Ayon kay Jia Feimao |
Habang nagiging lalong mahalaga ang papel ng mga drone sa makabagong pakikidigma, itinuturing ng Taiwan ang ‘asimetrikong pakikidigma’ bilang pangunahing batayan ng kanilang estratehiya sa pagpapalakas ng puwersa. Ngunit ang China, sa kabilang panig ng makitid na lagusan, ay nagtataglay ng mas maraming asimetrikong sandata.
Bilang tugon sa potensyal na bantang ito, plano ng Ministry of National Defense ng Taiwan na bumili ng mga 50,000 military drone pagsapit ng 2027, habang ang aerospace task force ng Executive Yuan ay bibili ng higit sa 50,000 na karagdagang drone, na ang pangunahing layunin ay kontrahin ang mga paglusob ng People's Liberation Army (PLA)..
Kasama sa mga darating na unmanned vehicle ang mga attack drone at suicide drone, na gagamitin upang tutukan ang mga sasakyan ng PLA na gagamitin sa mga paglusob, sabi ni Lin Ying-yu, assistant professor sa Graduate Institute of International Affairs and Strategic Studies ng Tamkang University, sa Focus.
Isang 'dagat ng mga drone'
Gayunpaman, nananatiling maliit ang pulutong ng mga drone ng Taiwan kumpara sa malawak na industriya ng drone ng Chinaat sa kanilang mahuhusay at sanay na puwersa.
![Nagpakuha ng larawan ang mga Chinese technician sa tabi ng mga combat drone na Cai Hong-4 (CH-4) na inilantad sa Beijing noong Hunyo 15, 2017. Ang Unmanned Aerial Vehicle (UAV) na kayang lumipad nang matagal sa katamtamang taas ay bahagi ng dumaraming mga sandatang drone ng China, na ayon sa mga defense analyst ng Taiwan ay nagdudulot ng lalong kumplikadong hamon sa seguridad. [Chen Boyuan/Imaginechina via AFP]](/gc9/images/2025/08/25/51662-afp__20170621__pbu640825_05__v1__highres__cascch4unmannedcombataerialvehiclesshowoff-370_237.webp)
Malamang, gagamit ang Beijing ng isang ‘dagat ng mga drone’ sa kanilang unang pagsalakay sa Taiwan upang paralisahin ang depensang panghimpapawid ng Taiwan at ubusin ang limitadong mga balang nakalaan para rito, sabi ng mga analyst.
Ang mga drone ng PLA ay hindi lamang maaaring magsagawa ng mga misyon ng pagmamanman at pagsalakay. Maaari rin itong gamitin upang mapilitan ang Taiwan na ilunsad ang kanilang mga limitadong air defense missile, sabi ni Shu Hsiao-huang, associate research fellow ng Institute for National Defense and Security Research, sa Focus.
Sa kasalukuyan, ang mga lokal na Tien Kung (Sky Bow) missile, at ang mga Patriot PAC-3 missile na gawa sa US ang pangunahing ginagamit ng Taiwan upang harangin ang mga sasakyang panghimpapawid ng kalaban. Subali’t napakamahal ng mga interceptor missile na ito, kumpara sa mga drone na ginagamit ng China: tinatayang nagkakahalaga ng mga $1.5 milyon ang isang Sky Bow missile, habang mga $3.7 milyon naman ang Patriot PAC-3.
Bagama’t kinakailangan ang mga ganito kamahal na missile laban sa malalaking drone, hindi kapaki-pakinabang ang paggamit nito laban sa maliliit at hindi mamahaling mga drone, ayon kay Shu.
Inihalintulad ni Shu ito sa pagbabaril sa mga ibon, gamit ang mabibigat na armas.
“Nagpapalipad ang China ng napakaraming patapon na drone,” isinulat ni Gaurav Sen, senior research fellow sa Jawaharlal Nehru University, sa Strategist noong Hulyo.
Sabi pa niya, ang isang pulutong ng mga drone na nagkakahalaga lamang ng ilang milyong dolyar ay madaling makapapasok at mapaparalisa nito ang depensa sa himpapawid ng Taiwan.
“Ang ganitong pagkakaiba na maaaring samantalahin ay magiging mapanganib para sa Taiwan," ayon sa kanya.
Madaling malupig ang depensang panghimpapawid
Ipinakita ng mga kamakailang tunggalian sa pagitan ng Israel-Iran at India-Pakistan na may hangganan ang kakayahan ng tradisyonal na depensa sa himpapawid laban sa mababang-lipad at maramihang pag-atake ng drone, na madaling nalulunod sa dami ng murang target, ayon kay Sen.
