Ayon kay Zarak Khan |
Humaharap sa tumitinding political pressure ang pamahalaan ng India dahil sa panukalang luwagan ang mga restriksiyon sa pamumuhunan ng Tsina, isang hakbang na ayon sa mga kritiko, ay nanganganib magpahina sa seguridad ng New Delhi sa kabila ng hindi pa nalulutas na tensiyon sa Beijing hinggil sa kanilang pinagtatalunang border.
Itinutulak ng Finance Ministry ang mga iminungkahing pagbabago na magluluwag sa limang taon nang mga restriksiyon sa paglahok ng mga kumpanyang Chinese sa pagbi-bid para sa mga kontrata ng pamahalaan ng India, ayon sa ulat ng Reuters noong Enero 8.
Ang hakbang na ito ay maaaring muling magbukas ng access sa mga estratehikong sensitibong sektor, kabilang ang imprastraktura, kagamitan sa kuryente, at pagmamanupaktura ng elektronikong kagamitan.
Mga restriksiyong ipinatupad mula pa noong 2020
Ipinatupad ng India ang mga restriksiyong ito laban sa Tsina matapos ang Galwan clash noong 2020 sa silangang Ladakh, ang pinakamadugong sagupaan sa pagitan ng dalawang bansa mula pa noong 1975. Ang insidenteng ito, na ikinamatay ng hindi bababa sa 20 sundalong Indian, ay nagmarka ng matindi at pangmatagalang pagkasira ng ugnayan ng India at Tsina.
![Inanyayahan ng mga lider ng namumunong partidong Bharatiya Janata Party ng India ang isang delegasyon ng Chinese Communist Party sa New Delhi noong Enero 13, ilang araw matapos lumabas ang mga ulat tungkol sa mga plano nitong luwagan ang mga restriksiyon sa pamumuhunan ng Tsina. [Dr. Vijay Chauthaiwale/X]](/gc9/images/2026/01/22/53596-photo_2-370_237.webp)
Bilang resulta ng sagupaang ito, mas mahigpit nang sinusuri ng India ang mga kumpanya mula sa mga bansang kabahagi nito sa mga border. Kinakailangan nilang makakuha ng pahintulot sa politika at seguridad bago makapag-bid sa mga kontrata ng pamahalaan. Epektibong ipinagbawal ng mga hakbang na ito ang mga kumpanyang Chinese na makakuha ng mga kontrata sa pamahalaan, na tinatayang nagkakahalaga ng $700–$750 bilyon kada taon, ayon sa Reuters.
Noong 2020, isang joint venture ng Tsina ang nawalan ng pagkakataon na gumawa ng 44 semi-high-speed train sets nang kanselahin ng Indian Railways Ministry ang bid para sa proyekto. Napunta ang kontrata sa isang kumpanyang Indian noong Enero 2021, matapos baguhin ng ministry ang proseso ng pag-bid sa proyekto upang paboran ang mga lokal na bidder.
Galit dahil sa pakikipagpulong sa CCP
Lalo pang tumindi ang kontrobersiya dahil sa muling pakikipaglapit ng India sa Tsina, matapos tanggapin ng mga lider ng namumunong partidong Bharatiya Janata Party (BJP) at ng grupong ipinagmulan ng ideolohiya na Rashtriya Swayamsevak Sangh (RSS), ang isang mataas na delegasyon ng Chinese Communist Party (CCP) noong Enero 13, ilang araw lamang matapos lumabas ang mga ulat tungkol sa iminungkahing pagbabago sa patakaran.
Ayon sa tweet ni Dr. Vijay Chauthaiwale, isang lider ng BJP na namamahala sa departamento ng ugnayang panlabas ng partido, pinag-usapan nang matagal ng mga nagpulong "ang mga paraan na pagpapaunlad ng komunikasyon" sa pagitan ng dalawang namumunong partido.
Gamit ang nasamsam na pinakabagong datos sa kalakalan, inakusahan ng pangunahing oposisyon sa India ang pamahalaan na "maingat at planadong pagsuko o pagpayag" sa Tsina.
"Kaaanunsyo lang ng Tsina na nagkaroon ito ng pinakamalaking trade surplus na $1.2 trilyon noong 2025. Ibig sabihin, humigit-kumulang 10% ng kabuuan nito ay mula lamang sa kalakalan nito sa India," ayon sa tweet ni Jairam Ramesh, isang mataas na lider ng Indian National Congress, noong Enero 14
Binanggit ni Ramesh ang pagpupulong noong Enero 13 sa pagitan ng mga delegasyon ng BJP–RSS at CCP bilang bahagi ng umano’y pagsuko sa mga interes pang-ekonomiya ng Tsina
Hindi pa nalulutas na tensiyon
Ang panibagong pagsisikap ng pakikipag-ugnayan ng New Delhi sa CCP ay nagaganap kahit patuloy ang tensiyon sa border.
Hindi pa rin nalulutas ang mga tensiyon sa Himalayan frontier. Patuloy ang dalawang bansa sa pagpapaunlad ng mahahalagang imprastraktura at pagpapalakas ng kanilang mga puwersang nakapuwesto malapit sa border.
Nag-iwan ng malalim na epekto sa politika at nasyonalismo ng India ang mga sagupaan noong 2020, ayon kay Amar Jaipal, isang security analyst na nakabase sa New Delhi.
“Ang mga restriksiyon sa kalakalan ng Tsina pagkatapos ng sagupaan noong 2020 ay hindi lang mga pormalidad ng gobyerno. Isa itong pampulitika at estratehikong mensahe bilang tugon sa agresyon ng Tsina sa aming mga border na ikinamatay ng aming mga sundalo,” sabi ni Jaipal sa Focus.
Kamakailan, hindi tinanggap ng New Delhi ang pagtutol ng Beijing sa nalalapit na pelikulang Bollywood na, "Battle of Galwan," na naglalarawan ng sagupaan noong 2020. Ang kontrobersiya sa pelikula ay nagpapakita kung gaano pa rin kasensitibo ang insidenteng iyon sa politika ng India.
Ang pagluwag sa mga restriksiyon ay maaaring makasama sa lokal na pagmamanupaktura at lalo pang palalimin ang pagdepende ng India sa ekonomiya ng Tsina, ayon sa mga grupo sa industriya.
Ang pagbibigay ng mas malawak na access sa mga kumpanyang Chinese ay maaaring "makapinsala sa lokal na pagmamanupaktura, magdulot ng problema sa bangko, at magresulta sa malawakang pagkawala ng trabaho," ayon sa sulat ng Seamless Tube Manufacturers' Association of India sa Ministry of Steel ng bansa, na iniulat ng Rediff noong Enero 15.
Kung wala nang restriksiyon, maaaring dagsain ng mga kumpanyang Chinese ang merkado ng India ng murang steel tubes at pipes, at mapipilitang magsara ang mga kumpanyang Indian, ayon sa asosasyon.
“Hindi pa natutunan ng India kung paano maipapasok ang sariling produktong pang-industriya sa merkado ng Tsina nang malakihan,” isinulat ni Tushar Joshi, visiting fellow ng Observer Research Foundation, noong Disyembre.
![Nagmartsa ang mga tauhan ng hukbong sandatahan ng India sa Jaipur para sa Army Day parade noong Enero 16. Matapos ang nakamamatay na pakikipagsagupaan sa border laban sa Tsina noong 2020, nagpatupad ang New Delhi ng mga restriksiyon sa pamumuhunan ng Tsina sa India. [Indian army/X]](/gc9/images/2026/01/22/53597-photo_1-370_237.webp)