Ayon sa AFP at Focus |
BEIJING -- Nagsagawa ng test firing ang isang submarino ng Tsina ng isang "strategic" missile na may dalang dummy warhead sa Karagatang Pasipiko noong Hulyo 6, ayon sa Beijing. Umani agad ito ng pagkondena mula sa mga bansa sa rehiyon.
Inilarawan ng New Zealand ang pagsubok bilang paglulunsad ng isang "long-range ballistic missile" na may kakayahang magdala ng sandatang nuklear. Ngunit hindi kinumpirma ng mga Defense and Foreign ministry ng Tsina kung gumamit ang kanilang militar ng intercontinental ballistic missile (ICBM).
Naganap ang pagsubok dalawang taon matapos maglunsad ang pinakapiling Rocket Force ng Tsina ng isang ICBM patungo sa karagatan malapit sa French Polynesia, ang unang paglulunsad nito ng naturang missile sa himpapawid ng pandaigdigang karagatan sa loob ng mahigit 40 taon.
Ayon sa pahayag ng hukbong-dagat ng Tsina, isang nuclear submarine ang naglunsad ng isang "strategic missile na may dalang training simulation warhead" dakong alas-12:01 ng tanghali sa lokal na oras. Anila, "eksaktong tumatama (tumama) ang missile sa itinakdang bahagi ng karagatan."
![Isang JL-3 intercontinental submarine-launched ballistic missile ang ipinakita sa isang parada militar bilang paggunita sa ika-80 anibersaryo ng pagtatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig sa Beijing noong nakaraang Setyembre 3. Ayon sa mga analyst, posibleng JL-3 missile din ang ginamit ng Tsina sa isinagawang missile test sa Pasipiko noong Hulyo 6. [Pedro Pardo/AFP]](/gc9/images/2026/07/07/56907-afp__20250903__738u9fd__v1__highres__chinadefenceanniversarywwiiparade-370_237.webp)
Sinabi ni Alex Luck, isang naval analyst na nakatuon sa modernisasyon ng militar ng Tsina, sa AFP na posibleng ang ginamit sa pagsubok ay ang submarine-launched JL-3 intercontinental ballistic missile (ICBM), isang bersyong may mas mahabang saklaw ng JL-2 missile ng Tsina.
Ipinakita ng Tsina ang JL-3 sa isang parada militar sa Beijing noong nakaraang Setyembre.
Gayunman, ayon kay Luck, "posible rin" na isang JL-2 ang isinailalim sa test ng Tsina.
Sinabi ng tagapagsalita ng hukbong-dagat ng Tsina na si Wang Xuemeng sa pahayag na ibinahagi sa WeChat na ang test launch ay "isang regular na bahagi ng taunang pagsasanay militar ng Tsina," at "ipinaalam nang maaga sa mga kaugnay na bansa" ang naturang pagsubok.
Ayon sa New Zealand, isinagawa ang missile test dalawang oras matapos abisuhan ng Tsina ang mga bansa sa Pasipiko tungkol sa paglulunsad.
Pagpapalakas ng sandatang nuklear
Nagpahayag ng pagkabahala ang Estados Unidos sa missile test, na sinabing bahagi ito ng mabilis na modernisasyon ng militar ng Tsina.
"Habang lalo pang pinaiigting ng Estados Unidos ang pagsisikap na pigilan ang paglaganap ng mga sandatang nuklear, kabaligtaran ang ginagawa ng Tsina," ayon kay State Department spokesman Tommy Pigott. Aniya, "Ang mabilis at hindi malinaw na pagpapalawak ng mga sandatang nuklear ng Beijing ay lubhang ikinababahala ng rehiyon at ng mundo."
"Patuloy naming hinihimok ang Tsina na makilahok sa makabuluhang mga talakayan tungkol sa pagkontrol ng armas," dagdag niya.
Ayon kay Lyle Morris, isang senior fellow ng Asia Society Policy Institute, ipinapakita ng missile na lumalawak ang opsyon ng Tsina bukod sa pagpapaputok mula sa lupa.
"Ang isang pagsubok na may ganitong haba ng saklaw ay isang mahalagang pangyayari at nagpapahiwatig na ang China ay sumusulong tungo sa pagkakaroon ng mas matatag na kakayahang nukleyar na nakabase sa dagat at may mas mahabang abot bilang panhadlang," aniya.
Ipinakita ng Tsina ang bihirang pagpapamalas ng lakas militar nito sa parehong araw na nilagdaan ng Australia at Fiji ang isang mahalagang kasunduan sa depensa. Pinalakas nila ang kanilang ugnayan habang sinusubukan ng Canberra na higitan ang impluwensiya ng Beijing sa estratehikong mahalagang Timog Pasipiko.
