Ayon kay Jia Feimiao |
Nag-anunsiyo ang China ng plano nitong lumikha ng isang nature reserve sa Scarborough Shoal (na kilala sa China bilang Huangyan Island) sa South China Sea, isang hakbang na itinuturing ng marami bilang pagsisikap na patibayin ang pag-aangkin ng China sa soberanya sa pinagtatalunang teritoryo.
Pagbabawal sa iba't ibang aktibidad
Ang Scarborough Shoal, isang hugis-tatsulok na hanay ng mga bahura at bato na nasa humigit-kumulang 120 nautical miles sa kanluran ng Luzon, ay isang pinagtatalunang teritoryo na inaangkin ng China, Pilipinas, at Taiwan. Inagaw ng Beijing sa Manila ang kontrol sa bahura noong 2012, at mula noon, regular nang nagpapatrolya ang mga sasakyan ng Coast Guard ng China sa karagatan sa paligid nito.
Noong Setyembre 9, naglabas ang Beijing ng direktiba para sa paglikha ng nature reserve. Sa ilalim ng mga regulasyon ng China ukol sa mga nature reserve, ipagbabawal ang mga aktibidad tulad ng pangingisda, paghuhukay ng buhangin, at turismo sa itinalagang mga lugar. Pagbabawalan din ang pagpasok sa pangunahing sona, habang ang siyentipikong pagsasaliksik ay kailangan munang maaprubahan bago masimulan.
Inudyukan ng State Council ang "pagpapaigting sa pagsubaybay at pagpapatupad ng batas upang supilin ang lahat ng ilegal at irregular na aktibidad na may kinalaman sa nature reserve," ulat ng AFP.
![Isang Chinese naval warship (sa likuran) ang dumaan sa mga marinong Australian sakay ng isang rigid-hull inflatable boat habang nagsasagawa ng pinagsanib na pagsasanay-pandagat ang Australia, Canada, at Pilipinas malapit sa Scarborough Shoal sa South China Sea noong Setyembre 3. [Ted Aljibe/AFP]](/gc9/images/2025/09/19/52043-afp__20250903__739p8g3__v1__highres__philippinesaustraliacanadachinamaritimedefence__1_-370_237.webp)
Mahigpit na pagpapatupad
Inaasahan ng mga tagapagmasid mula sa China, gayundin ng mga taga-ibang bansa, na paninindigan ng China ang mga pahayag nito.
"Ito'y ... hindi salita lamang; ang PRC [People's Republic of China] ay may kakayahang magpatupad," sabi ni Collin Koh, senior fellow sa S. Rajaratnam School of International Studies ng Singapore, sa isang post niya sa X.
Gagawa ang China ng "mga agresibong hakbang" laban sa mga manghihimasok sa teritoryo, sabi ni Ding Duo, isang mananaliksik ng National Institute for South China Sea Studies sa Beijing, sa South China Morning Post.
Magkakaroon ng mas pinaigting na pagpapatrolya, ayon kay Yen-Chiang Chang, director ng Yellow Sea and Bohai Sea Research Institute ng Dalian Maritime University, sa Yuyuan Tantian, isang social media account na kaugnay ng China Central Television.
Maaaring kabilang dito ang mga sasakyang panghimpapawid, mga sasakyang pandagat ng Coast Guard, mga walang sakay na barko, at mga aerial drone.
"Hindi tulad ng dati, ang mga pagpapatrolya mula ngayon ay mas nakatuon sa pagiging nakagawian at regular," sabi ni Chang sa Yuyuan Tantian, ayon sa South China Morning Post.
Tugon ng China sa banggaan noong Agosto 11
Nitong mga nakaraang buwan, lubos na umigting ang tensyon sa Scarborough Shoal. Noong Agosto 11, hinabol ng sasakyang pandagat ng Chinese Coast Guard ang isang resupply vessel ng Philippine Coast Guard. Ang barko ng Chinese Coast Guard ay nawalan ng kontrol at bumangga sa isang Chinese navy destroyer na nakatalaga malapit sa shoal.
