Ayon kay Joyce Huang |
Sa pagsirit ng drone exports, layon ng Taiwan na triplehin ang produksyon ng industriya ng drone pagsapit ng 2030, isang hakbang na ayon sa mga analyst ay magpapalakas sa asymmetric defense laban sa posibleng atake ng Tsina.
"Kampante kami sa magiging takbo ng sektor sa susunod na 5 hanggang 10 taon … dahil ang mga tensyon sa heopolitika ay nag-udyok sa mga bansa [kabilang ang Taiwan] na palawakin ang kanilang mga drone fleet," ani Gene Su, general manager ng Thunder Tiger Corp., sa Focus.
Magmumula sa ibang bansa at sa loob ng bansa ang tumataas na demand, dagdag niya.
Ang Thunder Tiger ay tagagawa ng drone na may punong tanggapan sa Taichung, sa gitnang bahagi ng Taiwan.
![Inilunsad ng kumpanya ng drone sa Taiwan na Thunder Tiger ang pinakabago nitong undersea drone, ang SeaShark 800, noong huling bahagi ng Abril. [Courtesy of Thunder Tiger Corp.]](/gc9/images/2026/05/06/55973-pix_3__courtesy_of_thunder_tiger_-370_237.webp)
Pagdagsa ng mga drone
Inulit ni Su ang pananaw ni Punong Ministro Cho Jung-tai ng Taiwan. Sinabi ni Cho sa isang pulong ng gabinete noong huling bahagi ng Abril na gagawa ang Taiwan ng limang taong pamumuhunan na 44.2 bilyong NTD ($1.4 bilyon) upang mapalakas ang halaga ng output ng industriya ng drone nito sa 40 bilyong NTD ($1.27 bilyon) pagsapit ng 2030.
Halos kalahati ng pamumuhunan, o 20 bilyong NTD ($636 milyon), ang inaasahang ilalaan sa pagkuha ng mga dual use drone, na idinisenyo para sa serbisyong sibilyan ng pulisya o mga bumbero at maaaring iakma para sa mga operasyong militar, ayon kay Su.
Higit sa doble ang itinalagang taunang produksyon ng industriya, kasama ang benta ng mga piyesa at mga buong-unit na drone, mula 5 bilyong NTD ($158 milyon) noong 2024 hanggang 12.9 bilyong NTD ($410 milyon) noong 2025, ayon sa datos na inilabas ng Ministry of Economic Affairs ng Taiwan noong huling bahagi ng Abril.
Inaasahang aabot ito sa 20 bilyong NTD ($636 milyon) ngayong 2026.
Estratehiyang 'hellscape'
Sa tulong ng mga inisyatiba ng gobyerno, hangad ng sektor na pasukin ang lokal na merkado ng Taiwan, kung saan ang demand ay nananatiling hindi pa natutugunan, ayon kay Su ng Thunder Tiger.
Tinatanggap ng pamahalaan ng Taiwan ang pinahusay na konsepto ng depensang "hellscape" alinsunod sa mga kamakailang aral mula sa digmaan ng US-Israel at Iran, nagteorya siSu.
Sa loob ng ilang linggo, nagpadala ang Iran ng mga murang Shahed drone upang ubusin ang lakas ng mga mamahaling US fighter jet o puminsala ng mga imprastruktura, kabilang ang mga power plant at oil field sa mga karatig-bansa, dagdag niya.
Ang konsepto ng operasyong hellscape sa Taiwan Strait ay "gumagamit ng masinsinan at maraming direksyong pag-atake mula sa mga drone at iba pang mga sistemang walang tripulante upang pahinain ang pagsalakay ng Tsina at guluhin ang PLA [People's Liberation Army]...sa paglapag” sa gilid ng tubig, ayon sa ulat ng Center for a New American Security noong Pebrero.
Upang maisakatuparan ito, kailangan ng Taiwan na gumawa ng mga combat drone sa mas malaking saklaw kaysa sa kasalukuyan, sabi ni Su.
Halimbawa, gamit ang mga makabagong linya ng pagbubuo, kayang gumawa ng Thunder Tiger ng daan-daang airborne drone at sampu-sampung undersea drone bawat buwan sa mas mababang halaga kumpara sa mga tradisyunal na armas, dagdag niya.
