Diplomasya

Vietnam nakikipagsabayan sa China sa pagtatayo ng mga isla sa pinag-aagawang Spratlys

Ang mga artipisyal na isla ay lumilikha ng sarili nilang ekonomikong realidad: mga Exclusive Economic Zone na umaabot hanggang 200 nautical miles mula sa kanilang baseline.

Ipinapakita sa larawang kuha ng satellite noong Agosto 5 ang nagpapatuloy na reklamasyon sa Petley Reef, isa sa mga ilang bahagi ng Spratly Islands kung saan nagsagawa ang Vietnam ng paghuhukay at pagtambak ng lupa. [AMTI/MAXAR Technologies/CSIS]
Ipinapakita sa larawang kuha ng satellite noong Agosto 5 ang nagpapatuloy na reklamasyon sa Petley Reef, isa sa mga ilang bahagi ng Spratly Islands kung saan nagsagawa ang Vietnam ng paghuhukay at pagtambak ng lupa. [AMTI/MAXAR Technologies/CSIS]

Ayon kay Chen Meihua |

Tahimik na naging karibal ng China ang Vietnam sa isang mapanganib na tunggalian: ang reklamasyon ng lupa sa mga pinag-aagawang karagatan.

Isinusulong ng Vietnam ngayong taon ang mga malawakang proyekto ng reklamasyon ng lupa sa Spratlys na kinabibilangan ng ilang bagong isla at bahura. Dahil dito, lumapit na ang saklaw ng pagtatayo ng mga isla ng Vietnam sa antas ng China na nakatawag ng mas matinding pansin sa South China Sea (na kilala bilang East Sea sa Vietnam).

Ang pagtatayo ng isang isla ay nagbibigay-daan sa isang bansa na magdeklara ng Exclusive Economic Zone (EEZ) sa paligid nito. Sa loob ng EEZ, tanging ang bansang iyon lamang ang may eksklusibong karapatan sa mga likas na yaman.

Ang EEZ ng isang isla ay umaabot ng hanggang 200 nautical miles mula sa baseline nito.

Ipinapakita sa mga bagong larawang kuha ng satellite na pinalawak ng Vietnam ang lima pang bahura sa South China Sea -- ang Alison, Collins, East, Landsdowne, at Petley -- sa pamamagitan ng paghuhukay at pagpapatambak ng lupa, na nagpabago sa mga lugar na dati ay may maliliit lamang na estruktura. [AMTI/MAXAR Technologies/CSIS]
Ipinapakita sa mga bagong larawang kuha ng satellite na pinalawak ng Vietnam ang lima pang bahura sa South China Sea -- ang Alison, Collins, East, Landsdowne, at Petley -- sa pamamagitan ng paghuhukay at pagpapatambak ng lupa, na nagpabago sa mga lugar na dati ay may maliliit lamang na estruktura. [AMTI/MAXAR Technologies/CSIS]

Nakikipagsabayan sa China

Noong Marso, umabot na sa 70% ang lawak ng lupa na napatambak ng Vietnam sa Spratlys (na kilala bilang Nansha Qundao sa China at Truong Sa sa Vietnam) kumpara sa napatambak ng China, ayon sa ulat ng isang US think tank, ang Center for Strategic and International Studies (CSIS), nitong Agosto.

Kung isasama ang mga kasalukuyang proyekto ng pagpapalawak ng mga isla at bahura, maaaring maabot o malampasan pa ng Vietnam ang kabuuang lawak ng mga isla na nareklama na ng China.

Ayon sa ulat, pinalawak ng mga tauhan gamit ang artipisyal na lupa ang 21 bahura at mga mababaw na bahagi ng dagat na kontrolado ng Vietnam sa Spratlys.

Ipinapakita sa mga larawang kuha ng satellite na kasama sa ulat na malapit nang matapos ang mga operasyon ng paghuhukay sa mga isla at bahurang inaangkin ng Vietnam. Ilan sa mga islang ito ay mayroon na ngayong mga imprastrukturang militar, gaya ng mga imbakan ng bala.

Mga estratehikong hakbang ng Vietnam

Pinabibilis ng Vietnam ang pagtatayo ng mga isla kahit inaasahan ang pagtutol mula sa Beijing.