Ang paglikha ng nature reserve ay "malinaw na pagtugon sa insidente noong Agosto 11," ipinahayag ni Koh bilang posibilidad sa X.
"[Kung] magtagumpay ang paggamit ng modelo ng Scarborough Shoal nature reserve, maaaring palawakin ang paggamit ng taktikang ito sa iba pang lugar sa Philippine EEZ [Exclusive Economic Zone]," dagdag niya, tinutukoy ang China.
Mula nang manumpa si Ferdinand Marcos Jr. bilang pangulo ng Pilipinas tatlong taon na ang nakalilipas, umigting ang mga pagtatalo sa pagitan ng Manila at Beijing ukol sa soberanya. Noong Agosto, naglabas ang Xinhua Institute ng China ng serye ng mga ulat na pinamagatangThe Truths About the South China Sea, kung saan inakusahan ng China ang Pilipinas na pinalalakas ng mga "puwersa sa labas" upang paigtingin ang tensyon sa pagitan nila.
Ilan ang hindi tumatanggap sa mga argumento ng Beijing
Mabilis dumating ang mga reaksyon mula sa iba't ibang bansa, at karamihan ay nagpahayag ng pagtutol sa plano ng China
Ang Philippine Department of Foreign Affairs ay nagpasa ng "mariing pagpoprotesta" laban sa reserve, habang binalewala naman ng Philippine National Security Adviser na si Eduardo Año ang sinasabi ng Beijing na layunin nilang mapabuti ang kapaligiran.
"Ito ay malinaw na pagkukunwari patungo sa tuluyang pananakop," sabi ni Año.
Ang United States "ay naninindigan kasama ng aming kaalyadong bansa, ang Pilipinas", sa pagtutol sa mapanirang pagkilos ng China, sabi ni US Secretary of State Marco Rubio sa X. Inilarawan niya ito bilang "isa na namang mapilit na pagtatangkang isulong ang interes ng China, sa kapinsalaan ng mga karatig-bansa nito at ng katatagan ng rehiyon."
Tinawag ng Foreign Ministry ng Taiwan ang hakbang bilang ebidensya ng 'hegemonic mindset' o kagustuhan ng China na dominahin ang iba, at tinukoy ito bilang isang banta sa kapayapaan ng rehiyon. Handa pa rin ang Taiwan na makipagtulungan sa Pilipinas at sa iba pang bansa upang mapayapang maresolba ang mga hidwaan, dagdag pa nito.
Noong nakaraang buwan, bumisita ang Foreign Minister ng Taiwan na si Lin Chia-lung sa Pilipinas, isang bihirang pangyayari sa ugnayan ng dalawang bansa. Ayon sa ulat ng Central News Agency ng Taiwan, tinuturing ito ng mga diplomatiko bilang isang tagumpay para sa Taiwan sa pagpapalawak ng kanilang diplomatikong presensya at pagpapatibay ng estratehikong pakikipagtulungan sa Manila.
Sa pamumuno ni Pangulong Lai Ching-te, tila kahanay ang Taiwan sa Pilipinas sa pagbibigay ng hayagang kritisismo sa Beijing, sabi ni Huang Kui-bo, professor ng diplomasya sa National Chengchi University sa Taipei, sa Focus.
Ang mga karibal ng China sa pag-aangkin ng teritoryo sa South China Sea "ay hindi lamang tatanggihan ang gustong mangyari ng Beijing; sa halip lalabanan pa nila ito," sabi ni Ian Chong, political scientist sa National University of Singapore, sa Focus.
![Larawan ng Scarborough Shoal, na kuha mula sa satellite, kung saan nagpaplanong magtatag ang China ng isang nature reserve. Ayon sa kanilang anunsiyo noong Setyembre 10, sasakupin ng nature reserve ang humigit-kumulang 8,700 acre sa hilagang-silangang bahagi ng reef, kabilang ang isang pangunahing sona at isang katabing sonang eksperimental. [AMTI/CSIS]](/gc9/images/2025/09/19/52042-scarborough_eez-370_237.webp)
1500 MAX
Wala lng