Diplomasya

Solomon Islands pinagbawalan ang US, China at Taiwan sa Pacific Islands Forum

Ang hakbang ay nag-iiwan sa China ng hindi patas na kalamangan laban sa Taiwan sa pulong ng mga lider ng Pacific Islands Forum sa Setyembre.

Ang mga foreign minister mula sa mga bansang kasapi ng Pacific Islands Forum (PIF) ay nagpo-pose noong Agosto 14 sa Suva, Fiji, para sa isang group photo sa kanilang taunang pagpupulong. [Ben Strang/AFP]
Ang mga foreign minister mula sa mga bansang kasapi ng Pacific Islands Forum (PIF) ay nagpo-pose noong Agosto 14 sa Suva, Fiji, para sa isang group photo sa kanilang taunang pagpupulong. [Ben Strang/AFP]

Ayon sa Focus |

Inaprubahan ng mga foreign minister ng Pacific Islands Forum (PIF) noong Agosto 14 sa Suva, Fiji ang kontrobersyal na panukala ng Solomon Islands na pagbawalan ang mga PIF dialogue partner na dumalo sa PIF leaders' summit sa Setyembre.

Dahil sa hakbang na ito, hindi makakadalo ang 21 bansa sa pagtitipon ng Pacific Islands Forum sa Honiara, Solomon Islands mula Setyembre 8 hanggang 12. Kabilang dito ang China, Taiwan, at United States.

Ang PIF ay may 18 miyembro, kabilang na ang Australia, New Zealand, at karamihan sa mga Pacific island na bansa.

Pagkabahala sa rehiyon

Sa mga araw bago ang desisyon ng mga foreign minister, nagpahayag ng "pagkabahala" ang mga pamahalaan sa rehiyon at nagbabala hinggil sa "impluwensiya ng mga dayuhan" sa pagpapasya sa Pacific.

Sina Australian Foreign Minister Penny Wong (ikalawa mula kaliwa) at New Zealand Foreign Minister Winston Peters (ikalawa mula kanan) noong Agosto 14 sa Suva, Fiji, ay nag-uusap sa taunang PIF Foreign Ministers Meeting. [Ben Strang/AFP]
Sina Australian Foreign Minister Penny Wong (ikalawa mula kaliwa) at New Zealand Foreign Minister Winston Peters (ikalawa mula kanan) noong Agosto 14 sa Suva, Fiji, ay nag-uusap sa taunang PIF Foreign Ministers Meeting. [Ben Strang/AFP]
Sa Fiji noong Agosto 14, nagbabala si New Zealand Foreign Minister Winston Peters na maaaring magdulot ng pagkakahati-hati sa nalalapit na pagpupulong ng mga lider sa South Pacific ang impluwensiya ng mga dayuhang bansa. Ipinahayag niya ito habang nagtitipon ang mga pangunahing diplomat upang ihanda ang agenda para sa PIF sa Setyembre. [Ben Strang/AFP]
Sa Fiji noong Agosto 14, nagbabala si New Zealand Foreign Minister Winston Peters na maaaring magdulot ng pagkakahati-hati sa nalalapit na pagpupulong ng mga lider sa South Pacific ang impluwensiya ng mga dayuhang bansa. Ipinahayag niya ito habang nagtitipon ang mga pangunahing diplomat upang ihanda ang agenda para sa PIF sa Setyembre. [Ben Strang/AFP]

Kumilos si Pro-Beijing Prime Minister Jeremiah Manele ng Solomon Islands upang maiwasan ang komprontasyon hinggil sa paglahok ng Taiwan, isang pangunahing isyu ng alitan sa pagitan ng China at iba pang kasaping bansa ng forum, ayon sa ilang opisyal mula sa Pacific at Australia na nakausap ng Australian Broadcasting Corporation noong unang bahagi ng Agosto.

Pinilit ng Beijing ang mga host na bansa na huwag isama ang Taiwan.

Noong unang bahagi ng Agosto, sinabi ni Manele sa parliyamento ang plano na huwag isama ang 21 dialogue partner, dahil sa pangangailangang suriin kung paano nakikipag-ugnayan ang mga kasaping bansa ng PIF sa mga hindi kasapi, ayon sa Reuters.

Tinawag ni Manele ang hakbang na isang pagpapaliban, hindi isang permanenteng pagbabago, aniya'y ipinagpaliban lamang niya ang dialogue sa mga kasosyo hanggang 2026.

Pagkadismaya sa Taiwan

Ang Taiwan ay kinikilala ng tatlong kasapi ng PIF -- ang Palau, Tuvalu, at Marshall Islands -- at nakibahagi na sa PIF sa loob ng maraming dekada.

