Enerhiya

Sobrang nipis na solar panel, estratehikong bentahe ng Japan sa gitna ng dominasyon ng China

Kontrolado ng China ang mahigit sa 80% ng pandaigdigang supply chain ng solar energy, mula sa paggawa ng mga pangunahing raw material hanggang sa pagbuo ng mga module.

Makikitang naka-display ang mga perovskite solar panel sa Okuma Town Hall sa Fukushima, Japan, noong Abril 24. Malaki ang ipinupuhunan ng Japan sa makabago, napakanipis, at flexible na solar technology, sa layuning maabot ang mga target nito sa renewable energy at makipagsabayan sa dominasyon ng China sa merkado. [Richard A. Brooks/AFP]
Makikitang naka-display ang mga perovskite solar panel sa Okuma Town Hall sa Fukushima, Japan, noong Abril 24. Malaki ang ipinupuhunan ng Japan sa makabago, napakanipis, at flexible na solar technology, sa layuning maabot ang mga target nito sa renewable energy at makipagsabayan sa dominasyon ng China sa merkado. [Richard A. Brooks/AFP]

Ayon sa AFP at Focus |

TOKYO -- Namumuhunan nang malaki ang Japan sa isang bagong uri ng sobrang nipis at flexible na solar panel, na inaasahang makakatulong na makamit ang mga layunin nito sa renewable energy habang hinahamon ang dominasyon ng China sa nasabing sektor.

Ang nababaluktot na perovskite panel ay bagay na bagay sa bulubunduking topograpiya ng Japan, kung saan kakaunti ang patag na lupa na maaaring pagtayuan ng mga tradisyunal na solar farm. Isa sa mahalagang bahagi nito, ang iodine -- na kung saan, bukod sa Chile, ang Japan ang may pinakamalaking produksiyon sa buong mundo -- kaya may kalamangan ito sa lokal na produksyon.

Ang teknolohiya ay humaharap sa mga hamon. Naglalaman ng nakalalasong tingga ang perovskite panel, at sa kasalukuyan ay mas kaunti ang enerhiyang nalilikha nito at mas maikli ang itinatagal kumpara sa mga panel na gawa sa silicon.

Ngunit sa layunin ng net-zero emissions sa 2050 at pagnanais na basagin ang solar supremacy ng China, nakikita ng Japan ang estratehikong halaga.

Makikitang abala ang isang manggagawa sa isang pabrika ng solar panel sa Ganyu Economic Development Zone, Lianyungang, China, noong Pebrero 5. [Costfoto/NurPhoto via AFP]
Makikitang abala ang isang manggagawa sa isang pabrika ng solar panel sa Ganyu Economic Development Zone, Lianyungang, China, noong Pebrero 5. [Costfoto/NurPhoto via AFP]
Hawak ni Yukihiro Kaneko, research officer ng Panasonic, ang isang perovskite panel sa isang panayam ng AFP sa laboratoryo ng Unibersidad ng Tokyo noong Abril 14. [Kazuhiro Nogi/AFP]
Hawak ni Yukihiro Kaneko, research officer ng Panasonic, ang isang perovskite panel sa isang panayam ng AFP sa laboratoryo ng Unibersidad ng Tokyo noong Abril 14. [Kazuhiro Nogi/AFP]

Ang perovskite cells ang "pinakamahusay nating baraha upang makamit ang parehong decarbonization at mapalakas ang kakayahang makipagsabayan sa industriya,” pahayag ni Minister of Economy, Trade and Industry Yoji Muto noong Nobyembre. “Kailangan nating magtagumpay sa pagpapatupad nito sa lipunan anuman ang mangyari.”

Upang mapabilis ang pagpapatupad, nag-aalok ang pamahalaan ng mga incentive, kabilang ang ¥157-bilyon ($1 bilyon) na subsidy sa Sekisui Chemical, para sa isang pabrika na inaasahang makakagawa ng sapat na mga panel sa taong 2027 upang makalikha ng 100MW -- sapat para mapailawan ang 30,000 kabahayan.

Pagsapit ng 2040, nakatakdang maglagay ang Japan ng mga perovskite panel na may kakayahang lumikha ng 20GW, katumbas ng enerhiyang mula sa humigit-kumulang 20 nuclear reactor. Bahagi ito ng layunin ng bansa na matugunan ang hanggang sa 50% ng pangangailangan sa kuryente mula sa renewable sources sa nasabing taon.

Target din ng Japan ang solar power -- kabilang ang perovskite at silicon cells -- para matugunan ang hanggang 29% ng pangangailangan nito sa kuryente, mula sa dating 9.8% noong 2023.

"Para madagdagan ang renewable energy at makamit ang carbon neutrality, sa tingin ko'y kailangan nating gamitin ang lahat ng teknolohiyang mayroon tayo," ang sabi ni Hiroshi Segawa, isang eksperto sa solar technology sa University of Tokyo.

“Maaaring gawin ang mga perovskite solar panel sa loob ng bansa -- mula sa raw materials hanggang sa produksiyon at pag-install. Sa ganitong diwa, maaari itong magbigay ng malaking ambag sa mga bagay gaya ng seguridad sa enerhiya at seguridad sa ekonomiya,” sinabi niya sa AFP.

