Ayon kay Gao Ziqiao |
Ang agresyon ng China laban sa Taiwan ay lumawak mula sa mga banta ng militar patungo sa larangan ng kultura at entertainment.
Noong unang bahagi ng Marso, maraming mga Taiwanese entertainer ang nagbahagi ng graphic mula sa China Central Television (CCTV), isang kumpanyang pinatatakbo ng pamahalaan ng China, na may mensaheng "Dapat bumalik ang Taiwan (sa China)" gamit ang hashtag na "#TaiwanProvinceofChina."
Ang pamahalaan ng Taiwan ay tumugon sa pamamagitan ng isang babala na iimbestigahan nito at parurusahan ang mga may sala ayon sa batas.
Nag-ugat ang insidenteng ito mula sa pahayag ng Chinese Foreign Minister na si Wang Yi na ang "tanging pagtukoy sa rehiyon ng Taiwan sa United Nations ay ‘Taiwan, Lalawigan ng China.'"
![Isang Chinese influencer sa Taiwan, na kilala sa apelyidong Liu, ay nakatanggap ng abiso ng deportasyon matapos niyang paulit-ulit na isulong ang 'military unification' ng China sa kanyang social media channel na nakatuon sa mga Taiwanese. [YouTube]](/gc9/images/2025/03/26/49764-yaya4-370_237.webp)
Pagpapakita ng 'katapatan'
"HIndi kailanman naging isang bansa ang Taiwan, hindi noon, at hindi kailanman sa hinaharap," sabi ni Wang noong Marso 7 sa isang news conference habang dumadalo ng sabayang pagpupulong ng National People's Congress at ng Chinese People's Political Consultative Conference.
Di nagtagal, naglabas ang CCTV ng isang graphic na may temang "Dapat Bumalik ang Taiwan sa China," na hinihikayat ang mga sikat na personalidad na i-repost ito. Mahigit 20 mula sa Taiwan, kabilang sina Patty Hou, Joe Chen, at Michelle Chen, ang agad na sumunod upang ipakita ang kanilang "katapatan."
Kinabukasan, naglabas ang CCTV ng isang "listahan ng mga Taiwanese entertainer na nag-repost (ng graphic)" upang gipitin ang mga hindi pa sumunod. Itinuro ng mga Chinese netizen ang ilang kilalang personalidad tulad nina Mayday at Jolin Tsai dahil sa kanilang pananahimik, at may ilan pang nanawagan ng "ganap na pagbabawal sa mga entertainer na sumusuporta sa kasarinlan ng Taiwan."
Hindi ito ang unang pagkakataong ginamit ng Beijing ang mga Taiwanese entertainer para sa mga pulitikal na layunin.
Noong 2024, sa ika-75 anibersaryo ng pagkakatatag ng People's Republic of China, ilang Taiwanese performer ang nag-repost ng mga mensahe ng pagbati sa Weibo.
Subalit sa pagkakataong ito, napagpasyahan ng Taipei na ang nilalaman ay nagpapahina sa pambansang soberanya ng Taiwan. Dati, inunawa ng pamahalaan ng Taiwan ang panggigipit sa mga entertainer, kaya't sinabi nitong "ang namamalimos ay hindi maaaring mamili." Ngunit sa pagkakataong ito, matindi nitong kinondena ang insidente.
Pagbawi ng mga ID
Ang kahit anong pahayag o pagkilos na nagpapahina ng pambansang dignidad ay hahatulan batay sa batas bilang tugon sa mga United Front na taktika at pagbabanta ng China, sabi ng pangulo ng Taiwan na si Lai Ching-te sa isang pagpupulong ukol sa seguridad ng bansa na ginanap noong Marso 13.
Ang United Front ay isang Chinese policy kung saan pinagsasama-sama ang mga banta ng pakikidigma, pag-aalok ng mga kapaki-pakinabang na ugnayan sa mga negosyo ng China at ang pangangalap ng mga tagasuporta ng Beijing sa Taiwan.
