Ayon kay Wu Qiaoxi |
Isang mahalagang sektor ng industriya sa China ang nahaharap sa matinding kompetisyon mula sa mga karatig-bansa sa Asia.
Sa nakalipas na walong taon, pinangunahan ng China ang pandaigdigang industriya ng paggawa ng barko, na ngayon ay nahaharap sa mga hamong hindi pa kailanman naranasan.
Humahabol na ang South Korea at Japan, at binabago ang takbo ng industriya sa pamamagitan ng pagtutok sa pambansang seguridad.
Iniulat ng Clarksons Research na mula Enero hanggang Hulyo, umabot sa 23.26 milyong compensated gross tons (CGTs) o katumbas ng 788 barko ang kabuuang bagong order ng mga barko sa buong mundo. Nakatanggap ang mga shipyard ng China ng 13.03 milyong CGTs (463 barko), o 56% share -- bumaba ng 59% kumpara sa nakaraang taon, ngunit nananatiling nangunguna sa buong mundo.
![Ipinapakita sa larawan noong Hunyo 2020 ang Hyundai Mipo Dockyard sa Ulsan, South Korea. Ang parent company nitong HD Hyundai ay namumuhunan sa makabagong teknolohiya ng paggawa ng barko at naglunsad ng pinagsamang pondo kasama ang mga kasosyo mula sa US upang palakasin ang kakayahang pandagat ng mga kaalyado. [Seung-il Ryu/NurPhoto via AFP]](/gc9/images/2025/09/10/51906-afp__20200610__ryu-hyundaih200610_np9qn__v1__highres__southkoreaeconomy-370_237.webp)
![Ipinapakita sa larawan ang US Navy expeditionary mobile base na USS Miguel Keith sa Mitsubishi Heavy Industries sa Yokohama, Japan, matapos ang limang buwang pagkukumpuni na natapos noong Abril 15. Itinuturing ang proyektong ito bilang isang mahalagang hakbang sa pagpapalawak ng pinagsamang kakayahan sa pagkukumpuni kasama ang mga kaalyadong bansa. [Randall Baucom/US Navy]](/gc9/images/2025/09/10/51907-jp_ship_repair-370_237.webp)
Sinundan ng South Korea na may 5.24 milyong CGTs (123 barko), o 23% share, at bumaba ng 37% kumpara sa nakaraang taon.
Ayon sa mga analyst, ang matinding pagbagsak ng mga order sa China ay sanhi ng iba't ibang patakaran ng US at ng paglipat ng merkado patungo sa ‘de-China’.
Ang pagbagsak na iyon “ay pangunahing iniuugnay sa mga pangamba ng mga may-ari ng barko sa buong mundo dahil sa mga hakbang ng US na nakatuon sa industriya ng paggawa ng barko ng China at sa kanilang mga kasunod na pagsisikap na makibagay,” ani Han Ning, general manager ng sangay sa Singapore ng ship bidding platform na SHIPBID, sa panayam ng South China Morning Post noong Hulyo.
“Simula Oktubre 14, sisimulang maningil ang United States ng bayad sa mga barkong pag-aari, pinapatakbo, o ginawa ng China na dumarating sa mga pantalan ng US,” iniulat ng Steptoe.com noong Hulyo.
Iniulat din ng Wall Street Journal noong Hulyo na ang Washington "ay nagmumungkahi ng taripa na hanggang 100% sa mga crane at iba pang kagamitang pangkargamento na gawa sa China."
Umaarangkada ang South Korea
Samantala, pinabibilis ng South Korea ang pakikipagtulungan sa ibang bansa at nangakong maglalaan ng $150 bilyon upang tulungan ang US sa pagpapalakas ng industriya ng paggawa ng barko nito.
Nakikipagkompetensiya ito para sa mga kontrata sa maintenance, repair, at overhaul (MRO) ng mga barko ng US Navy. Noong Agosto, napanalunan ng HD Hyundai Heavy Industries (Hyundai) ang isang kontrata sa MRO para sa USNS Alan Shepard, habang nakakuha naman ng mga kontrata ang Hanwha Ocean para sa USNS Wally Schirra, USNS Yukon, at USNS Charles Drew.
