Seguridad

Australian spy chief nagbabala sa pagtaas ng dayuhang banta

Naharang ng Australian intelligence service ang 24 na malalaking operasyong paniniktik at panghihimasok ng mga dayuhan mula noong 2022, kung saan kabilang sa mga pinakaaktibong salarin ang China, Russia, at Iran.

Naglayag ang USS Minnesota, isang nuclear-powered submarine ng United States sa baybayin ng Australia noong Marso 16. [Colin Murty/POOL/AFP]
Naglayag ang USS Minnesota, isang nuclear-powered submarine ng United States sa baybayin ng Australia noong Marso 16. [Colin Murty/POOL/AFP]

Ayon sa Focus at AFP |

Hindi bababa sa 12.5 bilyong AUD ($8.4 bilyon) ang nagastos sa mga operasyong paniniktik ng mga dayuhan sa Australia noong nakaraang taon ng pananalapi — halagang sinasabi ng mga awtoridad na posibleng mas mababa pa kaysa sa tunay na pinsala sa ekonomiya at seguridad ng bansa.

Ang tinatayang halaga ay batay sa kauna-unahang ulat ng ganitong uri na magkasamang inilabas ng Australian Security Intelligence Organization (ASIO) at ng Australian Institute of Criminology.

Sa isang talumpating ibinigay sa taunang Hawke Lecture noong Hulyo 31, isiniwalat ni ASIO Director-General Mike Burgess na naharang ng kanilang organisasyon ang 24 na malalaking operasyong paniniktik at panghihimasok ng mga dayuhan mula noong 2022 -- higit pa sa pinagsamang bilang sa nakalipas na walong taon.

Tinukoy niya ang Russia bilang matagal nang banta sa paniniktik.

“Patuloy na banta ang Russia at agresibo sa paniniktik,” ayon kay Burgess. Bagaman hindi siya nagbigay ng detalye, sinabi niyang ilang espiya mula sa Russia ang pinaalis mula sa Australia sa mga nakalipas na taon.

Tinukoy din ni Burgess ang China at Iran na kabilang sa mga pinakaaktibong bansang nagsisikap makuha ang mga lihim ng Australia.

“Aktibo ang mga bansang matagal nang kilala sa espiya -- gaya ng dati kong binanggit na China, Russia, at Iran -- ngunit marami ring ibang bansa ang tumatarget sa kahit sino at anumang maaaring magbigay sa kanila ng mahalaga o taktikal na kapakinabangan, kabilang na ang mga sensitibo ngunit hindi kumpidensyal na impormasyon,” aniya, ayon sa sipi ng The Conversation.

Kasama sa tinatayang halaga sa ulat ang mga pagkatalo dulot ng cyberattack, pagnanakaw ng ideya o produkto, mga banta mula sa loob ng organisasyon, at mga gastusin para sa depensa sa iba’t ibang sektor.

Ngunit sinabi ni Burgess na mas mababa pa rin ito sa aktwal na pinsala.

“Ang posibleng pagkawala ng mga mapapakinabangan, soberanya, at kakayahang makipagdigma ay may napakalaking halaga na hindi nasusukat ng pera,” aniya.

Pagbabago ng taktika

Ang pakikipagsanib-puwersa ng Australia sa AUKUS -- na magbibigay-daan dito upang makabili ng mga nuclear-powered submarine mula sa United States at United Kingdom -- ay isa sa mga pangunahing target ng foreign intelligence, ayon kay Burgess.

“Ang mga foreign intelligence service ay nagpapakita ng labis na mapanganib na interes sa AUKUS at sa mga kaugnay nitong kakayahan,” ayon kay Burgess, at dagdag pa niya na “hindi lamang natin ipinagtatanggol ang ating soberanong kakayahan, kundi ipinagtatanggol din natin ang mga kritikal na kakayahang ibinabahagi sa atin at kasama natin ng ating mga kaalyado.”

