higit na iniangkop sa mga pangangailangan ng pagsasanay at paghahanda, na binibigyang-diin ang kahandaan sa labanan at pinapatibay ang pangunahing misyon ng PLA na kahandaan sa digmaan.
Ang binagong pananalita ay nagbibigay ng higit na diin sa kahandaan sa labanan at sa mga puwersang nakatalaga sa ibang bansa, ayon sa ulat ng South China Morning Post, isang pahayagan sa Hong Kong, noong Pebrero.
Ipinaguutos ng binagong regulasyon na ang mga sundalo ay "dapat laging handa sa digmaan anumang oras."
Binibigyang-diin nito ang kahalagahan ng pag-aaral ng usaping militar, pag-unawa sa digmaan, at pagpapalakas ng kakayahang lumaban at magtagumpay sa digmaan.
Madalas igiit ni Xi ang pangangailangan ng “kakayahang lumaban at magwagi sa digmaan” tuwing iniinspeksyon niya ang sandatahang lakas, ayon kay Chen Shih-min, isang political scientist mula sa National Taiwan University, sa isang panayam sa Focus.
Ipinapakita ng binagong Common Regulations ang paghahanda ng PLA para sa digmaan, sabi ni Chen.
Maaaring nakikita ni Xi ang panlabas na tunggalian bilang paraan upang pukawin ang nasyonalismo at higit pang pagtibayin ang kanyang posisyon sa pulitika upang manatili sa kapangyarihan para sa posibleng ikaapat na termino, sabi ni Chen.
“Mahigit isang dekada nang nasa kapangyarihan si Xi Jinping. Kung tatanungin mo ang mga tao sa China, ilan kaya ang magsasabi na mas mahusay ang kanyang pamamahala kumpara kina Hu Jintao at Jiang Zemin? Sa kasalukuyan, humaharap ang China sa dumaraming suliraning panloob at panlabas, at napakarami na ang hindi nasisiyahan sa kanyang pamumuno.”
Naging general secretary ng Communist Party of China (CPC) at chairman ng CMC si Xi noong 2012. Nilabag niya ang nakagawiang limitasyon ng termino sa pamamagitan ng isang amyenda sa konstitusyon at siniguro ang kanyang ikatlong termino sa 20th CPC National Congress noong 2022.
Kung hangad ni Xi ang ikaapat na termino, maaaring ang pinakamadaling paraan upang pagtibayin ang kanyang political legitimacy ay ang paglunsad ng isang limitadong panlabas na tunggalian, dagdag pa ni Chen.
Pamanang pangkasaysayan
Ang pagbabago ng Common Regulations ay maaaring maiugnay sa paraan ng mga lider ng China sa paghubog ng kanilang pamanang pangkasaysayan, isinulat ni Saxena.
Tatlong beses binago ni Jiang ang Common Regulations upang higit na maipakita ang “objective reality” ng mga bagong sitwasyon at panloob na hamon sa disiplina na kinakaharap ng PLA noon.
Nagsagawa ng isang pagbabago si Hu noong 2011, kung saan isinama niya ang konseptong kailangang maging handa ang PLA na lumaban at magwagi sa “mga lokal na digmaan.”
Ito ang pangalawang beses na binago ni Xi ang Common Regulations.
Ito'y alinsunod sa repormang militar, na naglalayong palakasin ang kakayahan ng PLA sa modernong operasyon upang higit na mapalapit and PLA sa pagiging isang "world-class na sandatahang lakas” pagsapit ng 2049, isinulat ni Saxena.
Ang hakbang na ito ay "nagbubukas ng bagong kabanata sa dakilang landas ng pagpapalakas at pagpapasigla ng hukbong sandatahan," ayon sa ulat ng PLA Daily noong Marso.