Ipinaliwanag ni William Yang, senior analyst para sa Northeast Asia ng International Crisis Group (Brussels, Belgium), ang estratehikong layunin ng Vietnam sa panayam ng Focus.

"Para sa Vietnam, ang pagpapalawak ng mga isla at bahura ay pangunahing hakbang upang maprotektahan ang soberanya at mga estratehikong interes nito sa South China Sea,” aniya.

Ang South China Sea ay may malaking estratehikong halaga. ... Sa patuloy na paggamit ng China ng legal warfare, pagtatalaga ng mga barko at tauhan ng coast guard sa mga estratehikong lokasyon at pagsasagawa ng mga pagsasanay militar upang igiit ang soberanya at palakasin ang kontrol, kinakailangang magsagawa rin ng katulad na hakbang ang Vietnam upang maipagtanggol ang mga karapatang pandagat at interes nito.

Ang Spratly Islands ay teritoryo ng China, ang sabi ni Guo Jiakun, tagapagsalita ng Ministry of Foreign Affairs ng China, noong Agosto 25 bilang tugon sa ulat ng CSIS.

"Mariing tinututulan ng China ang mga aktibidad ng pagtatayo ng mga kaugnay na bansa sa mga isla at bahura na kanilang ilegal na sinasakop," ayon kay Guo.

Naunang kumilos ang China

Maaaring may kalamangan na ang China sa Vietnam dahil ito ang naunang kumilos.

"Sinakop na ng China ang mga pangunahing estratehikong posisyon sa mga isla at bahura sa South China Sea. Mula sa pananaw ng China, maaaring hindi ituring na malaking banta sa seguridad ang pagpapalawak ng Vietnam sa mga isla at bahurang nauna nang inokupa, pinalawak, at ginawang militarisado ng China," ayon kay Alexander Huang, isang political scientist mula sa Tamkang University sa New Taipei City, Taiwan, sa panayam ng Focus.

Habang inaayos at inaangkop ng United States ang mga patakaran nito sa estratehikong first island chain , mas nais ng China na patatagin ang sitwasyon kaysa magsagawa ng agresibong hakbang na maaaring magpagalit sa mga kalapit nitong bansa, ayon kay Huang.

Kabilang sa chain ang Japan, Taiwan, at Pilipinas.

Noong Abril, tinipon ng China ang mga opisyal nito upang talakayin ang mga patakaran para sa mga karatig-bansa. Sa nasabing pagtitipon, binigyang-diin ni Pangulong Xi Jinping ang kahalagahan ng pagbubuo ng isang ‘komunidad na may pinagsasaluhang kinabukasan’ kasama ang mga kalapit na estado at estratehikong pamahalaan ang mga pagkakaiba sa rehiyon.

Naiibang estilo

Hindi tulad ng Pilipinas, na direktang hinaharap ang Beijing , kadalasang isinasagawa ng Vietnam ang mga alitan sa South China Sea sa pamamagitan ng pribadong usapan, kaya naman pinipili ng China na magpakita ng "mas mababang antas" ng pagtugon, ayon kay Yang.

Dumalo si Zhao Leji, chairman ng Standing Committee ng Chinese National People's Congress, sa pagdiriwang ng August Revolution at National Day ng Vietnam mula Agosto 31 hanggang Setyembre 2, kung saan lumahok din ang honor guard mula sa People's Liberation Army.

Sa kanilang pagpupulong ni Vietnamese leader To Lam, nangako silang pamahalaan nang mapayapa ang mga alitan sa South China Sea.

Binigyang-diin ni Lam ang pangako ng Vietnam sa pagpapatatag ng ugnayan sa China gayundin ang patakarang "four no's" nito -- walang alyansang militar, walang pakikipanig sa isang bansa laban sa iba, walang dayuhang base militar sa teritoryo ng Vietnam at walang paggamit o banta ng dahas.

“Parehong may isang partidong Komunista ang dalawang bansa, kaya't walang pangunahing ideolohikal na hidwaan,” ayon kay Huang.

“Gayunman, sa South China Sea, may magkasalungat silang interes pagdating sa pangingisda, langis, mineral, at mga pag-aangkin sa soberanya.”

Nagustuhan mo ba ang artikulong ito?

Policy Link

Captcha */Patunay na Hindi Robot *