Kasabay nito, patuloy na nagsisikap ang Tsina na palawakin ang impluwensiya nito sa Pasipiko, sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga bagong ospital at stadium sa mga isla, gayundin ng mga bagong sementadong kalsada.
Pagkondena ng rehiyon
"Ang Pasipiko ay isang Karagatan ng Kapayapaan at labis kaming nababahala sa missile test ng Tsina gamit ang mga sandatang may kakayahang nuklear sa Timog Pasipiko," sinabi ng Foreign Minister ng New Zealand na si Winston Peters sa isang pahayag. Dagdag niya, ang paglulunsad ay "hindi naaayon sa katatagan ng rehiyon."
Tinawag ng Australia ang paglulunsad na "nakasisira sa katatagan." Nangyari ito "sa konteksto ng mabilis na pagpapalakas ng militar ng Tsina, na kulang sa transparency at katiyakan kung ano ang intensyong inaasahan ng rehiyon," sabi ni Foreign Minister Penny Wong, ayon sa Australian Broadcasting Corporation.
Sinabi ng Japan na nagpahayag ito ng "matinding pagkabahala," habang iginiit ng Taiwan na ang Tsina ay "sadyang ipinapakita ang lakas militar nito at nagpapalala ng tensyon sa rehiyon."
Mariing kinondena ng Pilipinas, na paulit-ulit na nakikipagsagupaan sa Tsina tungkol sa teritoryo sa pinag-aagawang South China Sea, ang pagsubok bilang isang "walang ingat na pagpapakita ng kapangyarihang militar."
"Ang paglulunsad na ito ... ay isang kalkuladong panunuya at pagpukaw ng tensyon laban sa mga tumututol sa ilegal na pagpapalawak at mapilit na pagkilos ng Tsina," sabi ng departamento ng depensa ng bansa sa isang pahayag.
Ipinagtanggol ng Rusya na kaalyado ng Tsina, ang test-firing ng Beijing bilang "karapatan nitong maging soberano."
Nang tanungin tungkol sa mga naging reaksyon, sinabi ng Foreign Ministry ng Tsina na ang paglulunsad ay "hindi nakatuon sa anumang partikular na bansa o target."
"Umaasa kami na hindi ito bibigyan ng labis na interpretasyon ng mga kaugnay na bansa," sinabi ng tagapagsalita ng ministry na si Mao Ning sa mga mamamahayag.
Pagpapalakas ng militar ng Tsina
Pinaiigting ng Beijing ang pagpapaunlad ng kakayahang nuklear nito at dinaragdagan ang budget ng militar sa mga nakalipas na taon.
Ayon sa Pentagon, may mahigit 500 operational nuclear warheads ang Tsina noong Mayo 2023, at inaasahang lalampas ito sa 1,000 pagsapit ng 2030.
Isinagawa ng Beijing ang test-fire ng missile sa parehong araw na sinimulan nito ang taunang magkasanib na ehersisyo ng hukbong-dagat kasama ang Rusya sa karagatan malapit sa Qingdao, isang daungan ng militar at resort sa tabing-dagat sa silangan ng Tsina.
"Ang mga kalahok na barkong pandigma ay tutungo sa karagatan malapit sa Qingdao upang magsagawa ng mga pagsasanay tulad ng magkasanib na pagmamanman, depensa laban sa himpapawid at mga missile, gayundin ang pagsasanay sa aktuwal na paggamit ng mga sandata," ayon sa state news agency na Xinhua.
Marami pang pagsubok ng Tsina ang inaasahan
Sinabi ni Peters ng New Zealand matapos ang paglulunsad na ikinababahala ng kanyang pamahalaan na "tila nagiging paulit-ulit na ang ganitong uri ng pagkilos."
Sa isinagawang ICBM test ng Tsina noong 2024 malapit sa French Polynesia, tila gumamit ang Beijing ng isa sa mga makabagong Dong Feng-31 missile nito, ayon sa mga analyst noong panahong iyon. Kaya nitong magdala ng nuclear warhead. Bumagsak ito sa bahagi ng karagatan na matagal nang itinalagang nuclear-free zone sa ilalim ng isang internasyonal na kasunduan.
Ang submarine fleet ng Tsina ay sumailalim sa "malaking modernisasyon at pagpapalawak," ayon kay Luck. "Kasabay sa ganitong kalakaran, dapat nating asahan ang malaking pagdami ng missile testing."
![Inilabas ng militar ng Tsina ang video footage ng test-firing noong Hulyo 6, 2026, ng isang ballistic missile na may kakayahang magdala ng sandatang nuklear mula sa isang submarine patungo sa Karagatang Pasipiko. Ayon sa Beijing, simulated o pang-ensayong warhead lamang ang dala ng missile. [Screenshot ng China Central Television]](/gc9/images/2026/07/07/56944-missile-370_237.webp)