Sinabi ng Foreign Ministry ng Taiwan noong unang bahagi ng Agosto na nararapat itong tanggapin sa PIF summit ngayong taon, na binigyang-diin na sa pakikipag-ugnayan nito sa rehiyon ay "sinunod nito ang diwa ng 'Pacific Way' na nagpapahalaga sa pagkakaiba-iba at pagiging inklusibo na pinanghahawakan ng lahat ng kasaping bansa ng PIF."

Hindi nagbigay ng pampublikong pahayag ang China, ngunit dati nang nagsampa ng reklamo ang mga diplomat nito na alisin ang anumang pagbanggit sa Taiwan sa mga pahayag ng PIF -- gaya ng nangyari sa pagpupulong noong nakaraang taon sa Tonga.

Ang loophole ay may dulot na pakinabang sa China, nakakasama sa Taiwan

Bagamat ipinagbawal ni Manele ang lahat ng PIF dialogue partner, mas matindi ang magiging epekto nito sa Taiwan.

Ang pagkansela ng mga imbitasyon ay “hindi hadlang sa mga partner na makipag-ugnayan sa bilateral na antas sa pamamagitan ng kani-kanilang embahada,” sinabi ni dating PIF adviser Sione Tekiteki sa Pacific Waves, isang podcast ng Radio New Zealand.

Nakikinabang sa loophole ang China dahil may embahada ito sa Honiara, kaya’t maaari pa ring makipagpulong ang mga opisyal nito sa mga lider ng PIF na magtitipon doon sa Setyembre.

Malamang na hindi makakuha ng visa sa tamang oras ang Taiwan, na nagbibigay sa Beijing ng diplomatikong kalamangan.

“Kahit pa makakita tayo ng dayuhang partner na nagnanais na makipagpulong sa mga bansang Pacific sa Honiara, may isang malinaw na hindi makakadalo -- ang Taiwan,” ayon kay Anna Powles, associate professor ng security studies sa Massey University sa Wellington, New Zealand, sa panayam ng Pacific Waves.

Reaksyon ng mga bansa

Nagpahayag ng kani-kanilang panig ang iba’t ibang bansang matagal nang kasangkot o may kaugnayan sa PIF hinggil sa usaping ito.

Ipinahayag ng Estados Unidos ang pagkadismaya. Sinusuportahan nito “ang patuloy na pagdalo ng lahat ng PIF partners, kabilang ang Taiwan, sa taunang PIF Leaders Meeting, alinsunod sa napagkasunduan ng mga lider ng PIF noong 1992,” ayon sa isang hindi pinangalanang tagapagsalita ng State Department sa panayam ng Reuters.

“Mga tagalabas na ang nagsasabi ngayon sa amin kung sino ang maaari naming maging panauhin. Hindi iyan ang 'Pacific way,'” ayon kay New Zealand Foreign Minister Winston Peters noong Agosto 14 sa Suva.

Kabilang sa mga kritiko sina Fijian Prime Minister Sitiveni Rabuka at Papua New Guinean Prime Minister James Marape, na binigyang-diin ang pinsala sa pagkakaisa ng rehiyon, at kooperasyon sa Pacific, ayon sa pagkakabanggit.

May ilang lider na kumampi sa panig ni Manele, kabilang na ang mga mula Palau at Samoa.

Mga epekto sa isang pinagtatalunang rehiyon

Ang estratehikong tunggalian sa pagitan ng China at United States ay umiinit sa Pacific, kaya’t maaaring magdulot ng pangmatagalang epekto ang panukala ng Honiara.

Mula nang lumipat ng ugnayan mula Taipei patungong Beijing noong 2019, mas pinatibay ng Solomon Islands ang kanilang ugnayang pangseguridad at pang-ekonomiya sa China.

Ang pagbawal sa 21 dialogue partner na dumalo sa PIF leaders' meeting sa Setyembre ay magiging isang “napakalaking pagkakataong pinalampas” upang makaharap ang mga pandaigdigang donor, ayon kay Peter Kenilorea Jr., miyembro ng oposisyon sa Solomon Islands, sa panayam ng Reuters noong unang bahagi ng Agosto.

Kung wala ang Taiwan sa pagpupulong, maaaring lalong pumabor sa Beijing ang balanse ng pakikipag-ugnayan sa Pacific, ayon kay dating PIF adviser Tekiteki.

Nagustuhan mo ba ang artikulong ito?

Policy Link

Captcha */Patunay na Hindi Robot *