Ayon sa Focus at AFP |
Sa gitna ng tumitinding sigalot sa pagitan ng China at Pilipinas ukol sa teritoryo sa South China Sea, ang pagkakadiskubre kamakailan ng mga underwater drone na pinaghihinalaang mula sa China ay nagdulot sa Pilipinas ng matinding pangamba para sa kanilang seguridad.
Ipinahayag ng militar ng Pilipinas noong Abril 15 na ang limang underwater drone na natagpuan ng mga mangingisdang Pilipino ay may kakayahang mangalap ng impormasyon na makatutulong sa pakikidigma sa ilalim ng tubig. Sinabi rin nila na ang isa sa mga ito ay nakapagpadala ng signal sa China.
Ang pagbubunyag na ito ay kasunod ng ilang buwan ng alitan sa pagitan ng Pilipinas at China ukol sa teritoryo sa South China Sea. Ito'y naganap habang naghahanda ang Pilipinas para sa malawakang ehersisyong militar kasama ang kaalyado nito sa kasunduan, ang Estados Unidos, ngayong buwan.
Iniulat ng mga opisyal na militar ng Pilipinas noong Abril 15 na ang limang underwater drone na natagpuan mula 2022 hanggang 2024 ay nakita sa mga lokasyong itinuturing na "mahalaga para sa estratehiya" ng depensa at seguridad ng bansa, at makahulugan din para sa international maritime navigation.
![Sinusuri ng Philippine National Police ang isang underwater drone na pinaghihinalaang mula sa China. Ito'y natagpuan ng mga mangingisdang Pilipino sa baybayin ng Masbate Island noong Disyembre 30. [Philippine National Police Kasurog Bicol/Facebook]](/gc9/images/2025/04/22/50096-underwater_drone-370_237.webp)
![Makikita sa walang petsang larawang ito ang isang underwater drone na may mga markang Tsino. Ito'y natagpuan sa karagatan sa gitnang bahagi ng Pilipinas noong Disyembre 30. [Handout/Philippine National Police Regional Office 5]](/gc9/images/2025/04/22/50097-hy-119-370_237.webp)
"May kakayahan ang mga itong tumanggap, magproseso, magtago at magpadala ng datos sa pamamagitan ng satellite communications patungo sa isang istasyon sa lupa, sa isang mothership, o sa iba pang mga drone," pahayag ni Rear Adm. Roy Trinidad, tagapagsalita ng Philippine Navy para sa mga isyu sa South China Sea, sa Philippine News Agency.
Ang kanilang pangangalap ng datos ay may layuning "higit pa sa navigation," sabi ni Trinidad. Ang mga kagamitang ito ay para rin sa paggawa ng mapa ng mga anyong lupa sa ilalim ng dagat at sa pangangalap ng bathymetric na datos, na mahalaga para sa pagbuo ng estratehiyang miltar sa pakikidigma sa ilalim ng tubig.
Mula sa China
Kinumpirma ng mga opisyal ng Pilipinas na ang isa sa limang natagpuang drone -- isang dilaw na modelong "HY-119" na nakuha sa baybayin ng Masbate Island noong Disyembre 30 -- ay mula sa China.
"Ang submersible drone na ito ay gawa sa China," sinabi ni Jonathan Cabal, hepe ng Philippine National Police Maritime Group sa isang pagdinig sa Senado noong Enero 15, ayon sa Philstar.com.
"Walang ganitong submersible drone na basta-bastang mabibili, kaya't ipinagpapalagay namin na ito'y ginawa para sa militar, o para sa agham."
Isinaad ni Brig. Gen. Andre Dizon, police commander ng Masbate, ang kakayahan ng drone para sa satellite communication. Ito'y nakapagpapadala at nakatatanggap ng datos at mga voice message, ayon sa ulat ng Naval News noong Enero 3.
"Batay sa mga markang natagpuan, ito ay isang Chinese underwater navigation at communication system," sabi ni Dizon.
