Ekonomiya

Siyudad ng Casino sa Cambodia, todo asa sa Beijing, nabaon sa utang

Ipinapakita ng Sihanoukville, isang bayang Chinese na mabilis ang paglago sa baybayin ng Cambodia, kung gaano kalaki ang panganib na dumepende sa Beijing.

Ang larawang ito na kuha noong Abril 8 ay nagpapakita ng isang casino -- isa lamang sa napakarami na ngayon ay bumubuo sa tanawin ng Sihanoukville. Mula sa dating kumpol ng mga tahimik na baryo ng mga mangingisda, ang pangalawang pinakamalaking siyudad sa Cambodia ay tuluyang nabago ng napakalaking puhunan mula sa China. Naging isa itong paraiso ng sugalan na kalahati pa lamang ang tapos, kung saan mas marami pa ang mga karatulang nakasulat sa Mandarin kaysa sa Khmer. [Tang Chhin Sothy/AFP]
Ang larawang ito na kuha noong Abril 8 ay nagpapakita ng isang casino -- isa lamang sa napakarami na ngayon ay bumubuo sa tanawin ng Sihanoukville. Mula sa dating kumpol ng mga tahimik na baryo ng mga mangingisda, ang pangalawang pinakamalaking siyudad sa Cambodia ay tuluyang nabago ng napakalaking puhunan mula sa China. Naging isa itong paraiso ng sugalan na kalahati pa lamang ang tapos, kung saan mas marami pa ang mga karatulang nakasulat sa Mandarin kaysa sa Khmer. [Tang Chhin Sothy/AFP]

Ayon sa AFP at Focus |

SIHANOUKVILLE, Cambodia — Mula sa dating kumpol ng tahimik na mga baryo ng mangingisda, ang Sihanoukville sa Cambodia ay naging isang paraiso ng sugalan na kalahati pa lamang ang tapos, kung saan naglipana ang mga karatulang nakasulat sa Mandarin, matapos ang dagsang pamumuhunan mula sa China.

Kasabay ng pagbisita ni Chinese President Xi Jinping sa Cambodia noong Abril 17, isang papuring ulat ang inilabas ng pinangangasiwaan ng bansa na Xinhua News Agency, na nagsasaad na dahil daw sa Belt and Road Initiative (BRI), naisama na ang Cambodia sa “panahon ng mabilis na pag-unlad.”

Binanggit ng artikulo ang naggagandahang mga kalsada at umuunlad na kalakalan bilang mga simbolo ng kasaganahang pinangungunahan ng mga Chinese -- habang iniwasan ang mga negatibong epekto ng mabilis na pagbabago tulad ng pag-usbong ng mga sindikato ng krimen mula sa China, mga sentro ng human trafficking, at mga online scam. Ang lahat ng ito ay naging sanhi ng masamang reputasyon ng Sihanoukville.

Itinuturing ang China bilang pinakamalaking mamumuhunan at katuwang sa kalakalan ng Cambodia, kung saan karamihan sa mga pamumuhunan ay ibinuhos sa daungan sa Gulf of Thailand -- isang mahalagang lokasyon sa BRI, na isinusulong ni Xi Jinping.

Ang larawang ito na kuha noong Abril 10 ay nagpapakita ng isang nagmomotorsiklo at ang kanyang pasahero na dumaraan sa harap ng isang hindi pa tapos na gusali sa Sihanoukville. Mula sa dating tahimik na mga baryo ng mga mangingisda, ang Sihanoukville ay naging isang paraiso ng sugalan na kalahati pa lamang ang tapos, kung saan naglipana ang mga karatulang nakasulat sa Mandarin, matapos ang dagsang pamumuhunan mula sa China. [Tang Chhin Sothy/AFP]
Ang larawang ito na kuha noong Abril 10 ay nagpapakita ng isang nagmomotorsiklo at ang kanyang pasahero na dumaraan sa harap ng isang hindi pa tapos na gusali sa Sihanoukville. Mula sa dating tahimik na mga baryo ng mga mangingisda, ang Sihanoukville ay naging isang paraiso ng sugalan na kalahati pa lamang ang tapos, kung saan naglipana ang mga karatulang nakasulat sa Mandarin, matapos ang dagsang pamumuhunan mula sa China. [Tang Chhin Sothy/AFP]

Bagamat tinatanggap ng mga lokal na opisyal ng pamahalaan, pinagdududahan ng mga kritiko ang malawakang pamumuhunan ng China. Nagbabala ang mga kritikong ito na maaari silang pasanin ng utang na mahirap bayaran at mailagay sa labis na pagdepende sa Beijing ang lungsod.

Ipinangalan sa dating hari ng Cambodia na si Norodom Sihanouk, ang tanging siyudad sa buong bansa na may daungang kayang pangasiwaan ang malalaking barko. Sa mga nagdaang taon, ito ay naging kuta ng mga sindikato ng panlilinlang at mga gangster mula sa China -- mga pangyayaring malabong isama ng Xinhua sa mga pag-uulat.

"Nagbabago ang Sihanoukville taun-taon," sabi ni Xiaofan, isang turistang Chinese na bumibisita sa mga kaibigan niyang nagsimula ng negosyo rito.

"Bumalik ako ngayong taon at para na itong lungsod ng mga Chinese. Ang daming Chinese."

Ang sugal ay karaniwang ipinagbabawal sa China, at ang Sihanoukville ay isa lamang sa maraming sentrong nagsulputan sa paligid upang makaakit ng mga turistang Chinese na uhaw sa pagsusugal.