Dagdag pa niya, pinupuntirya ng mga kalaban ang mga lihim na programang militar, pati na rin ang mga teknolohiyang maaaring gamitin para sa layuning sibilyan at militar.

“Kabilang sa mga target ang mga kakayahang pandagat at panghimpapawid ng militar, pati na rin ang mga makabagong teknolohiyang maaaring gamitin sa larangang komersyal at militar.”

Ayon sa ASIO, napansin nila ang matinding pagpupursigi ng mga dayuhang ahensya, kabilang ang pagsubaybay sa mga tauhang militar ng Australia sa ibang bansa, at ang paglalagay ng mga kagamitang paniniktik sa mga regalo.

“Tulad ng sa mga nagdaang taon, ang mga kawani ng depensa na ipinapadala sa ibang bansa ay isinasailalim sa palihim na pagsisiyasat sa kanilang mga silid, nilalapitan sa mga kumperensya ng mga espiyang nakababalatkayo, at binibigyan ng mga regalong may nakatagong kagamitang paniniktik,” ayon kay Burgess.

Gumamit din ang mga dayuhang ahente ng mga trade mission at pagbisitang pananaliksik bilang panakip sa pagnanakaw.

Ikinuwento ni Burgess kung paano pumitas ng mga sanga ang ilang miyembro ng isang dayuhang delegasyon mula sa isang pasilidad na may restriksiyon para sa pananaliksik sa horticulture.

“Halos tiyak na ang nakuhang materyal mula sa halaman ay ginamit ng mga siyentipiko ng naturang bansa upang magsagawa ng reverse engineering at kopyahin ang dalawang dekadang pananaliksik at pag-unlad ng Australia,” ayon kay Burgess.

Ayon sa ulat ng ASIO at AIC, kabilang sa mga taktika ng dayuhang paniniktik ang pagbili ng lupa malapit sa sensitibong pasilidad militar at ang paglahok sa mga pinagsamang programang pananaliksik. Nagbabala rin ang ulat na lalong sinasamantala ng mga kalaban ang mga lehitimong channel ng pamumuhunan at kolaborasyon upang makakuha ng access sa mga lihim o sensitibong datos na may halagang pangkomersyal.

Pagiging kampante

Sa kabila ng tumitinding banta, ipinahayag ni Burgess ang pagkadismaya sa patuloy na pagiging kampante sa loob ng bansa, at binigyang-diin na “hindi ko na mabilang kung ilang beses minamaliit ng mga matataas na opisyal at ehekutibo ang epekto ng paniniktik sa mga pribadong usapan.”

Ibinahagi niya ang isang insidente kung saan “isang opisyal ng kalakalan ang nagsabi sa ASIO na imposibleng maging interesado ang Chinese intelligence sa mga tauhan at pasilidad ng kanilang organisasyon sa China.”

Pinuna rin ni Burgess ang ilang kawani ng pamahalaan na lantaran ang pagbabahagi ng sensitibong impormasyon sa mga online platform. Tinukoy niya ang halos 2,500 katao na hayagang ipinagmamalaki ang kanilang security clearance, at 1,300 pa na nagsasabing kabilang sila sa komunidad ng pambansang seguridad.

“Bagama’t bumaba na ang bilang mula nang una ko itong ibunyag dalawang taon na ang nakalipas, nakagugulat pa rin ito... sila, sa lahat ng tao, ang inaasahang higit na nakauunawa sa mga banta at panganib.”

Bagama’t karamihan sa mga Australian ay tumatanggi sa mga tangkang paglapit ng mga dayuhan, nagbabala si Burgess na may ilan pa ring naaapektuhan ng kanilang impluwensiya.

"Sa kasamaang-palad, may ilang naaakit at nauuwi sa paggamit sa kanila -- padalus-dalos man o sadya -- sa pangangalap ng impormasyon para sa isang dayuhang bansa.”

Nagustuhan mo ba ang artikulong ito?

Policy Link

Captcha */Patunay na Hindi Robot *