Pag-maximize ng renewable energy

Ang mga silicon solar panel ay gawa sa maninipis na wafer na pinoproseso upang maging mga cell na lumilikha ng kuryente.

Dapat silang protektahan ng mga pinatibay na salamin at metal frame, kaya't nagiging mabigat at masalimuot ang mga natapos na produkto. Samantalang ang perovskite solar cell ay ginagawa sa pamamagitan ng pagpi-print o pagpipinta ng mga sangkap gaya ng iodine at lead sa mga ibabaw na gaya ng film o sheet glass.

Ang natapos na produkto ay maaaring kasingnipis lamang ng 1mm at may timbang na 1/10 kumpara sa karaniwang silicon solar cell.

Dahil sa kakayahang bumaluktot ng perovskite panel, maaari itong ikabit sa mga di-pantay at kurbadang mga paglalagyan -- isang mahalagang tampok sa Japan, kung saan 70% ng bansa ay bulubundukin.

Kasama na sa ilang proyekto ang mga panel, kabilang ang isang 46-palapag na gusali sa Tokyo na inaasahang matatapos sa taong 2028.

Ang timog-kanlurang lungsod ng Fukuoka ay nagsabi na nais nitong takpan ang isang domed baseball stadium na may mga perovskite panel.

At ang pangunahing electronic brand na Panasonic ay gumagawa ng paraan upang maisama ang perovskite sa mga salamin ng bintana.

“Paano kung lahat ng bintanang ito ay may nakakabit na solar cell?” tanong ni Yukihiro Kaneko, general manager ng perovskite photovoltaic development department ng Panasonic, habang iminuwestra ang matataas na gusaling natatakpan ng salamin na nakapalibot sa opisina ng kumpanya sa Tokyo.

Magbibigay-daan ang kakayahang iyon sa paglikha ng kuryente sa mismong lugar kung saan ito ginagamit, habang pinapagaan ang load sa pambansang grid, dagdag ni Kaneko.

Bagamat malayo pa sa malawakang produksyon ang mga perovskite panel, mabilis ang pag-usad ng teknolohiya. May ilang prototype na halos kapantay na ang kakayahan ng mga silicon panels, at inaasahang aabot sa 20 taon ang tibay ng mga ito sa lalong madaling panahon.

Maaaring umabot sa 40GW ang kapasidad ng Japan mula sa perovskite pagsapit ng 2040, habang ang teknolohiyang ito ay maaari ring pabilisin ang paglaganap ng renewable energy sa ibang panig ng mundo, sinabi ni Segawa.

“Hindi natin ito dapat ituring na pagpili lamang sa pagitan ng silicon o perovskite. Sa halip, dapat nating pagtuunan kung paano natin mapapakinabangan ng husto ang ating kakayahang gamitin ang renewable energy,” dagdag pa niya.

"Kung makakapagpakita ang Japan ng mahusay na modelo, sa tingin ko ay maaari itong dalhin sa ibang bansa."

Kontrol ng China

Hangad ng Tokyo na maiwasan ang pag-uulit ng nakaraang paglakas at pagbagsak ng industriya ng solar sa Japan.

Noong unang bahagi ng dekada 2000, halos kalahati ng pandaigdigang merkado ng solar panel na silicon ay gawa sa Japan.

Ngayon, kontrolado ng China ang mahigit 80% ng pandaigdigang supply chain ng solar energy, mula sa paggawa ng pangunahing raw material hanggang sa pagbuo ng mga module.

Noong 2024, 94.9% ng mga solar panel sa Japan ay imported -- karamihan mula sa China -- ayon sa Photovoltaic Energy Association na binanggit ng Sankei Shimbun.

Ang dominasyon ng China sa sektor ay nagdulot ng mga pangamba sa seguridad.

Nagsagawa ang Japan ng imbestigasyon noong Mayo hinggil sa mga solar panel na gawa sa China, dahil sa pangambang may mga nakatagong communication device ang mga ito na maaaring makagambala sa pambansang power grid, iniulat ng South China Morning Post (SCMP).

Ang imbestigasyon ay kasunod ng naunang mga natuklasan ng mga awtoridad sa United States at Europe, kung saan nadiskubre ang mga hindi idineklarang bahagi ng komunikasyon na nakapaloob sa mga solar inverter na gawa sa China.

Maaaring magdulot ang mga ito ng hindi awtorisadong remote access, makaiwas sa mga security firewall at posibleng makagambala sa pambansang imprastruktura ng enerhiya, sinabi ng mga analyst.

Bilang tugon, sinisiyasat na ngayon ng pamahalaan ng Japan kung may katulad na mga bahagi sa mga imported na panel na ibinebenta sa loob ng bansa.

“Sa loob ng mahabang panahon, walang malinaw na patakaran ang pamahalaan ng Japan hinggil sa mga import kaya’t nagsisilbi itong isang babalang dapat pagtuunan ng pansin,” ayon kay Toshimitsu Shigemura, isang political scientist mula sa Waseda University sa Tokyo, sa panayam ng SCMP.

“Sigurado akong ikababahala nila ito, at tiyak na masusing susuriin nila ang mga inangkat na solar panel,” aniya.

Nagustuhan mo ba ang artikulong ito?

Policy Link

Captcha */Patunay na Hindi Robot *