Ayon sa AFP at Focus |
KUALA LUMPUR -- Sinabi ni US Secretary of Defense Pete Hegseth na ang ugnayan ng China at US ay “hindi pa naging ganito kaganda,” ngunit iginiit niyang kailangang paigtingin ng dalawang panig ang komunikasyon sa militar upang maiwasan ang maling kalkulasyon sa Indo-Pacific.
Sa isang post sa X noong Nobyembre 1, sinabi ni Hegseth na nagkasundo sila ni Chinese Defense Minister Dong Jun na “kapayapaan, katatagan at mabuting ugnayan ang pinakamainam na daan para sa ating dalawang magigiting at malalakas na bansa.” Sinabi rin niya na parehong magtutulungan ang dalawang panig upang magtatag ng mga ugnayan upang “maiwasan at mapahupa ang anumang problemang maaaring mangyari.”
Pag-iwas sa mga aksidenteng digmaan
Nakipag-usap si Hegseth kay Dong tungkol sa seguridad noong Oktubre 31 sa Kuala Lumpur, kasabay ng isang regional defense summit sa Southeast Asia, na iginiit niya na kailangan ng dalawang militar na magtatag ng direktang linya ng komunikasyon upang maiwasang lumala ang mga hindi pagkakaunawaan sa Indo-Pacific na maaaring humantong sa hindi sinasadyang labanan.
Inilarawan ni Hegseth ang pagpupulong bilang “maayos at positibo” sa isa pang tweet. Sinabi niya na tinalakay niya ang “kahalagahan ng pagpapanatili ng balanse ng kapangyarihan sa Indo-Pacific” at ang mga alalahanin ng US tungkol sa mga gawain ng China “sa South China Sea, sa paligid ng Taiwan, at sa mga kaalyado at katuwang ng US.”

“Hindi naghahanap ng alitan ang United States, patuloy nitong ipagtatanggol nang matatag ang sariling mga interes at titiyakin na may kakayahan ito sa rehiyon upang gawin ito,” ang sabi niya.
Hindi pagkakasundo tungkol sa Taiwan
Sa opisyal na pahayag ng Beijing, sinuportahan nito ang pagpapatuloy ng ugnayang pandepensa ngunit muling binigyang-diin ang kanilang posisyon tungkol sa Taiwan.
Sinabi ni Dong kay Hegseth na ang “pagkakaisa ng dalawang panig ng Taiwan Strait ay isang hindi mapipigilang daloy ng kasaysayan.” Hinimok niya ang Washington na “maging malinaw at matatag sa pagtutol sa ‘kalayaan ng Taiwan,’” ayon sa ulat.
Sinabi ng Ministry of Defense ng China na ang dalawang departamento ng depensa “ay dapat gumawa ng kongkretong hakbang upang ipatupad ang kasunduang naabot ng mga pinuno ng estado.” Ayon dito, dapat nilang “palakasin ang pag-uusap sa antas ng patakaran upang mapalakas ang tiwala at maalis ang pag-aalinlangan,” at bumuo ng ugnayang militar na “kakikitaan ng pagkakapantay-pantay, respeto, mapayapang pakikipamuhay, at matatag na pag-unlad ng relasyon.”
Sinabi ni Hegseth sa mga reporter na ang posisyon ng US tungkol sa Taiwan ay “nanatiling hindi nagbabago,” at idinagdag na ganoon din ang sinabi ni Pangulong Donald Trump. Sa ilalim ng matagal nang patakaran nito, kinikilala ng Washington ang Beijing ngunit nagbibigay ng mga armas sa Taiwan para sa sariling depensa. Pinapayagan ng patakarang ito ang United States na patuloy na mag-operate sa rehiyon habang nagsasagawa o naghahangad ng pakikipag-uusap sa People's Liberation Army.
Tensiyon sa dagat
Ayon sa mga opisyal ng US, ang pagsusumikap na muling buhayin ang ugnayang militar ay dulot ng tumitinding tensiyon sa dagat. Inaangkin ng China ang halos buong South China Sea sa kabila ng magkakaparehong pag-aangkin ng mga karatig-bansa nito, kabilang ang Pilipinas, na isang kaalyado ng US sa ilalim ng kasunduan. Patuloy ang US Navy sa mga operasyon ng “kalayaan sa paglalayag,” na ikinagalit ng Beijing. Pinalakas ng China ang mga pagsisikap na harangin o takutin ang mga barko ng pamahalaang Pilipino.
Noong Setyembre, sinabi ng pamahalaang Pilipino na may isang nasugatan nang gumamit ng water cannon ang isang barko ng Chinese coast guard na nakabasag ng bintana sa command center ng isang barko ng Philippine Fisheries Bureau malapit sa Scarborough Shoal. Nakuha ng China ang kontrol sa shoal mula sa Pilipinas matapos ang isang sagupaan noong 2012.
Sa pakikipagpulong kay Philippine Defense Secretary Gilbert Teodoro sa Kuala Lumpur, sinabi ni Hegseth na ibinahagi ng Washington ang “mga alalahanin ng Maynila tungkol sa pamimilit ng China sa South China Sea, partikular na kamakailan sa Scarborough Shoal.”
Tinawag ni Teodoro na “ilegal" ang mga ginawa ng China, at sinabi na ang mga lugar na inaangkin ng Beijing ay “nasa loob talaga ng aming Exclusive Economic Zone at kilala sa kasaysayan bilang bahagi ng Pilipinas.”
Naputol ang mga usapang pang-militar sa pagitan ng United States at China noong 2022 matapos bumisita si dating House Speaker Nancy Pelosi sa Taiwan. Ang mga pagsisikap na muling buhayin ang mga ito ay hindi nagtuluy-tuloy. Dahil mas dumaraming barko at eroplano ng US at China ang nag-o-operate sa parehong lugar, sa paligid ng Taiwan at sa South China Sea, sinabi ng Pentagon na nais nitong magkaroon ng maaasahang mga linya ng komunikasyon bago ang susunod na engkwentro.
![Dumalo sina US Secretary of Defense Pete Hegseth (kaliwa) at Chinese Defense Minister Dong Jun (kanan) sa mga sesyon ng ASEAN Defense Ministers' Meeting sa Kuala Lumpur. [Hasnoor Hussain/Pool/AFP]](/gc9/images/2025/11/03/52634-hegseth_dong-370_237.webp)