Seguridad

Pangulo ng Taiwan, nangakong palalakasin ang depensang panghimpapawid laban sa 'banta ng kaaway'

Inanunsyo ni Pangulong Lai Ching-te ang mga plano para sa pagtatayo ng T-Dome air defense shield at para sa paggastos ng 5% ng GDP para sa depensa pagsapit ng 2030.

Nagbigay ng talumpati si Pangulong Lai Ching-te ng Taiwan sa pagdiriwang ng Pambansang Araw sa Taipei noong Oktubre 10. Inanunsyo niya ang pagpapabilis ng konstruksyon ng T-Dome air defense system upang palakasin ang proteksyon ng isla laban sa tumitinding mga banta. [I-Hwa Cheng/AFP]
Nagbigay ng talumpati si Pangulong Lai Ching-te ng Taiwan sa pagdiriwang ng Pambansang Araw sa Taipei noong Oktubre 10. Inanunsyo niya ang pagpapabilis ng konstruksyon ng T-Dome air defense system upang palakasin ang proteksyon ng isla laban sa tumitinding mga banta. [I-Hwa Cheng/AFP]

Ayon sa Focus at AFP |

TAIPEI -- Nangako si Pangulong Lai Ching-te ng Taiwan na pabibilisin niya ang pagpapatayo ng isang sistema ng depensang panghimpapawid na maraming antas, bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap ng Taiwan na ipagtanggol ang sarili laban sa lumalaking "banta ng kaaway."

Sa kanyang talumpati sa Pambansang Araw noong Oktubre 10, muling pinagtibay ni Pangulong Lai ang pangako ng Taiwan na dagdagan ang ginagastos para sa militar. Inihayag din niya ang mga planong maghain ng isang natatanging budget para sa depensa bago matapos ang taon.

Ang Taiwan, isang bansang may demokratikong pamahalaan, ay matagal nang nahaharap sa tumitinding panggigipit mula sa China, na itinuturing ang isla bilang bahagi ng kanilang teritoryo .

Noong 1949, tumakas patungong Taiwan ang mga puwersang Nasyonalista ni Chiang Kai-shek matapos matalo sa Digmaang Sibil ng China. Mula noon, nanatiling magkatunggali ang Beijing at Taipei.

Nagtanghal ang mga AT-3 advanced jet trainer ng Taiwan sa pagdiriwang ng Pambansang Araw ng Taiwan noong Oktubre 10 sa Taipei. [I-Hwa Cheng/AFP]
Nagtanghal ang mga AT-3 advanced jet trainer ng Taiwan sa pagdiriwang ng Pambansang Araw ng Taiwan noong Oktubre 10 sa Taipei. [I-Hwa Cheng/AFP]

T-Dome na panangga sa himpapawid

"Pabibilisin natin ang pagpapatayo ng T-Dome, magtatatag ng isang mahigpit na sistema ng depensang panghimpapawid na may maraming antas ng depensa, mataas na antas ng pagtuklas, at makagawa ng epektibong pagharang, at maghabi ng isang lambat ng kaligtasan para sa Taiwan upang maprotektahan ang buhay at ari-arian ng mga mamamayan," pahayag ni Lai sa pagdiriwang ng Pambansang Araw.

Wala nang ibinigay na karagdagang detalye si Pangulong Lai tungkol sa sistema ng T-Dome.

Dinisenyo ang T-Dome o Taiwan Dome upang labanan ang lalong nagiging kumplikadong mga banta tulad ng mga drone, rocket, missile, at eroplanong militar, ayon sa ulat ng Reuters bago ang talumpati ni Pangulong Lai.

Ibinatay ang sistema sa Iron Dome missile network ng Israel at kasalukuyan na itong isinasagawa, iniulat ng Reuters, ayon sa mga hindi pinangalanang pinagkunan ng impormasyon.

Ibinunyag kamakailan ng Taiwan ang isang bagong anti-ballistic-missile system na tinatawag na Chiang Kung, o "Strong Bow." Ang sistemang ito, na kasalukuyang nasa produksyon, ay isang pinahusay na bersyon ng mga sariling missile ng Taiwan na Tien Kung (Sky Bow) III. Dinisenyo ito upang harangin ang mga ballistic at cruise missile kahit sa matataas na altitude, na may saklaw na hanggang 70 kilometro.

