Ayon sa AFP at Focus |
Kamakailan, inilunsad ng mga awtoridad sa China ang isang malawakang pambansang kampanya laban sa hindi rehistradong Zion Church, kung saan mahigit 30 pastor, mangangaral, at mga mananampalataya ang naaresto o nawawala. Ipinasara ng mga awtoridad ang mga gusali at ari-arian ng simbahan at kinumpiska ang ilan sa mga kagamitan nito.
Ito ang pinakamalawak na pagsupil sa mga Kristiyano sa China mula nang isinagawa ang raid noong 2018 sa Early Rain Covenant Church sa Chengdu, lalawigan ng Sichuan.
Si Jin Mingri, na kilala rin bilang Pastor Ezra at tagapagtatag ng Zion Church, ay inaresto sa kanyang tahanan sa rehiyon ng Guangxi noong Oktubre 10. Isa siya sa hindi bababa sa pitong pastor na maaaring masampahan ng kasong kriminal dahil sa “ilegal na pagpapalaganap ng impormasyon tungkol sa relihiyon sa pamamagitan ng internet,” ayon sa pahayag ng simbahan. Ayon sa detention notice na kinumpirma ng AFP, siya ay pinaghihinalaan ng “ilegal na paggamit ng mga information network.”
Nagsagawa ng mga raid ang pulis sa gabi at inaresto ang ilang mga miyembro at lider ng Zion Church sa mga lungsod kabilang ang Beijing. Hinalughog nila ang mga tahanan at kinumpiska ang mga computer at telepono. Ayon kay Grace Jin, anak na babae ni Jin, “Ito ay tahasang pag-atake sa kalayaan sa relihiyon.”
![Ipinapakita ng larawang ito ang detention notice mula sa Beihai Public Security Bureau sa rehiyon ng Guangxi, China, na nagpapatunay sa pag-aresto kay Pastor Jin Mingri noong Oktubre 12 dahil sa paratang na 'ilegal na paggamit ng mga information network.' [Praying for Beijing Zion Church/Facebook]](/gc9/images/2025/10/15/52424-notice-370_237.webp)
Malawakang pag-aresto sa buong bansa
Mula noong Oktubre 9, isinagawa ang mga pag-aresto sa Shanghai at Beijing; sa rehiyon ng Guangxi; at sa mga lalawigan ng Zhejiang, Shandong, Sichuan, at Henan.
Pinalaya ng pulis ang apat na indibidwal. Noong Oktubre 13 sa Beihai, rehiyon ng Guangxi, hinarang ang mga abogado na dalawin ang mga nakakulong. Hindi pa malinaw kung nakapasok na ang mga abogado mula noon.
“Hindi kami mga kriminal; kami ay mga Kristiyano lamang,” ayon kay Sean Long, isang pastor ng Zion Church na nakabase sa US. “Nagdarasal kami para sa pinakamabuting magiging kahihinatnan, ngunit kailangan naming maging handa sa pinakamasama.”
Itinatag ni Jin noong 2007 sa Beijing ang Zion Church, na lumago hanggang sa humigit-kumulang 1,500 miyembro bago ito ipinasara ng mga awtoridad noong 2018. Sa kabila nito, nagpatuloy ang simbahan online, gamit ang Zoom para sa mga serbisyo at maliliit na personal na pagtitipon sa 40 lungsod, na marahil ay muling nag-udyok ng galit ng pamahalaan.
“Hindi magtatagal, kailangan nilang kumilos upang lalo pang paigtingin ang kanilang pagsupil laban sa Zion. Sa palagay ko, ngayong 2025 ang panahon para rito,” sabi ni Long.
Ito ang pinakabagong hakbang sa mas pinalawak na kampanya laban sa mga house church.
Noong Mayo, inaresto ng pulis si Pastor Gao Quanfu ng Light of Zion Church dahil sa “paggamit ng mga pamahiin upang pahinain ang pagpapatupad ng katarungan.”
Noong Hunyo, ikinulong ng mga awtoridad ang mga miyembro ng Golden Lampstand Church dahil sa panlilinlang, at hinatulan ng korte si Pastor Yang Rongli ng 15 taong pagkakabilanggo.
Noong Oktubre 12, kinondena ng US ang ginagawang pagsupil at nanawagan ng pagpapalaya sa mga dinakip. Ayon sa Secretary of State ng US na si Marco Rubio, “Ang pagsupil na ito ay lalo pang nagpapakita kung paano ipinapamalas ng CCP [Chinese Communist Party] ang pagiging mapanupil nito laban sa mga Kristiyanong tumatanggi sa pakikialam ng Partido sa kanilang pananampalataya at pinipiling sumamba sa mga hindi rehistradong house church.”
Mga huwad na pangako mula sa Beijing
Bagamat ginagarantiyahan ng konstitusyon ng China ang kalayaan sa relihiyon, sa aktuwal na sitwasyon, mahigpit na kinokontrol ng estado ang pagsamba .
Kailangang pumili ang mga Kristiyano sa pagitan ng mga simbahan na aprubado ng estado na naglalaman ng mga mensahe ng CCP, o mga underground house church gaya ng Zion. Noong 2022, ipinagbawal ng China ang mga online na content tungkol sa relihiyon kung walang opisyal na pahintulot. Noong Setyembre, nagpatupad pa ng mga bagong regulasyon na lalong nagbabawal sa pangangaral sa pamamagitan ng mga livestream, mga maiikling video, mga online na pagpupulong, o WeChat.
Nang tanungin tungkol sa mga pag-aresto, sinabi ni Lin Jian, tagapagsalita ng Foreign Ministry ng China, “Hindi ako pamilyar sa sitwasyong binanggit ninyo,” at idinagdag, “Mariin naming tinututulan ang pakikialam ng US sa mga panloob na usapin ng China sa ilalim ng umano’y mga isyung panrelihiyon.”
Hindi pa rin nakatatanggap ng balita si Grace Jin at ang kanyang inang nakabase sa US mula kay Jin mula pa noong Oktubre 10. mula kay Jin mula pa noong Oktubre 10. “Sa isip ko, matagal na naming pinaghandaan ang ganitong sitwasyon mula pa noong bata ako,” ani Grace.
“Bilang isang Kristiyano sa China, sa palagay ko ay alam mo nang posibleng mangyari ang ganitong bagay.”
![Ipinapakita sa walang petsang larawang ito si Pastor Jin Mingri ng China habang namumuno sa isang komunyon sa Zion Church. Si Pastor Jin, na nagtatag ng hindi rehistradong simbahan, ay kamakailan lamang naaresto sa isang pambansang kampanya laban sa mga underground na grupong panrelihiyon sa China. [Zion Church]](/gc9/images/2025/10/15/52423-jin_mingri-370_237.webp)