Ni Kao Tzu-chiao |
"[Ako ay] Taiwanese, siyempre! Talaga!" sagot ni Chen Yun ng walang pag-aalinlangan nang tanungin siya ng Focus tungkol sa kanyang pagkakakilanlan.
Gayunpaman, kung ibabalik ang oras sa bandang 2010, maaaring iba ang kanyang naging sagot.
Noong bandang 2010, si Chen Yun, na gumamit ng alyas, ay nagpunta sa Shanghai para sa pagkakataong makapagtrabaho. Sa panahong iyon, ang kanyang pananaw sa China ay hindi partikular na positibo o negatibo.
"May pera na kikitain, kaya bakit hindi subukan?" sabi niya. Ang kanyang pananaw sa pagkakakilanlan noon ay hindi gaanong malalim." Itinuring ko ang aking sarili na Taiwanese, pero hindi ako tututol kung tatawagin din akong Chinese."
![Ang litratong kuha sa Taipei, Taiwan noong Enero 13, 2024, ay nagpapakita ng mga kabataang botanteng Taiwanese na nagdiriwang sa election watch party ng nahalal na pangulong si Lai Ching-te. Ang Democratic Progressive Party (DPP) ni Lai ay itinuturing na hiwalay ang Taiwan sa China at isinusulong ang isang hiwalay na pambansang pagkakakilanlan. Karamihan sa mga tao sa Taiwan ay itinuturing ang kanilang sarili bilang Taiwanese sa halip na Chinese. [Jimmy Beunardeau/Hans Lucas via AFP]](/gc9/images/2025/03/24/49721-afp__20240113__hl_jbeunardeau_2257848__v1__highres__taiwan2024presidentialelectionwi-370_237.webp)
Ngunit, mula nang si Xi Jinping ay naging general secretary ng Chinese Communist Party noong 2012, ang panggigipit ng Beijing sa Taiwan ay unti-unting tumindi.
Ang mga madalas na pagbabanta ng militar at retorika tungkol sa sapilitang pag-iisa ay nagpabago sa kanyang pananaw.
"Sinusubukan lamang ng Beijing na puksain ang Republic of China [ROC; Taiwan]," sabi ni Chen Yun.
"Hindi ako tagasuporta ng kalayaan ng Taiwan, ngunit hindi ko kayang panoorin lamang na lamunin ang ROC ng kabilang panig ng Taiwan Strait. Hinding-hindi ko nais na maging Chinese."
Pagbabago ng pagkakakilanlan
Ang panibagong pananaw ni Chen Yun ay nagpapakita ng mas malawak na pagbabago sa pagkakakilanlang Taiwanese ng mga nagdaang taon.
Mula noong 1992, ang National Chengchi University (NCCU) Election Study Center ng Taiwan ay nagsasagawa ng taunang survey tungkol sa sariling pagkakakilanlan. Ang mga resulta noong Pebrero 2024 ay nagpakita na 2.4% na lamang ng mga respondente ang nagpakilala bilang "Chinese," -- ang pinakamababang antas mula 1992. Samantala, ang mga nagpakilalang "Taiwanese" ay umabot sa 63.4%, na nagmarka ng apat na taong sunud-sunod na lampas sa 60% ang marka.
Taong 2005 nagmarka ang makasaysayang pagbabago sa pagkakakilanlan ng Taiwanese.
Noong Marso ng taong iyon, ipinasa ng Beijing ang Anti-Secession Law, na tahasang nagpapahintulot sa China na gumamit ng pwersa kung ang Taiwan ay magdedeklara ng kalayaan, kung magkakaroon ng malalaking insidenteng may kinalaman sa pakikipaghiwalay ng Taiwan, o kung ituturing na imposible ang mapayapang pag-iisa.
Noong nakaraang taon, naglabas ang Beijing ng "22 panuntunan" tungkol sa pagpaparusa ng mga aktibista ng kalayaanng Taiwanese ng matitinding kaparusahan, kabilang na ang parusang kamatayan.
"Itinututok ng Beijing ang mga missile sa atin. Paano ko pa mararamdaman na ako'y Chinese?" sabi ni Yang Chien, na dati'y madalas bumisita sa China para sa mga exchange programs at nagsalita rin sa ilalim ng isang alyas.
Minsan ay tinukoy niya ang kabilang panig ng Strait bilang "mainland China," ngunit ngayon ay tinatawag na lamang niyang "China." "Ito'y dahil ang lugar na iyon ay ganap na iba sa Taiwan," paliwanag niya.
Para sa kanyang bahagi, si Chen Yun ay nag-iingat na ngayon kapag bumabiyahe sa Shanghai para sa negosyo. Nagdadala siya ng bagong burner phone, iniiwan ang kanyang regular na phone sa Taiwan upang maiwasan ang mga kumplikasyon.
Ang mga insidente ng pagkwestyon sa mga Taiwanese ng Chinese customs ay karaniwan at nakababahala., sabi niya.
Itinuro nya si Fu Cha, ang punong patnugot ng Gusa Publishing.
Si Li Yanhe, na kilala sa kanyang alyas sa panulat na Fu Cha, ay lumipat sa Taiwan mula sa Shanghai kasama ang kanyang asawa noong 2009. Matapos bumisita sa kamag-anak sa China noong Marso 2023, siya ay iniulat na naglaho.
At nito lang Marso 17 ng taong ito, kinumpirma ng Taiwan Affairs Office ng China na siya ay kinasuhan ng "pag-uudyok ng paghihiwalay ng bansa" at nahatulan.
'Matinding panggigipit na pamumuno'
Si Lin Fei, na isang taong naging exchange student sa Peking University, ay umamin sa kanyang pagmamahal sa kulturang Chinese ngunit sinabing ang mga sistema sa magkabilang panig ng Taiwan Strait ay magkaibang-magkaiba.
"Ayokong manirahan doon sa ilalim ng pamumuno ng Chinese Communist Party."
"Malaki ang kinalaman nito sa matinding panggigipit ng pamumuno ni Xi Jinping," ayon kay Wang Hung-jen, direktor ng Institute for National Policy Research,
Ang "psychological warfare at pananakot ng militar" ng Beijing sa Taiwan, pati na rin ang pagsupil sa mga protesta sa Hong Kong noong 2019-2020, ay nagdulot ng malalim na hinanakit sa sistema ng China sa mga Taiwanese, aniya.
Ang mga pagbabago sa Hong Kong ay nagsilbing malakas na babala sa mga Taiwanese, na nagpatibay sa pangamba na ang kalayaan ay maaaring kunin anumang oras sa ilalim ng kontrol ng Beijing.
"Noong una, ang henerasyon ng mga kabataan sa Taiwan ay hindi gaanong pinuproblema ang pagkakakilanlan," dagdag ni Wang. "Ngunit matapos bumisita sa China, napagtanto ng ilan na ang lipunan doon ay malayung-malayo sa kanilang naisip.
Napagpasyahan ni Wang na ang pagkadismayang ito ang nagtulak sa mas maraming Taiwanese na kilalanin ang sarili bilang "Taiwanese" lamang sa halip na "Chinese."