Bukod pa rito, inanunsyo ng Hanwha noong huling bahagi ng Agosto na mamumuhunan ito ng $5 bilyon sa shipyard nito sa US, na layong palawakin ang produksyon hanggang 20 barko kada taon, ayon sa ulat ng Reuters.
Nakipagtulungan ang Hyundai sa Palantir, isang US-based na kompanya sa larangan ng artificial intelligence at defense, upang bumuo ng "Future of Shipyard" — isang proyekto na pinagsasama ang robotics at artificial intelligence. Inaasahang tataas ng higit sa 30% ang produktibidad, ayon sa ulat ng Chosun Ilbo noong Agosto.
Nakipagsanib-puwersa ang Hyundai sa Korea Development Bank at sa US investment firm na Cerberus upang lumikha ng multibillion-dollar na pondo para sa maritime logistics, makabagong teknolohiyang pandagat, at pagpapalakas ng kapasidad sa paggawa ng barko ng mga kaalyado.
Noong Hulyo, lumagda ang Hyundai at Cochin Shipyard Limited na pag-aari ng bansang India, ng memorandum of understanding at nakapagtatag na rin ito ng isang pinagsanib na shipyard sa Saudi Arabia.
Samantala, nakipagkasundo ang Samsung noong Agosto sa US-based na Vigor Marine Group upang makipagtulungan sa pagkukumpuni ng mga barko ng US Navy, modernisasyon ng mga shipyard, at magkasanib na pagbuo ng mga barko.
Umaangat ang Japan
Humahabol din ang Japan, na lumagda noong Agosto sa isang kontrata ng warship sa Australia na nagkakahalaga ng $6.5 bilyon. Simula 2029, gagawa ang Mitsubishi Heavy Industries ng tatlong upgraded na Mogami-class frigates para sa Australian navy, at walong karagdagang barko ang bubuuin sa Australia.
Sinabi ni Euan Graham, isang analyst sa estratehiyang pangdepensa ng Australia, sa Reuters noong Agosto na ang planong pakikipagtulungan ay “magpapahirap sa China na pag-awayin ang Japan at Australia, at nagpapadala ng malinaw na mensahe sa Beijing na handa ang dalawang bansa na gawing totoo ang kanilang quasi-alliance.”
Bumaba ang share ng Japan sa industriya ng paggawa ng barko mula halos 50% noong dekada 1990 hanggang nasa 10% na lamang ngayon.
Bilang tugon, isinusulong ng pamahalaan ng Japan at ng namumunong Liberal Democratic Party (LDP) ang pagtatayo ng isang "pambansang shipyard," kung saan ang bansa ang magtatayo o bibili ng mga pasilidad at pagkatapos ay ipapasa ito sa mga pribadong kompanya.
Noong Hunyo, inanunsyo ng Imabari Shipbuilding ang pagkamit nila ng 60% na stake sa Japan Marine United Corporation, na nagresulta sa pagkakabuo ng ika-apat na pinakamalaking tagagawa ng barko sa buong mundo.
“Para maging isang price leader na may kapangyarihang kontrolin ang pagpepresyo, kailangan nating makamit ang hindi bababa sa 20% na share sa pandaigdigang merkado pagsapit ng 2030,” ani Yukito Higaki, presidente ng Imabari Shipbuilding at chairman ng Shipbuilders' Association of Japan.
Itinuturing ng pamahalaan ng Japan na isang estratehikong industriya ang paggawa ng barko at balak nitong tapusin ang plano ng patakaran ngayong Fall. Magtatayo ito ng isang public-private fund na nagkakahalaga ng 1 trilyong yen (mga $6.7 bilyon) upang suportahan ang mga lokal na shipyard at gawing makabago ang mga pasilidad.
“Kung mawawala ang industriya ng paggawa ng barko, malalagay sa panganib ang maritime logistics, ekonomiya, at pambansang seguridad ng Japan,” ayon sa economic security task force ng LDP noong Hunyo, batay sa ulat ng Chosun Ilbo.