Libangan

Bollywood film tungkol sa 2020 Galwan Clash: Binatikos ng Tsina, India tumutol

Tinanggihan ng New Delhi ang mga paratang ng Chinese state media na binaluktot ng ‘Battle of Galwan’ ang pinakamatinding labanan sa Sino-Indian border sa loob ng maraming dekada.

Isang poster para sa pelikulang Bollywood na ‘Battle of Galwan,’ na batay sa 2020 na labanan sa pagitan ng mga sundalong Indian at Chinese sa pinagtatalunang Line of Actual Control. ['Battle of Galwan']
Isang poster para sa pelikulang Bollywood na ‘Battle of Galwan,’ na batay sa 2020 na labanan sa pagitan ng mga sundalong Indian at Chinese sa pinagtatalunang Line of Actual Control. ['Battle of Galwan']

Ayon kay Zarak Khan |

Tinanggihan ng India ang mga pagtutol ng Tsina sa nalalapit na pelikulang Bollywood na nagpapakita ng marahas na labanan sa Galwan Valley noong 2020. Iginiit ng New Delhi na walang kapangyarihan ang Beijing na kontrolin ang malikhaing pagpapahayag o diktahan kung paano ilarawan ang pinakamatinding tunggalian ng militar sa pagitan ng dalawang bansa sa loob ng maraming dekada.

Sumunod ang diplomatikong alitan matapos lumabas ang trailer ng “Battle of Galwan” noong Disyembre 27. Tampok si Salman Khan, ang pelikula ay hango sa librong “India's Most Fearless 3.” Nakatuon ito sa mga ginawa ni Col. Bikkumalla Santosh Babu, ang Indian commanding officer na pinarangalan ng Maha Vir Chakra matapos masawi sa sagupaan.

Nakatakdang ipalabas ang pelikula sa buong mundo sa Abril 17.

Ito ay "nagpapasiklab ng negatibong damdamin” at “hindi tugma sa mga katotohanan,” ayon sa state-owned Chinese news site na Global Times noong Disyembre 30.

Isang eksena mula sa pelikulang ‘Battle of Galwan,’ na nagpapakita ng labanan sa Galwan Valley noong 2020--ang pinakamatinding banggaan sa Sino-Indian border sa loob ng maraming dekada. ['Battle of Galwan']
Isang eksena mula sa pelikulang ‘Battle of Galwan,’ na nagpapakita ng labanan sa Galwan Valley noong 2020--ang pinakamatinding banggaan sa Sino-Indian border sa loob ng maraming dekada. ['Battle of Galwan']

Inakusahan ng news site ang pelikula na itinataguyod ang "baluktot" at panig lamang na salaysay ng India tungkol sa labanan noong Hunyo 2020 sa Line of Actual Control (LAC), ang de facto na hangganan na naghihiwalay sa dalawang magkaribal.

Ipinapakita ng pambabatikos ang hindi pagtanggap ng Beijing sa mga salaysay na sumasalungat sa kanilang bersyon ng mga pangyayari, ayon sa mga opisyal at analyst ng India.

Mga labanan sa border ng 2020

Ang labanan ay naganap sa Galwan Valley, isang liblib na lugar sa rehiyon ng Ladakh sa India sa kahabaan ng LAC noong Hunyo 2020, nang magharap sa marahas na labanan ang mga sundalong Indian at Chinese.

Kinumpirma ng India ang pagkamatay ng 20 sundalo, samantalang apat lamang ang kinilala ng Tsina na nasawi mula sa pwersa ng People's Liberation Army.

Ito ang pinakamatinding sagupaan sa hangganan ng dalawang bansa mula noong 1975. Pagkatapos nito, pinalakas ng magkabilang panig ang kanilang mga posisyon at pumasok sa ilang buwang negosasyon sa militar at ugnayang panlabas na nakatuon sa pag-alis ng tensyon at pagbawas ng labanan. Bagaman may ilang pag-unlad, nananatiling tensyonado ang relasyon, mababa ang tiwala, at may ilang punto ng alitan sa border na hindi pa naaayos.

Sa pagtutok sa pamumuno at huling sandali ni Babu, lumilipat ang kwento mula sa pangkalahatang ulat ng labanan sa border patungo sa isang personal na kwento. Dinadagdagan ng cinematic na angulo ang labanan.

Makaraang masawi sa sagupaan, iginawad kay Babu ang Maha Vir Chakra, pangalawang pinakamataas na parangal militar ng India, bilang pagkilala sa kanyang mga ginawa noong panahon ng labanan.

India tumutol sa mga pambabatikos ng Tsina

Tinanggihan ng mga Indian filmmakers at personalidad sa industriya ang pambabatikos ng Tsina.

Inilarawan ito ng aktor at producer na si Rahul Mitra bilang hindi nakakagulat at sinabi sa NDTV: “Ang mga pelikula ay ginagawa base sa maayos na pananaliksik dahil iyon ang pundasyon ng anumang mahusay na kwento.”

Hindi tulad ng Tsina, na mahigpit na nagbabantay sa industriya ng pelikula, hindi nakikialam ang pamahalaan ng India sa paggawa ng pelikula ng Bollywood, sa mga kwento o petsa ng pagpapalabas nito, at ang Bollywood ay pangunahing gumagana batay sa libangan at pangkomersyal na layunin, ayon kay Sumit Ahlawat, analyst mula sa New Delhi, sa kanyang isinulat sa Eurasian Times.

Hindi lang sa India umiiral ang mga pelikulang labis na makabansa, sabi niya, binanggit rin ang katulad na uso sa Hollywood at sa industriya ng pelikula sa Tsina.

Mas tuwiran naman ang pananaw ng mga lider ng mga Indian film union.

“Kung magpasya ang filmmaker o production house na ipakita ang sagupaan ng India at Tsina, walang mali rito,” sabi ni Ashoke Pandit, punong tagapayo ng Federation of Western India Cine Employees, isang samahan ng mga manggagawa sa industriya ng pelikula sa Mumbai.

Ang alitan sa Sino-Indian border, kung saan parehong inaangkin ng dalawang bansa ang ilang teritoryo, ay nagsimula pa noong dekada 1950.

Muling tinalakay ng Indian cinema ang mga sensitibong yugto ng tunggalian sa pamamagitan ng mga pelikulang tulad ng “Haqeeqat” at “121,” na nagpapakita ng 1962 Sino-Indian War sa Ladakh.

“Ang India ay isang bansa na may kalayaan sa pagpapahayag,” ayon sa mga opisyal ng pamahalaan sa NDTV. “Hindi nakikialam ang pamahalaan sa paggawa ng pelikulang ito.”

Nagustuhan mo ba ang artikulong ito?

Policy Link