"Magiging labanan ng pagpapahina ng kalaban ang digmaan sa hinaharap. Ang mga bansang may pinakamataas na kapasidad sa paggawa ng mga drone ay mas makakatagal at kalauna’y makakatalo sa kalaban," ani Su.
Inilunsad kamakailan ng Thunder Tiger ang kanilang pinakabagong serye ng mga Papa DELTA drone, na hango sa LUCAS drone ng militar ng US, pati na ang SeaShark 800 undersea drone. Layon nitong makapasok sa merkado ng Taiwan at iba pang mga bansa sa estratehikong "first island chain," kung saan kabilang ang Japan at Pilipinas.
Pagkuha ng mga drone
Noong Abril, nakuha ng kumpanya ang dalawang kontrata para sa pagkuha ng mga drone mula sa militar ng Taiwan. Plano nitong bumili ng halos 50,000 unit pagsapit ng 2027 mula sa limang uri ng drone, at ang karamihan sa mga bibilhin ay ang Group 1 first-person-view (FPV) drones.
Sinuri para sa paggamit ng gobyerno at militar ng US ang Overkill FPV drone ng Thunder Tiger matapos nitong matanggap ang Blue UAS certification ng Department of Defense noong nakaraang taon.
Inaasahan ni Su ang pagtaas ng lokal na demand para sa asymmetric weaponry, lalo na ang mga combat drone, matapos mailatag ng Taiwan ang panukalang 1.25 trilyong NTD ($40 bilyon) na special military budget para sa susunod na walong taon. Sa kasalukuyan ay hinarang ng oposisyon ng Taiwan, na siyang may hawak sa parlyamento, ang panukalang batas.
Pagsasamahin ng panukalang budget ang pagbili mula sa ibang bansa at ang lokal na pagkuha ng mga kagamitan, na kinabibilangan ng humigit-kumulang 200,000 unmanned aerial vehicle.
Gayunpaman, nahaharap sa malalaking hamon sa pagpapalawak ang industriya ng drone sa Taiwan. Kabilang dito ang mga limitasyon sa kapasidad ng produksyon at pagdepende sa dayuhang teknolohiya o sa mga hilaw na materyales mula sa Tsina, dahil sa kontrol ng Tsina sa pandaigdigang drone supply chain, ayon sa Nikkei Asia.
Bilis ng paglago ng pag-export
Magkakaroon ng puwang sa merkado ang Taiwan sa pagbuo ng isang "non-red" drone supply chain na walang kagamitan o impluwensya mula sa Tsina, sa sandaling ihinto ng mga kaalyadong demokratikong bansang may pangamba sa cybersecurity ang pag-angkat ng mga drone na mula sa Tsina, ani Su.
Patuloy na lalakas ang pag-export ng drone ng Taiwan habang nagmamadali ang mga bansa na punan o buuin ang kanilang mga drone arsenal, dagdag niya.
Ang mga pag-export ng isla ng mga whole-unit drone ay lumago nang 21 beses tungo sa $2.95 bilyong NTD ($93.8 milyon) noong nakaraang taon, ayon sa mga opisyal na istatistika.
Bunsod ng pangangailangan mula sa Central at Eastern Europe, lalong tumaas ang pag-export ng mga drone ng Taiwan sa halos $116 milyon sa unang tatlong buwan ng 2026, na humigit sa kabuuang naitala para sa buong nakaraang taon, ayon sa datos.
Ang Czechia at Poland ang dalawang pinakamalaking mamimili, na nagtala ng benta na nagkakahalaga ng $100 milyon at $11.8 milyon, ayon sa pagkakasunod, noong unang tatlong buwan ng taon. Itinuturing ang dalawang bansa na mga daanan para sa mga kasunod na pagpapadala patungong Ukraine.
![Binisita ni Taiwanese Vice President Hsiao Bi-khim, kaliwa, ang drone ng Thunder Tiger at iba pang mga pangunahing teknolohiya sa Asia UAV AI Innovation Application R&D Center sa Chiayi, Taiwan, noong Enero 26. [Courtesy of Thunder Tiger Corp.]](/gc9/images/2026/05/06/55971-pix_1__courtesy_of_thunder_tiger_-370_237.webp)