Kakayahan

US at Australia sanib-puwersa laban sa dominasyon ng China sa rare earths

Isang makasaysayang kasunduan sa pagitan ng Canberra at Washington ang naglalayong bumuo ng alternatibong supply chain at pahinain ang halos ganap na kontrol ng China sa mahahalagang mineral.

Isang lugar ng operasyon ng Nolans project ng Arafura Rare Earths sa Northern Territory ng Australia. [Arafura]
Isang lugar ng operasyon ng Nolans project ng Arafura Rare Earths sa Northern Territory ng Australia. [Arafura]

Ayon sa AFP at Focus |

SYDNEY -- Ang ganap na dominasyon ng China sa produksyon ng rare earth ay maaaring malapit nang mapatigil, ayon sa isang nangungunang minero, matapos magkasundo ang US at Australia sa isang mahalagang kasunduan hinggil sa mga mineral.

Noong Oktubre 20 sa Washington, nilagdaan nina US President Donald Trump at Prime Minister Anthony Albanese ang isang kasunduan na nagbibigay sa US ng access sa malalawak na reserba ng rare earths at mahahalagang mineral ng Australia, mga sangkap na mahalaga sa paggawa ng mga solar panel hanggang sa mga precision missile.

Ayon sa CEO ng Australian rare earth miner na Arafura Resources, maaaring maging positibong hakbang ang pagbuo ng mga proyekto sa labas ng China.

“Halos ganap nang hawak ng China ang merkado ng rare earths dahil sa pagkontrol nito sa presyo,” sabi ni Arafura boss Darryl Cuzzubbo sa AFP. “Makakatulong ang pagbuo ng mga supply chain sa mga bansang may kaparehong pananaw upang mabago ang ganitong sitwasyon.”

Nagkamayan sina Australian Prime Minister Anthony Albanese (kaliwa) at US President Donald Trump matapos lagdaan ang dokumento hinggil sa mahahalagang mineral sa Washington, DC, noong Oktubre 20. [Saul Loeb/AFP]
Nagkamayan sina Australian Prime Minister Anthony Albanese (kaliwa) at US President Donald Trump matapos lagdaan ang dokumento hinggil sa mahahalagang mineral sa Washington, DC, noong Oktubre 20. [Saul Loeb/AFP]

Matagal nang paghahanap ng mga maaasahang kaagapay na bansa

Matagal nang naghahanap ang mga bansang tulad ng US, Germany, at South Korea ng mga kaagapay na bansang hindi gagamit ng rare earths bilang panakot sa negosasyon.

Ayon kay Cuzzubbo, binubuksan ng kasunduan sa pagitan ng US at Australia ang daan para sa mga alternatibong supply chain na hindi saklaw ng impluwensya ng China. “At nagbibigay ito ng kumpiyansa sa mga mamumuhunan na kikilos ang mga bansang may kaparehong pananaw upang baguhin ang kontrol ng China.”

Sa kabuuan, pumayag ang US na pondohan ang ilang proyekto sa rare earths sa Australia, kapalit ng prayoridad na access sa mga mineral na mahuhukay dito. Bagaman kilala ang Australia sa husay nito sa pagmimina, nahihirapan pa rin itong iproseso ang mga mineral sa loob ng bansa. Higit 90% ng lithium ng Australia ay ipinapadala pa rin taon-taon sa mga dayuhang refinery.

Isa sa mga unang proyektong napondohan sa ilalim ng kasunduan ng US at Australia ay pag-aari ng Arafura Resources, na naglalayong mabilis na palawakin ang kapasidad nito sa pagproseso.

Ang isa pang kumpanyang Australyano, ang Lynas Resources, ay mayroon nang $258 milyon na kontrata para magtayo ng isang pabrika ng rare earth sa Texas.

“Masalimuot ang ugnayan sa China hangga’t hindi pa nabubuo ang supply chain na nakakalat sa iba’t ibang bansa,” ayon kay Cuzzubbo. “Susubukan ng China na sulitin ito sa abot ng kanilang makakaya, dahil alam nilang sa loob ng tatlo hanggang limang taon, unti-unti silang mawawalan ng kontrol.”

Itinuturing ng mga analyst na maliit ang posibilidad na makapantay ang Australia sa antas ng produksyon ng refined rare earths ng China, ngunit maaari nitong paluwagin ang mahigpit na kontrol ng Beijing kung makakalikha ito ng kahit maliit na bahagi ng kapasidad na kahalintulad ng sa China.

“Ang Australia ang pinakamahalagang kaagapay ng US sa pagtutol sa dominasyon ng China sa rare earths,” ayon sa artikulo ng Center for Strategic and International Studies (CSIS) noong Oktubre 20.

Mga kalakasan ng Australia

Ayon sa CSIS, nakasalalay ang kahalagahan ng Australia sa natatanging yaman nito at lakas sa pananalapi. Taglay nito ang ilan sa pinakamayamang deposito ng mahahalagang mineral sa buong mundo, at ang stock exchange ng bansa ay itinuturing na pandaigdigang kapangyarihan sa pagpopondo ng mga proyekto sa pagmimina, pangalawa lamang sa Asia pagdating sa kabuuang market value ng ganitong mga proyekto.

Ayon kay Albanese, magdudulot ang kasunduan sa rare earths ng $8.5 bilyong halaga ng mga proyekto sa mahahalagang mineral sa Australia at paiigtingin nito ang ugnayan ng dalawang bansa sa “mas mataas na antas.”

Ipinagmamalaki ng prime minister ng Australia ang masaganang mineral ng bansa bilang paraan upang paliitin ang kontrol ng China sa pandaigdigang supply ng rare earths, na kritikal sa mga produktong pangteknolohiya.

Ipinapakita ng mga datos ng gobyerno na kabilang ang Australia sa limang nangungunang tagagawa ng lithium, cobalt, at manganese sa buong mundo, na ginagamit sa iba’t ibang produkto mula sa semiconductors hanggang sa kagamitang pang-depensa, de-kuryenteng sasakyan, at wind turbines.

Sinabi ng mga analyst na malabong mapantayan ng Australia ang dominasyon ng China, ngunit nag-aalok ito ng maaasahan at mas maliit na supply chain na nagpapababa sa panganib ng labis na pagdepende sa China. Ayon sa pamahalaan ng Australia, mamumuhunan sila at ang pamahalaan ng US ng mahigit $1 bilyon sa susunod na anim na buwan, habang tinataya ng White House na aabot sa $3 bilyon ang kabuuang halaga sa pagitan ng dalawang bansa.

Nagustuhan mo ba ang artikulong ito?

Policy Link

Captcha */Patunay na Hindi Robot *