Ekonomiya

Bansang papaunlad, hinaharap ang tila “tidal wave” ng utang sa China

Iniulat ng Lowy Institute na humaharap ang mga bansang papaunlad sa pinakamataas na naitalang bayarin sa pautang ng China.

Ang toll station ng Phnom Penh sa Phnom Penh–Sihanoukville Expressway sa Cambodia, kuha noong Marso 18. Ang China, na may hawak ng humigit-kumulang $3.9 bilyon (halos kalahati) ng pampublikong utang ng Cambodia, ang nagpondo ng mga pangunahing proyekto sa ilalim ng BRI gaya ng expressway na ito. [Cheong Kam Ka/Xinhua sa pamamagitan ng AFP]
Ang toll station ng Phnom Penh sa Phnom Penh–Sihanoukville Expressway sa Cambodia, kuha noong Marso 18. Ang China, na may hawak ng humigit-kumulang $3.9 bilyon (halos kalahati) ng pampublikong utang ng Cambodia, ang nagpondo ng mga pangunahing proyekto sa ilalim ng BRI gaya ng expressway na ito. [Cheong Kam Ka/Xinhua sa pamamagitan ng AFP]

Ayon sa AFP at Focus |

Nagbabala ang isang Australian think-tank sa isang bagong ulat noong Mayo 27 na ang mga pinakamahihirap na bansa sa mundo ay humaharap sa tila “tidal wave” ng utang, habang abot na sa pinakamataas na antas ang bayarin sa China sa 2025.

Ayon sa ulat na inilathala ng Lowy Institute, inaasahang aabot sa $35 bilyon ang kabuuang bayarin sa utang ng mga bansang papaunlad sa China pagsapit ng 2025, at mananatiling mataas ang mga ito sa natitirang bahagi ng dekada.

Partikular na ang 75 sa pinakamahihirap at pinakabulnerableng bansa sa buong mundo ay nakatakdang magbayad sa taong ito ng halos $22 bilyon na pautang mula sa China, ang pinakamataas na naitala sa kasaysayan.

Ngayong 2025, inaasahang makasisingil ang China ng higit sa 30% ng lahat ng bilateral na pautang na babayaran ng mga bansang papaunlad, at mga 25% naman para sa mga bansang mas mababa pa ang kita -- na higit pa sa babayaran sa mga multilateral na institusyon o pribadong nagpapautang.

Ipinakikita ng infographic na ito ang matinding pagbabago ng China mula sa pagiging net lender patungo sa pagiging net collector sa taong 2025, kung saan ang mga pinakamahihirap na bansa sa mundo ay kailangang magbayad ng napakalaking naitalang $22 bilyon na pautang. [Lowy Institute]
Ipinakikita ng infographic na ito ang matinding pagbabago ng China mula sa pagiging net lender patungo sa pagiging net collector sa taong 2025, kung saan ang mga pinakamahihirap na bansa sa mundo ay kailangang magbayad ng napakalaking naitalang $22 bilyon na pautang. [Lowy Institute]

Ang sunod-sunod na pagpapautang ng China sa ilalim ng Belt and Road Initiative (BRI) noong dekada 2010 ay ginamit sa pagpopondo ng mga pantalan, riles, kalsada, at iba pang imprastruktura -- mula sa mga disyerto ng Africa hanggang sa tropikal na South Pacific.

Ang pandaigdigang programang pang-imprastruktura na suportado ng bansa, na inilunsad noong 2013 sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Xi Jinping, ay nagpondo sa mga proyekto mula sa mga paaralan, tulay, at ospital hanggang sa mga pangunahing kalsada at pantalan.

Naging pinakamalaking bansang nagpapautang ang China sa 53 bansang papaunlad at kabilang sa nangungunang lima sa mga nagpapautang sa iba pang mga bansa.

Kolektor ng pautang

Ngunit ayon sa institusyon, nababawasan na ang mga bagong pautang, at mas mabigat na ang mga utang na kailangang bayaran ng mga bansang papaunlad.

"Humaharap ang mga bansang papaunlad sa tila tidal wave na bayaring utang at mga interes sa China," sabi ng mananaliksik na si Riley Duke sa AFP.

"Ngayon, at sa natitirang bahagi ng dekadang ito, magiging mas kolektor ng pautang kaysa tagapagpautang ang China sa mga bansang papaunlad," dagdag ni Duke.

Ayon sa AFP, sinabi ng Foreign Ministry ng Beijing na “hindi ito pamilyar sa mga detalye” ng ulat ngunit iginiit nitong “ang pamumuhunan at pakikipagtulungang pinansyal ng China sa mga bansang papaunlad ay alinsunod sa mga pandaigdigang kasunduan.

Sinabi ng tagapagsalita ng ministry na si Mao Ning na “may ilang mga bansa” ang nagtatangkang sisihin ang Beijing sa pagkakalubog ng mga bansang papaunlad sa utang, ngunit aniya, “hindi matatakpan ng kasinungalingan ang katotohanan."

Masusing sinuri ng Lowy Institute ang datos mula sa World Bank upang matukoy ang mga obligasyon sa pagbabayad ng mga bansang papaunlad.

Pinagtibay ng pagsusuring ito na mabilis ang pagbabago ng kalagayan ng China bilang net lender, mula sa pagiging net provider ng pondo -- ibig sabihin, higit ang halaga ng ipinapautang kaysa sa natanggap na bayad. Naging net drain na ito, “dahil mas mataas na ngayon ang kabuuang bayad kaysa sa halaga ng mga pinapautang.”

Limitado ang datos na inilalathala ng China tungkol sa pagpapautang sa ilalim ng Belt and Road Initiative (BRI), kaya’t malamang na ang mga tantiya ng Lowy Institute ay mababa kumpara sa totoong saklaw ng pagkakasangkot ng China sa utang.

Tinataya ng AidData noong 2021 na mayroon pang humigit-kumulang $385 bilyong “nakatagong pautang” ang China, ayon sa ulat ng The Diplomat noong 2021.

Paninigurado sa impluwensya

Dagdag pa rito, natuklasan sa ulat ng Lowy Institute na ang pagbabayad ng pautang ay nagsisimula nang maglagay sa alanganin ang paggastos para sa mga ospital, paaralan, at mga hakbang laban sa pagbabago ng klima.

Mababasa sa ulat na ang bigat sa pagbabayad ng pautang ay “nagdudulot ng napakalaking pasaning pinansyal sa mga papaunlad na ekonomiya.”

Tinalakay rin sa ulat ang tanong kung maaaring gamitin ng China ang mga pautang na ito bilang 'geopolitical leverage,' lalo na nang magbawas ang US ng kanilang foreign aid.

Bagamat halos bumababa ang pagpapautang ng China sa halos lahat ng bansa, sinabi ng ulat na may dalawang uri ng bansa na tila lumilihis sa trend na ito.

Una, ang mga bansa tulad ng Honduras, Nicaragua, Solomon Islands, Burkina Faso, at Dominican Republic ay tumanggap ng malalaking pautang sa loob ng 18 buwan matapos ilipat ang kanilang diplomatikong pakikipag-ugnayan mula sa Taiwan patungo sa China.

Sumunod, sa mga bansa gaya ng Indonesia at Brazil, pumirma ang China ng mga bagong kasunduan sa pautang upang matiyak ang suplay ng mga metal para sa baterya at iba pang mahahalagang mineral.

[Part II ng IV sa isang serye ng Belt and Road Initiative ng China sa Southeast Asia]

Nagustuhan mo ba ang artikulong ito?

Policy Link