Ayon kay Shirin Bhandari |
Pinalawak ng mga kaalyado ang Luzon Economic Corridor (LEC) ng Pilipinas bilang bahagi ng mas malaking proyekto sa imprastruktura sa Indo-Pacific, na nagdaragdag ng mga bagong katuwang at pondo upang palakasin ang mga panrehiyong supply chain, mga ugnayan sa transportasyon, at makabagong pagmamanupaktura.
Noong Mayo 11, inanunsyo ng Pilipinas, Estados Unidos at Japan na walong karagdagang bansa ang sumali sa proyekto: Australia, United Kingdom, Canada, Denmark, France, Italy, South Korea at Sweden.
Inilunsad noong Abril 2024 ang LEC sa ilalim ng Partnership for Global Infrastructure and Investment ng G7. Saklaw nito ang pinakaaktibong economic zone ng Luzon na bumubuo ng halos kalahati ng GDP ng Pilipinas. Pinag-uugnay nito ang Subic Bay, Clark, Maynila, at Batangas sa pamamagitan ng pamumuhunan sa transportasyon, enerhiya, digital na imprastruktura, at makabagong pagmamanupaktura.
Sinabi ni Finance Secretary Frederick Go na magbibigay ang pinalawak na pagtutulungan ng karagdagang pondo, teknikal na kaalaman, at pamumuhunan mula sa pribadong sektor para sa corridor.
![Ipinapakita sa graphic ang apat na pangunahing hub at mga prayoridad sa pag-unlad ng LEC. Tinatayang kalahati ng kabuuang GDP ng bansa ang saklaw ng corridor na layong patatagin ang seguridad ng supply chain sa Indo-Pacific. [Focus]](/gc9/images/2026/05/25/56282-lec_infographic_cjk-370_237.webp)
"Sama-sama kaming nagtatayo ng mga imprastruktura na magpapabuti sa araw-araw na buhay ng milyun-milyong Pilipino at lilikha ng mga bagong oportunidad para sa mga negosyo, industriya, at komunidad sa ating mga katuwang na bansa at sa buong rehiyon," sabi ni Go sa isang pagtitipong ginanap bilang pagdiriwang ng pagpapalawak ng corridor.
Bagong pondo
Sama-samang nangangako ang pinalawak na koalisyon ng bilyun-bilyong dolyar na pondo, mga grant, at teknikal na tulong para sa mga proyekto sa imprastruktura, transportasyon, cybersecurity, at pagmamanupaktura sa buong corridor.
Nangako ang United Kingdom ng hanggang $6.8 bilyon na suporta sa pondo para sa export sa mga proyekto sa imprastruktura at enerhiya, habang sinuportahan naman ng Denmark ang mga proyektong may kaugnayan sa paggawa ng barko at pangkalikasang pag-unlad sa dagat na inaasahang lilikha ng libu-libong trabaho. Nangako rin ang France ng pondo para sa konstruksyon ng mga tulay at isang proyektong pamumuhunan sa aeronautics.
Sinuportahan ng South Korea ang modernisasyon ng Ninoy Aquino International Airport sa Maynila at paglalaan ng pondo para sa isang National Cyber Security Center. Popondohan naman ng Sweden ang isang feasibility study para sa Subic-Clark-Manila-Batangas freight railroad, ang pangunahing proyekto sa transportasyon ng corridor.
Nag-aambag ang Australia, Canada, at Italy sa pamamagitan ng mga grant, teknikal na tulong, at pagpapadali ng pamumuhunan sa mga proyekto sa transportasyon, pagmamanupaktura, at digital na imprastruktura.
Sinabi ni Go na makakatulong ang naturang hakbang para suportahan ang paglago ng ekonomiya habang hinaharap ng Pilipinas ang mga pressure mula sa ibang bansa, kabilang na ang epekto ng krisis sa langis sa Middle East. Lumago ng 2.8% ang GDP ng Pilipinas sa unang quarter ng 2026, kumpara sa parehong panahon noong nakaraang taon. Ito ang pinakamabagal na paglago sa loob na limang taon.
Estratehikong kahalagahan
Lalong lumawak ang estratehikong kahalagahan ng corridor habang naghahangad ang mga pamahalaan sa Indo-Pacific ng mas matatag na imprastruktura at mga supply chain, lalo na sa mga sektor na mahalaga sa seguridad ng ekonomiya.
Ito ang nag-iisang G7 economic corridor initiative sa Southeast Asia na may direktang partisipasyon ng U.S., ayon sa isang pagsusuri noong Enero 2025 na inilathala ng Center for Strategic and International Studies.
Sa isinulat nina Alvin Camba at Ryan Seay sa East Asia Forum noong Hulyo 2024, sinabi nilang maraming pamahalaan sa Southeast Asia ang umasa sa pondo ng Tsina dahil ang mga proyektong suportado ng Kanluran ay kulang sa bilis, saklaw, at direktang epekto sa ekonomiya na kailangan para makalikha ng trabaho at makita ang paglago.
Ayon sa kanila, ang matagumpay na corridor ay magbibigay sa mga pamahalaan sa rehiyon ng "mahalagang oportunidad para makinabang sa ekonomiya" nang hindi isinasakripisyo ang mahahalagang alalahanin tulad ng pagtutol nila sa mga pag-aangkin ng Tsina sa mga teritoryo sa South China Sea.
Suportado ng koalisyon ng mga kaalyado mula sa Kanluran at Indo-Pacific, layunin ng corridor na palakasin ang mga pantalan, produksyon ng malinis na enerhiya, digital na imprastruktura at makabagong pagmamanupaktura habang pinabibilis ang katatagan ng supply chain sa mahahalagang sektor tulad ng mga semiconductor.
Sentro ng semiconductor
Ang rehiyon ng Calabarzon sa Luzon ang sentro ng pagmamanupaktura ng semiconductors at electronics sa Pilipinas, na bumubuo ng malaking bahagi ng mga export ng bansa. Ang mga pagkaantala sa supply chain noong pandemya ng COVID-19 at ang digmaan sa Ukraine ang nag-udyok sa maraming pamahalaan na muling suriin ang mga kahinaan ng produksiyon na nakasentro sa iilang lugar o kumpanya.
Ayon sa mga tagaplano ng corridor, makakatulong ang naturang hakbang upang tulungan ang Pilipinas na maging mas malaking sentro ng logistics at pagmamanupaktura sa loob ng mga supply chain sa Indo-Pacific, habang hinihikayat ang pamumuhunan sa sektor ng semiconductor at makabagong pagmamanupaktura.
Ayon kay Endo Kazuya, Japanese Ambassador sa Pilipinas, ipinapakita ng pinalawak na pagtutulungan ang iisang adhikain para sa pagpapaunlad ng imprastraktura na nakabatay sa "pagiging bukas at malinaw, pangmatagalang kaunlaran, at pagsunod sa batas."
![Isang cargo ship ang nagbababa ng mga container sa international port ng Maynila noong Disyembre 16. Pinag-uugnay ng Luzon Economic Corridor (LEC) ang Metro Manila, Subic Bay, Clark, at Batangas upang palakasin ang transportasyon, logistics, at supply chain sa bansa. [Ted Aljibe/AFP]](/gc9/images/2026/05/25/56281-afp__20251217__88db2ke__v1__highres__philippineseconomy-370_237.webp)