Sinang-ayunan ni Shu ang pananaw na ito. "Para sa Taiwan, ang pinakamatinding banta rito ay ang mga maliliit na drone na mababa ang lipad at mabagal ang andar." Ayon sa kanya, madaling mapagkamalang mga ibon ang mga ito at hindi matitiktikan ng radar.
Dahil sa kakulangan ng epektibong sistemang pangdepensa, ang militar ng Taiwan ay kadalasang umaasa pa rin sa visual na pagkakakilanlan at manu-manong pakikipagbarilan, sabi niya.
Noong 2022, nang paulit-ulit na lumipad ang mga commercial drone ng China sa mga military outpost sa Kinmen, "paghahagis ng bato" lamang ang nagawa ng mga Taiwanese na sundalo upang itaboy ang mga ito. Kumalat ang tagpong ito online, na nakababa sa morale ng mga Taiwanese.
Bagama’t ang mga radar system na AN/TPS-77 at AN/TPS-78 na ibinenta ng United States sa Taiwan ay sinasabing kayang matiktikan ang mga ganitong target, ang kanilang kapasidad sa mabilis na pagpapadala ng detection data sa mga sistema ng depensang panghimpapawid ay nananatiling hindi pa kumpirmado.
Marami pang pagsasanay ang kailangan
Matinding panganib sa seguridad sa Taiwan ang posibleng dalhin ng mga pulutong ng drone ng PLA, ngunit sa mga nakaraangpagsasanay-militar ng Han Kuang na isinagawa ng Taiwan, hindi pa nasaksihan ang paggamit ng "Red Army team (na gumaganap bilang puwersang PLA)" ng mga drone bilang mga simulasyon ng banta, ayon kay Shu.
Kahit ang edisyon ng Han Kuang ngayong taon, na itinuturing na pinakamalaki sa lahat, ay hindi isinama ang "drone countermeasures" bilang hiwalay na tema para sa sistematikong pagsasanay at beripikasyon.
“Sa susunod na digmaan, ang unang maaaring makasagupa namin ay hindi isang nakasuot ng uniporme o nagwawagayway ng watawat sa pagsalakay, kundi isang drone na maaaring 'bilhin ng sinuman.’ Ito ang sinabi ni Chang Hou-kuang ng Aerospace Industrial Development Corporation, ang Taiwan defense contractor, sa isang liham sa Storm Media noong huling bahagi ng Hulyo.
Panahong kinakailangan sa pagsasaayos
Ayon kay Chang, kung hindi isasama sa mga pagsasanay militar ng Taiwan ang mga paglusob ng mga maliliit na sasakyang panghimpapawid ng kalaban na "mababa ang lipad at mabagal ang andar, " ang panlilinlang gamit ang Global Positioning System, at ang panghihimasok sa paghahatid ng mga imahe, magiging mahirap tiyakin kung handa na nga ang mga hukbo.
Sa antas ng estratehiya, kailangang baguhin ng Taiwan ang taktika nito sa depensang panghimpapawid at "muling isaayos ang mga sistema upang bigyang-priyoridad ang mga epektibo at sulit na paghaharang." Kabilang rito ang paggamit ng mga rapid-fire gun system gaya ng Phalanx CIWS, mga sandatang laser, jamming equipment at mga interceptor drone, habang pinaghiwa-hiwalay ang mga radar at missile positions upang maging mas epektibo ang sistema, iminungkahi ni Sen, na siya ring may-akda ng Peril of the Pacific: Military Balance and Battle for Taiwan.
“Walang duda, layunin ng China na bulagin at paralisahin ang Taiwan sa unang pagsalakay,” dagdag pa niya.
Ayon kay Sen, upang makaligtas sa mga unang pagsalakay, kailangang panatilihin ng Taiwan na gumagana ang mga sensor at sistema ng komunikasyon nito. Maaaring protektahan ang mga ito sa pamamagitan ng paggamit ng pinatibay na mobile radar, pagkakaroon ng backup na network ng komunikasyon, at pagtatalaga ng mga command center sa iba't ibang lokasyon. Bukod dito, kailangan ng Taiwan na palakasin ang kanilang mga early warning system, logistics, at ang pakikipagtulungan sa kanilang mga kaalyado upang matagumpay na lumaban.