Ayon kay Zarak Khan |
Ang pagbibitiw ni K.P. Sharma Oli bilang Prime Minister ng Nepal, matapos ang ilang araw ng mga nakamamatay na kaguluhan, ay muling nagpasiklab ng debate ukol sa patakarang panlabas ng bansa at ang lumalagong impluwensya ng China sa bansang Himalaya.
Ang mga protestang sumiklab noong Setyembre 8 laban sa korupsiyon, paglala ng kalagayan ng ekonomiya, at isang lubhang binatikos na social media ban ay nagdulot ng pagkamatay ng mahigit 70 katao at pagkasugat ng daan-daang iba pa.
Nauwi ang kaguluhan sa pagbibitiw ni Oli noong Setyembre 9, pagbuwag ng parliyamento, at pagtatalaga kay dating punong mahistrado Sushila Karki bilang interim prime minister na siyang mamumuno sa isang pansamantalang pamahalaan hanggang sa halalan sa Marso.
Nahaharap ngayon ang pamunuan ng Nepal sa mas malalim na hamon: kung ipagpapatuloy ba ang pagkiling sa Beijing o babalansehin ang patakarang panlabas, ayon sa mga analyst.
![Ang bagong itinalagang interim prime minister ng Nepal, si Sushila Karki, ay bumisita sa isang ospital noong Setyembre 13. [Sanjit Pariyar/NurPhoto via AFP]](/gc9/images/2025/09/15/51966-afp__20250913__pariyar-notitle250913_npvkc__v1__highres__nepalsnewlyappointedinterim__1_-370_237.webp)
![Nakikipagkamay ang noon ay Prime Minister ng Nepal na si K.P. Sharma Oli kay Chinese President Xi Jinping sa Tianjin, China, noong Agosto 30. Si Oli ay nasa China noon para dumalo sa Shanghai Cooperation Organization (SCO) summit at sa mga kaganapang naggugunita sa ika-80 na anibersaryo ng pagwawakas ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. [Nepali Foreign Ministry/X]](/gc9/images/2025/09/15/51967-gzmqwm4wiaamkiz-370_237.webp)
Ang pakinabang ng ikalawang pagpipilian, kung susundin ito ng Nepal, ay ang pagprotekta sa pambansang soberanya at pag-iwas sa panganib ng pagkakautang, ayon sa maraming opinyon.
Pagkiling ni Oli sa Beijing at pambansang pagtutol
Ang Nepal ay nasa isang estratehikong sensitibong posisyon bilang buffer state sa pagitan ng China at India, at tradisyunal na hinahangad nitong balansehin ang ugnayan sa mga higanteng kapitbahay nito.
Ngunit tinalikuran ni Oli ang nakagawiang pamantayan
Pinili niyang bisitahin ang China, sa halip na India, para sa kanyang unang pagbisita sa ibang bansa matapos ang ikaapat na panunumpa noong Hulyo. Sa kasaysayan, mas pinaprioridad ng mga lider ng Nepal ang pagbisita sa India.
Noong Disyembre, pumirma ang mga opisyal na Nepali at Chinese ng isang binagong Belt and Road Initiative (BRI) Framework Agreement, na muling nagbibigay-buhay sa 10 na connectivity project, kabilang ang mga rail, road at energy link. Nakakuha si Oli ng $41 million na tulong pinansyal mula sa China.
Nagbunga ng alitan ang patakarang panlabas ni Oli sa ilang sektor ng lipunang Nepali, sa mga karatig-bansa sa rehiyon, at sa mga katuwang sa Kanluran na itinuturing siyang isinusuko ang pambansang interes sa mga estratehikong ambisyon ng Beijing, sabi ng mga kritiko.
Ang Kathmandu Post, sa isang editoryal noong Setyembre 7, isang araw bago magsimula ang mga protesta, ay nagsabi na "inilayo ang India," mga katuwang sa Kanluran at Japan sa pamamagitan ng pakikihanay ng Nepal sa China – isang pagbabago na ayon sa pahayagan ay maaaring makapagdala ng mga “pangmatagalang implikasyon para sa mga patakarang panlabas ng Nepal."
Dumalo si Oli sa Shanghai Cooperation Organisation (SCO) summit sa Tianjin, China, at sa Victory Day parade noong Setyembre 3 sa Beijing.
Ang parada ay pagpapakita ng kapangyarihang militar ng China kasama ang mga estratehikong kaalyado nito tulad ng Russia at North Korea.