Ayon sa isang ulat ng Naval News noong Enero, ang drone ay isang "Sea Wing" glider na nilikha ng Chinese Institute of Oceanology. Ito'y may kakayahang umabot sa lalim na higit sa 6.4km at posibleng makadagdag sa kapasidad ng submarine fleet ng China upang matiktikan at masundan ang ibang mga submarino.
Bagamat wala pang opisyal na pahayag ang mga awtoridad ng Pilipinas na sa China nga nagmula ang mga drone, may mabigat na ebidensiya para rito.
Ang isa sa mga drone ay may subscriber identity module (SIM) card na huling nakipag-ugnayan sa isang mainland Chinese network, habang ang iba naman ay may mga markang Tsino.
Ayon sa mga pagsusuri ng mga opisyal ng Pilipinas., may 55 - 80% na posibilidad na ang mga drone ay inilunsad ng China, base sa mga piyesa nito at sa mga ginagamit nitong ugnayang pangkomunikasyon.
Iniulat din ni Trinidad ang pagkakadiskubre ng isang iridium transceiver na may serial number mula sa HWA Create. Ang HWA Create, na may punong-tanggapan sa Beijing, ay nakatuon sa mga solusyong para sa depensa, sa mga sibilyan, sa pamahalaan, at sa mga industriya.
Samantala, ang isa pang drone naman ay natuklasang mayroong conductivity, temperature, at depth (CTD) sensors at may bateryang may markang "China Electronics Technology Group (CETG)."
Ang CETG Corporation ay isang kumpanyang pag-aari ng bansang China na nakatuon sa pagsasama ng impormasyong pangteknolohiya ng mga sibilyan at ng militar. Ang mga CTD sensor ay makapagbibigay ng mahahalagang datos para sa pag-unawa ng mga pisikal na katangian ng karagatan.
Estratehikong kinalalagyan
Ang mga lugar kung saan nakuha ang mga drone, mula Luzon sa hilaga hanggang Mindanao sa timog, kabilang ang dalawang nahanap malapit sa Balintang Channel sa timog ng Taiwan at ang iba pang nasa hilagang baybayin ng Luzon, ay nagpapakita ng kanilang estratehikong kinalalagyan sa mga pangunahing daanang pandagat at mahahalagang chokepoint tulad ng Masbate Island at Mindanao.
Ang paglalagay ng mga drone sa malawak na lugar ay nagpapalakas sa pangamba ng mga opisyal ng Pilipinas na ito'y matagal nang ginagawa ng China bilang paniniktik sa karagatang Pilipinas.
Ang embahada ng China ay hindi agad nagbigay ng kanilang komento.
Nagbabala si Alexander Lopez, ang Department of Energy Undersecretary at tagapagsalita ng National Maritime Council, na ang ganitong aktibidad ay maaaring sumasalamin sa mga pagsisikap na igiit ang kontrol sa mga pinagtatalunang teritoryo.
"Sa madaling salita, ganyan kalayo ang nais nilang marating sa ating teritoryong pandagat," sabi niya noong Abril, ayon sa mga ulat.
Habang ang mga datos tulad ng mga bathymetric reading ay maaaring gamitin sa mga layuning pang-agham, binigyang-diin ni Trinidad ang kanilang pangunahing papel sa mga submarine operation, sonar evasion, at sa mga labanan sa ilalim ng dagat — isang larangan kung saan mahina ang isang bansang gaya ng Pilipinas.
"Ito ay isang alalahanin sa pambansang seguridad," ayon kay Senate Majority Leader Francis Tolentino noong Abril. Hinimok niya ang pagmamatyag ng publiko. Ginagamit ng China ang mga drone na ito upang mangalap ng datos sa ilalim ng dagat para sa layuning militar, sabi niya, ayon sa ulat ng Philippine News Agency.
Binigyang-diin ni Tolentino ang kahalagahan ng pagprotekta sa soberanong karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea sa pamamagitan ng mga paraang diplomatiko at legal.