Hinimok ni Lai ang mga performer na respetuhin ang mga pambansang interes ng Taiwan, at ang mga "damdamin ng mga taong nakatira rito."
Iimbestigahan ng Mainland Affairs Council (MAC) kung nilabag ng mga entertainer na ito ang batas sa kanilang pakikipagtulungan sa Chinese Communist Party, pamahalaan ng China, o militar ng China, o sa kanilang pakikilahok sa mga gawaing pampulitika, ayon kay Chiu Chui-cheng, ministro ng MAC, na ilang beses nang nagpahayag nito.
"Kung gusto mong purihin ang China, huwag mong kasangkapanin ang iyong pagkakilanlan bilang Taiwanese," babala ni Chiu.
Kung may hawak na Chinese ID ang mga entertainer, ipapatupad ng MAC ang batas at babawiin ang kanilang Taiwanese ID at household registration upang mapigilan silang gamitin ang kanilang pagkamamamayan sa pagsuporta sa mga United Front na pagkilos laban sa Taiwan, ayon kay Chiu.
"Mas matindi ang panloob at panlabas na pressure na haharapin ng mga entertainer," ayon kay Luo Shih-hung, isang propesor ng komunikasyon sa National Chung Cheng University sa Chiayi County, Taiwan, sa panayam ng Focus.
Habang ang pamahalaan ng Taiwan ay hindi na magpapaubaya tulad ng dati, ang mga entertainer na gustong makakuha ng trabaho sa China habang gumagawa ng mga pulitikal na pahayag na pabor sa China ay maaaring humarap sa mas matitinding panganib at hamon, sabi niya.
Mga kasangkapan sa pagsalakay ng magkakalabang bansa
Dahil sa mga hinaharap na matitinding taktika mula sa Beijing, ang Taiwan ay nag-iingat na sa mga entertainer at sa mga online influencer na nagsusulong ng mga pagbabanta ng China.
Sangkot sa isa sa mga kasong ito si Liu, isang ipinanganak sa China na may asawang Taiwanese at nakatira sa Taiwan, na nagpapatakbo ng sikat na TikTok at YouTube channel na "Yaya in Taiwan,"na may 450,000 followers.
Naging tampok si Liu matapos niyang ipakalat ang mga mensaheng pabor sa China, kabilang ang panawagang sakupin ang Taiwan. Sa isang video, sumigaw ang kanyang anak sa camera: "Sana ang unang misyon ng Sichuan Ship [Type 076, isang Chinese amphibious assault vessel] matapos itong ilunsad ay ang bawiin ang Taiwan."
Matapos ang imbestigasyon at isang panayam, napagpasyahan ng National Immigration Agency ng Taiwan na nilabag ni Liu ang Cross-Strait Act. Binawi ng mga awtoridad ang kanyang family-based residence permit noong kalagitnaan ng Marso at inutusan siyang umalis sa Taiwan sa loob ng sampung araw. Ipinagbawal din siyang muling mag-aplay para sa family-based residence permit sa loob ng limang taon.
Bagama't iginigiit ng ilang mambabatas na pabor sa muling pagsasanib na sakop ng free speech ang mga pahayag ni Liu, sinabi ni Hukom Lin Da sa isang online post noong kalagitnaan ng Marso na may hangganan ang kalayaang ito.
"Kung mawala ang Republic of China [Taiwan], paano nito mapoprotektahan ang kalayaan sa pagpapahayag ng mga mamamayan nito?" tanong ni Lin.
Ang kalayaan sa pagpapahayag sa mga demokratikong bansa ay umiiral para sa kapakinabangan ng katatagan ng demokrasya, ayon kay Chian Yu-yan, may-akda ng Invading the News Desk -- isang aklat tungkol sa panghihimasok ng China sa Taiwanese press at ang epekto nito sa press freedom ng Taiwan -- sabi sa Facebook noong kalagitnaan ng Marso.
Kung ang mga influencer ay maging kasangkapan para sa pagsalakay ng mga kalabang bansa at ng mga awtoritaryan na rehimen, ang kanilang freedom of speech ay kinakailangang higpitan, sabi ni Chian.