Ayon sa AFP at Focus |
TAIPEI, Taiwan -- Sinabi ng pangunahing partidong oposisyon sa Taiwan na susuportahan nito ang higit $11 bilyon na espesyal na pondo para sa pagbili ng armas mula sa US at bukas ang posibilidad ng karagdagang pagbili, ngunit iginiit nilang hindi sila magbibigay ng “blankong tseke” (pahintulot na gumastos nang walang malinaw na limitasyon o detalye) para sa pamahalaan.
Dahil sa pressure mula sa US na gumastos nang higit pa, iminungkahi ng pamahalaan ni President Lai Ching-te ng Taiwan ang $40 bilyon na pondo para sa mahahalagang pagbili ng gamit sa depensa, kabilang ang armas mula sa US, sa loob ng walong taon.
Ngunit pinabagal ng Kuomintang (KMT) at ng Taiwan People's Party (TPP), na parehong may kontrol sa parliyamento, ang mungkahi ni Lai at sa halip ay gumawa ng kanilang mas pinadaling bersyon ng batas sa pagbili ng armas.
Gumastos na ang Taiwan ng bilyun-bilyon para palakasin ang depensa nito habang tumitindi ang panggigipit ng militar ng Tsina sa isla, na inaangkin ng Beijing na bahagi ng teritoryo nito at nagbanta na sasakupin ito sa pamamagitan ng puwersa.
![Nagpapaputok ang mga sundalo ng isang unmanned aerial vehicle sa isinagawang spring military drills sa Tsoying Naval Base sa Kaohsiung, Taiwan, noong Enero 29. [I-Hwa Cheng/AFP]](/gc9/images/2026/03/09/54961-afp__20260129__94dn232__v3__highres__topshottaiwandefencemilitarytraining-370_237.webp)
Sinabi ng KMT noong Marso 5 na iminungkahi nila na maglaan ng higit $11 bilyon para sa mga bibilhing armas mula sa US na inihayag noong Disyembre at nangakong susuriin ang karagdagang pagbili ng armas kapag naaprubahan na ito ng Kongreso ng US.
Unang iminungkahi ng KMT ang paggastos ng 350 bilyong TWD [$11.2 bilyon], pero kalaunan ay itinaas ito sa 380 bilyong TWD [$12.2 bilyon] nang hindi agad ipinaliwanag ang pagbabago.
Sinabi ng KMT na ang dagdag na pondo ay para sa kumpirmadong pagbili ng armas mula sa US na may pormal na Letters of Offer and Acceptance.
'Mga kontradiksyon' sa panukala ng oposisyon: DPP
Dating nagmungkahi ang TPP ng $12.6 bilyon para sa pagbili ng mga armas militar. Umabot sa komite ng parliyamento para sa pagsusuri ang tatlong panukalang batas sa paggastos noong Marso 6.
"Umaasa kami na maisusulong ang pagbili ng armas sa pamamagitan ng unti-unting proseso, malinaw, at tiyak na plano, kaysa bibigyan ng isang beses na pahintulot lang, isang blankong tseke na walang limitasyon sa paggastos at walang detalyadong nilalaman," sinabi ni Jonathan Lin, secretary-general ng KMT caucus, sa mga mamamahayag.
"Tinitiyak ng ganitong kaayusan ang pagiging epektibo habang sumusunod sa makatarungang proseso, at malinaw na maiintindihan ng publiko kung bakit kailangan at makatuwiran ang bawat karagdagang gastusin."
Sinabi ng Democratic Progressive Party (DPP) ni Lai na naglalaman ng "mga kontradiksyon” ang panukalang batas ng KMT na maaaring magpahirap sa pagbili ng armas ng Taiwan.
"Sa pagbili ng armas, kadalasan nagsisimula ang proseso sa pagpapahayag ng intensyon na bumili, na sinusundan ng paglalaan ng budget," ayon kay DPP caucus chief executive Chuang Jui-hsiung.
"Ang paghahati-hati sa 1.25 trilyong TWD [$40 bilyon] na plano sa maliliit na bahagi ay puwedeng makapagpabagal sa pagbili ng mga kagamitang pandepensa ng Taiwan."
Kasama sa 1.25 trillion TWD ($40 billion) na espesyal na budget sa depensa ng gabinete ang parehong naaprubahan at posibleng bibilhing mga armas, kabilang ang mga bibilhin pa tulad ng mga drone at ang gawang lokal na T-Dome multilayered air defense system.
Sa kabilang banda, maglalaan ang panukala ng KMT ng 380 bilyong TWD ($12.2 bilyon) at dagdag na pondo para lamang sa mga kumpirmadong pagbili, kaya hindi kasama ang ilang posibleng bibilhing gamit na kasama sa mas malawak na plano ng pamahalaan.
Humiling ang mga mambabatas ng oposisyon ng mas malinaw na impormasyon at mas mahigpit na pagsusuri sa mga planong pagbili ng kagamitang militar ng pamahalaan.
Ayon sa KMT, ang pagbili mula sa komersyal o lokal ay kailangan ng "mahigpit na pagsusuri" at hindi dapat isama sa pagbili ng armas mula sa US.
"Palaging sinuportahan ng KMT ang bentahan ng armas sa pagitan ng pamahalaan ng US at ng Taiwan," ayon sa pahayag ng KMT noong Marso 5.
"Subalit, sa komersyal na pagbili kadalasang nangyayari ang katiwalian at kontrobersiya. Hindi kailanman dapat pagsamahin ang dalawang kategoryang ito upang pilitin ang publiko at ang lehislatura na aprubahan ang mga ito bilang iisang package."
Nais ng Washington ng agarang aksyon
Hinimok ng Washington ang mga mambabatas ng Taiwan na kumilos agad sa planong pagbili.
"Hinihikayat namin ang lahat ng partido sa lehislatura ng Taiwan na isantabi ang kanilang hindi pagkakasundo sa politika at agad ipasa ang espesyal na budget sa depensa na magpapakita ng pangako ng Taiwan para sa sariling depensa sa pamamagitan ng pagpopondo sa pagbili ng mahahalagang gamit ng militar sa depensa," sabi sa Taiwan's Central News Agency ng hindi nagpakilalang tagapagsalita ng US State Department.
Sinabi ni US President Donald Trump noong Pebrero na malapit na siyang magpasya kung magpapadala pa ng karagdagang armas sa Taiwan, matapos siyang balaan ni Chinese President Xi Jinping, na huwag itong gawin.
Nakatakdang bumisita si Trump sa Beijing mula Marso 31 hanggang Abril 2 upang makipagkita kay Xi.
![Isang drill ang ginagaya ang kilos ng mga barkong hindi kilala na pumapasok sa katubigan ng Taiwan, kung saan dalawang M109 assault boat ang humarang sa kanila noong spring military drills sa Tsoying Naval Base sa Kaohsiung, Taiwan, noong Enero 29. [I-Hwa Cheng/AFP]](/gc9/images/2026/03/09/54960-afp__20260129__94dn22p__v1__highres__taiwandefencemilitarytraining-370_237.webp)