Ekonomiya

Hidwaan ng China at Laos sa proyektong hydropower, naglalantad ng panganib ng pagkakautang sa China.

Nahaharap ang Laos sa matinding hamong pinansyal. Sinampahan ng kaso ng isang kumpanyang pag-aari ng estado ng China ang pambansang kompanya ng kuryente nito dahil sa $555 milyong hindi nabayarang utang sa isang hydropower project.

Ang $2.7 bilyong Nam Ou River Cascade Hydropower Project ay isa sa pinakamalalaking proyektong pang-enerhiya ng Laos na ang pondo ay inutang sa China. Nagsimula itong mag-operate noong 2021, ngunit sa halip na maging bahagi ng tinaguriang "battery of Southeast Asia," pinapasan nito ang hindi matutustusan na pagkakautang ng bansa. [PowerChina]
Ang $2.7 bilyong Nam Ou River Cascade Hydropower Project ay isa sa pinakamalalaking proyektong pang-enerhiya ng Laos na ang pondo ay inutang sa China. Nagsimula itong mag-operate noong 2021, ngunit sa halip na maging bahagi ng tinaguriang "battery of Southeast Asia," pinapasan nito ang hindi matutustusan na pagkakautang ng bansa. [PowerChina]

Ayon sa Focus |

Ang labang legal tungkol sa bayarin sa hydropower ay isang matinding paalala ng mga pasaning pang-ekonomiya na kaakibat ng Belt and Road Initiative (BRI) ng China sa Laos.

Ang Nam Ou Power, isang subsidiary ng Power Construction Corp. of China (PowerChina), ay nagsampa ng kaso sa Singapore laban sa Electricité du Laos (EdL), ayon sa ulat ng Reuters noong Marso 5.

Batay sa mga dokumentong isinumite noong Pebrero sa Singapore International Arbitration Center, may utang ang EdL na $486.3 milyon sa PowerChina para sa mga hindi pa nababayarang bayarin, bukod pa sa tinatayang $65.8 milyon na interes.

Ang mga sinisingil na ito ay nauugnay sa buwanang invoice mula Enero 2020 hanggang Disyembre 2024.

Kuha noong Enero 29, 2024, matatanaw ang Mekong River sa Luang Prabang, Laos. [Tang Chhin Sothy/AFP]
Kuha noong Enero 29, 2024, matatanaw ang Mekong River sa Luang Prabang, Laos. [Tang Chhin Sothy/AFP]

Bukod dito, hinihingi rin ang karagdagang $3 milyon bilang danyos dahil sa pagbabayad gamit ang perang Lao kip sa halip na ang napagkasunduang 85% sa US dollars.

Sa kabuuan, ang utang ay katumbas ng humigit-kumulang sa 4% ng gross domestic product (GDP) ng Laos.

Ang hidwaan ay nag-ugat mula sa $2.7 bilyong Nam Ou River Cascade Hydropower Project, isa sa pinakamalaking proyekto sa enerhiya ng Laos.

Ang proyekto ay binubuo ng pitong hydropower station na sumasaklaw sa 350 km ng Nam Ou River at nagbibigay ng 1.27GW sa kabuuang kapasidad ng hydropower ng Laos o humigit-kumulang sa 7% ng kabuuang 18GW na kapasidad ng bansa.

Bagaman operasyonal na ang mga planta ng kuryente mula noong 2021, nahihirapan ang Laos na matugunan ang mga obligasyong pinansyal nito.

Malaki ang puhunan ng Laos sa pagtatayo ng mga 80 hydropower dam sa Mekong River at mga sangay nito bilang bahagi ng layunin nitong maging "battery of Southeast Asia" na magluluwas ng enerhiya sa mga karatig-bansa.

Hindi matutustusang utang

Marami sa mga proyektong ito, kabilang ang Nam Ou, ay pinondohan ng China bilang pautang, sa ilalim ng BRI.

Subalit, pinapasan ng mga inisyatibang ito ng Laos ang hindi matustusang pagkakautang sa halip na maghatid ng mga inaasahang benepisyong pang-ekonomiya.

Tinatayang 76% ng kabuuang pagkakautang ng Laos ay pautang mula sa China. Bukod sa hydropower, pinondohan din ng China ang mga proyektong pang-imprastruktura, kabilang ang high-speed railroad na nag-uugnay sa Laos sa China.

Nagpalala sa pinansyal na krisis ng Laos ang mga proyektong ito, na may kabuuang utang ng gobyerno na halos $14 bilyon—katumbas ng 118.3% ng GDP ng bansa ngayong taon, ayon sa tantya ng International Monetary Fund (IMF).

Tinatayang $10.5 bilyon ang utang ng Laos sa China.

Bukod pa rito, pinalala ng hyperinflation at matinding pagbagsak ng halaga ng Lao kip ang sitwasyon. Sa nakalipas na limang taon, nawala ang halos 3/5 (60%) ng halaga ng Lao kip. Sa 2025, tinatayang tataas sa 23.7% ang inflation rate ng bansa.

Habang lumalala ang pasanin ng pagkakautang, isinuko ng Laos ang kontrol sa mahahalagang bahagi ng imprastraktura ng enerhiya nito sa China.

Noong 2020, inilipat ng EdL ang mayoryang kontrol ng transmission division nito sa China Southern Power Grid bilang bahagi ng kasunduan sa pagsasaayos ng utang. Dahil dito, napasailalim sa pamamahala ng China ang power grid ng Laos, na nagdulot ng pangamba tungkol sa soberanya at pagdepende sa katayuan sa ekonomiya.

Ang kaso laban sa EdL ay ang kauna-unahang pagkakataon ng international arbitration na isinampa ng isang kumpanyang pinamamahalaan ng bansang China laban sa isang kumpanyang kontrolado ng gobyerno ng Laos.

Bagaman hindi pa nagbibigay ng opisyal na tugon ang Laos sa pagsampa ng arbitration, inilantad ng kasong ito ang matinding kahinaan ng Laos—isang bansang napapaligiran ng lupa—sa larangan ng pananalapi at ang mga panganib na dulot ng malawakang pamumuhunan ng China sa imprastruktura nito.

Nagustuhan mo ba ang artikulong ito?

Policy Link

Captcha */Patunay na Hindi Robot *