Isa rin ang Phnom Penh sa mga pinakamaaasahang kaalyado ng Beijing sa Asia -- inilarawan ng state news agency ng China na Xinhua ang pagbisita ni Xi bilang pagpapakita ng “matibay” na pagkakaibigan.

Ngayong buwan, binuksan ang isang naval base na ni-renovate ng China malapit sa lugar, na iginiit ng Phnom Penh na hindi ito gagamitin nang “eksklusibo” ng Beijing -- ngunit dalawang barkong pandigma ng China ang nakadaong doon simula pa noong Disyembre 2023.

Ang pamumuhunan mula sa mga kumpanyang pag-aari ng Beijing ay aktibong hinihikayat ng Cambodia, habang ang mga pagkilos ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) laban sa pagtatayo ng mga isla at agresibong pag-aangkin ng teritoryo ng Beijing sa South China Sea ay palagian namang hinahadlangan ng Phnom Penh.

'Abandunadong Siyudad'

Ayon sa pamahalaang panlalawigan ng Preah Sihanouk, ang lugar ay may taunang gross domestic product (GDP) per capita na $4,000 -- halos doble ng karaniwang kita sa buong Cambodia -- na pinalago ng isang pabrikang pinapatakbo ng mga Chinese.

Ang Sihanoukville Special Economic Zone ay itinuturing na simbolo ng ugnayan sa pagitan ng Cambodia at China, ayon kay Long Dimanche, bise-gobernador ng lalawigan, na tila kampante sa posibilidad na maging isang siyudad ng casino na lamang ang kanilang lalawigan.

"Para sa akin, kahit ano na lang," ani Dimanche sa AFP. "Tingnan mo ang Macau, tingnan mo ang Las Vegas."

Aniya, bukas ang Sihanoukville sa sinumang nais mamuhunan sa first-come, first-served basis.

"Maliit lang ang Cambodia. Wala kaming gaanong pagpipilian."

Ang mga crane mula sa mga kumpanyang konstruksyon ng China ay abalang-abala sa baybayin, nagtatayo ng isang marangyang shopping resort sa tabing-dagat sa Peninsula Bay.

Ayon sa isang kinatawan ng proyekto, ang developer ay isang “Chinese-Cambodian” na kumpanya, at ang layunin nito ay “ibalik ang dating kahanga-hangang Sihanoukville.”

Ngunit ang mga proyektong pinopondohan ng China sa iba’t ibang panig ng mundo ay may iba't ibang resulta -- ang ilan ay naging white elephant (proyektong walang silbi o hindi kapaki-pakinabang), at ang iba naman ay ibinabaon sa utang ang mga bansang tumatanggap ng pamumuhunan.

Ang daungan ay nagiging isang “inabandunang siyudad” na puno ng mga bakanteng gusali, ayon kay Ou Virak, pangulo ng Future Forum, isang Cambodian think tank.

Utang mula sa ibang bansa

“Ang Sihanoukville ay sintomas lamang ng mas malawak na problema sa real estate ng China. Inililipat lang nila ito sa amin,” ani Virak.

Ayon sa International Monetary Fund, mahigit isang-katlo ng $11 bilyon ang utang ng Cambodia sa China.

Nagtayo ang mga manggagawa ng expressway na nagkakahalaga ng $2 bilyon upang pagdugtungin ang Sihanoukville at ang kabiserang Phnom Penh.

Ang proyekto ay umasa sa pondong galing sa China. Binuksan ang hinating highway noong 2022, pero dahil sa minimum toll na $15, halos walang dumaraan dito.

Isang Chinese-financed na paliparan sa Siem Reap, malapit sa UNESCO-listed heritage site na Angkor Wat, ang binuksan noong 2023 at idinisenyo upang makaraan ang 7 milyong turista kada taon. Ngunit noong 2023, mas mababa sa 6 milyong turista ang bumisita sa buong Cambodia.

Isang 180-kilometrong kanal na mag-uugnay sa Ilog Mekong at Gulf of Thailand ang hindi pa rin napopondohan ng kumpanyang pagmamay-ari ng Chinese, halos isang taon matapos ang groundbreaking.

“Ang ilan sa mga proyektong ito ay masyadong malalaki, masyadong minadali, at wala namang tunay na pangangailangan para rito,” ayon kay Virak, na tinawag ang ilan sa mga ito na stranded assets. Pero “sa usaping pang-ekonomiya, hindi mo talaga maikakaila ang China.”

'Lubhang nakadepende'

Ayon sa Washington, maaaring gamitin ng China ang Ream Naval Base sa Sihanoukville -- na unang itinayo ng Amerika at ngayo’y ina-upgrade ng China -- para sa estratehikong access sa pinag-aagawang South China Sea, na halos buong bahagi ay inaangkin ng China.

Ayon kay Sophal Ear, isang political scientist sa Arizona State University, ang mga mahalagang pamumuhunan ng China ay nagpapakita ng matagalang layunin nitong mapanatili ang impluwensiya sa rehiyon.

Ngunit, dagdag pa niya, dahil "lubhang nakadepende" ang ekonomiya ng Cambodia sa kapital ng China, patuloy ang mga pangamba tungkol sa kakayahang bayaran ang utang, sobrang pagdepende sa iisang bansa at banta sa pagkawala ng soberanya.

Kasabay nito, ang Cambodia ay naging tahanan ng ilang sentro ng scam -- karamihan ay target ang mga Chinese -- na lumaganap nitong mga nakaraang taon bago pa ang ginawang pagsawata kamakailan.

Nagustuhan mo ba ang artikulong ito?

Policy Link

Captcha */Patunay na Hindi Robot *