Ang pagdalo ni Oli sa parada sa China ay “nagpakita na ang Nepal ay anti-West, anti-US at anti-Japan, kung saan magiging mahirap para sa Nepal ang mailigtas ang sarili," sinabi ng The Kathmandu Post.
Hinahamon ang India, kinukunsinti ang China
Sa mga diskusyon kay Chinese President Xi Jinping sa sidelines ng SCO, nagpahayag si Oli ng mas mapangahas na postura sa India, na muling iginiit ang pag-angkin ng Nepal sa Lipulekh Pass, isang mahalagang rutang pangkalakalan na dumaraan sa estado ng Uttarakhand, India.
Inilarawan ni Oli ito bilang "teritoryong pag-aari ng Nepal," ayon sa pahayag ng Foreign Ministry ng Nepal.
Noong 2020, isinawalang-bahala ng pamahalaan – na nasa pamumuno ni Oli noon – ang mga ulat, kabilang ang isang nabunyag na dokumento ng Agriculture Ministry, na nagpaparatang sa China ng pananakop sa 36 na ektarya sa 10 na border site. Kinumpirma ng mga sumunod na imbestigasyon ang walang pahintulot na konstruksyon sa ilang distrito sa mga hangganan, ayon sa mga opisyal sa ulat ng Khabarhub noong 2023.
"Ang karamihan sa oposisyon [mula sa publiko] ay sanhi ng mga desisyon ukol sa patakarang panlabas na ginawa nang hindi ipinapaalam sa publiko partikular na ang mga may kaugnayan sa Beijing," sinabi sa Focus ni Deepak Sharma, isang aktibistang nakabase sa Kathmandu na sumali sa mga protestang nangyari kamakailan lang.
"Maraming tao ang tumutol sa pagtanggap ng malalaking, hindi kayang bayarang pautang mula sa China, dahil sa takot na mauwi sa parehong pagdepende sa utang na nagdulot ng pagbagsak ng ekonomiya ng Sri Lanka noong 2022,” dagdag niya.
Ang pagkakasangkot ng Beijing sa pulitika ng Nepal
Malinaw na nababahala ang China sa pagkawala ng kakamping lider sa Kathmandu.
Inudyukan ng China ang lahat ng partido na ibalik ang kaayusan "sa lalong madaling panahon," isang hakbang na ayon sa mga analyst ay nagpapahiwatig ng masusing pagbabantay nito sa Nepal sa panahong maaaring muling subukan ng India at ng mga Kanluraning kapangyarihan na patibayin ang kanilang impluwensiya sa Kathmandu.
"Malapit ang ugnayan ni Oli sa China, kaya naniniwala akong tiyak na makakaakit ito ng higit na atensyon mula sa China," sinabi ni Lin Minwang, isang propesor at vice dean ng Institute of International Studies ng Fudan University sa Shanghai, sa South China Morning Post noong Setyembre 10.
Mula nang buwagin ang monarkiya ng Nepal noong 2008, pinagyaman ng China ang ugnayan nito sa mga partidong pampulitika, na naging susi sa estratehiya nito sa Himalaya.
Noong nagkaroon ng pag-aagawan sa kapangyarihan noong 2020 sa pagitan nina Oli at Pushpa Kamal Dahal alias Prachanda, nagpadala ang China ng mataas na delegasyon ng Communist Party sa Kathmandu upang mamagitan.
Bagama’t inilarawan ng Beijing ang misyon bilang pagtataguyod ng katatagan, itinuring ito ng mga lokal na analyst bilang pagtatangka na impluwensyahan ang kinalabasan ng pulitika.
"Ang interbensyon ng Beijing ay lumabag sa mga nakasanayang diplomatikong pamantayan," sinabi sa Focus ni Hari Adhikari, isang Nepali scholar ng Sino-Nepali relations.
"Ang tuwirang pagkakasangkot nito sa pulitika sa loob ng bansa ay nagpapahiwatig ng kagustuhang hubugin ang mga desisyon sa pamumuno, na nakakasira sa soberanya ng Nepal," dagdag pa niya.
![Nagra-rally ang mga kabataang nagpoprotesta laban sa katiwalian at pagbabawal sa social media sa Kathmandu, Nepal, noong Setyembre 8. Ang mga protesta, sa pangunguna ng mga aktibistang Gen Z, ay nag-ambag sa pagbagsak ng gobyernong pro-China. [AFP]](/gc9/images/2025/09/15/51965-afp__20250908__shrestha-deathtol250908_npuaj__v1__highres__deathtollcontinuestorisea-370_237.webp)