Mga karagdagang plano ng Taiwan

Bukod pa rito, bumili ang Ministry of National Defense ng Taiwan ng tatlong set ng National Advanced Surface-to-Air Missile Systems, isang bersyon ng Iron Dome ng US, na inaasahang darating ngayong taon. Ayon sa Liberty Times, magiging mahalaga ang unang batch sa pangkalahatang estratehiya ng depensa ng Taiwan.

Sinabi ni Pangulong Lai na ang paggastos para sa depensa ng Taiwan ay inaasahang lalampas sa 3% ng GDP sa susunod na taon, na may layuning maabot ang 5% pagsapit ng 2030.

“Isusulong natin ang paggamit ng mga makabagong teknolohiya at AI (artificial intelligence) para bumuo ng isang smart defense combat system, na magpapalakas ng epektibong panlaban sa ilalim ng ating asymmetric strategy,” sabi ni Lai.

Nagsisikap din ang Taiwan na palakasin ang lokal na industriya ng depensa at patibayin ang mga lokal na supply chain upang palakasin ang "matatag na hanay ng depensa" ng bansa.

Muling binanggit ni Pangulong Lai ang papel ng Taiwan "bilang isang mahalagang bahagi ng ugnayan para sa kapayapaan at katatagan sa Indo-Pacific," at binigyang-diin ang pangako ng isla na "panatilihin ang kapayapaan sa pamamagitan ng lakas".

Pagbabaluktot ng Beijing sa kasaysayan

Nanawagan si Pangulong Lai sa China na "gampanan ang responsibilidad bilang isang pangunahing kapangyarihan" at itigil ang pagbaluktot sa mahahalagang makasaysayang dokumento, kabilang na ang United Nations (UN) General Assembly Resolution 2758.

Noong 1971, sa bisa ng Resolution 2758, inalis ang Taipei sa United Nations at pinalitan ito ng Beijing. Gayunpaman, tinanggihan ng maraming gobyerno ang pananaw ng China na ang resolusyong nabanggit ay permanenteng humahadlang sa Taiwan na makalahok sa mga pandaigdigang organisasyon.

Dagdag pa rito, patuloy na sinisipi ng mga opisyal ng China ang Deklarasyon sa Cairo noong 1943 at Deklarasyon sa Potsdam noong 1945 upang igiit ang kanilang hurisdiksyon sa Taiwan, kahit na ang mga kasunduang ito ay tumutukoy sa dati pang Republic of China, bago pa man nakuha ng Chinese Communist Party ang mainland.

Nanawagan si Pangulong Lai sa China na "talikuran ang paggamit ng puwersa o pamimilit upang baguhin ang kasalukuyang kalagayan ng buong Taiwan Strait".

Sadyang isinantabi ni Lai ang mga pahayag ukol sa soberanya upang bawasan ang panganib ng pagkakaroon ng krisis sa Beijing, ayon kay Tseng Wei-Feng, isang mananaliksik sa larangan ng ugnayang pandaigdigan sa National Chengchi University sa Taipei, sa panayam ng Central News Agency (CNA).

Halimbawa, ang hindi pagbanggit ng mga pariralang tulad ng “hindi nagpapasakop sa isa’t isa” ay isang estratehikong hakbang kasunod ng pagbatikos ng China noong nakaraang taon at ng mga isinagawang pagsasanay militar.

Sinabi sa CNA ni Wang Hung-jen, isang propesor ng political science sa National Cheng Kung University sa Tainan, Taiwan, na nakatuon ang talumpati ngayong taon sa paglatag ng pundasyon para sa "pagbangon ng Taiwan," na binigyang-diin ang kalakalan sa ekonomiya at paggamit ng konsepto ng "demokratikong Taiwan" bilang batayan ng pambansang pagkakaisa.

Nagustuhan mo ba ang artikulong ito?

Policy Link

Captcha */Patunay na Hindi Robot *