Kakayahan

Indonesia itutuloy ang $8.1 bilyong kasunduan para sa Rafale jet

Nakatakdang bumili ang Indonesia ng 42 French Rafale jets, na magpapatibay sa ugnayang pandepensa nito sa Paris sa kabila ng kamakailang kampanya ng disimpormasyon.

Isang Rafale fighter jet ang ipinakikita. [Dassault Aviation/X]
Isang Rafale fighter jet ang ipinakikita. [Dassault Aviation/X]

Ayon kay Zarak Khan |

Itutuloy ng Indonesia ang pagbili ng $8.1 bilyong 42 Rafale fighter jets mula sa France, at nakatakdang dumating ang unang eroplano sa unang bahagi ng 2026.

Ang mga multirole fighter na ginawa ng Dassault Aviation ay nakatakdang i-deliver paunti-unti simula Pebrero 2026, ayon kay Air Force Chief Marshal Mohamad Tonny Harjono.

Inaasahang darating ang ikalawang batch sa Abril 2026, kung saan lahat ng 42 na jet ay papasok sa serbisyo sa mga darating na taon, iniulat ng state news agency na Antara noong Setyembre.

Apat na piloto mula sa hukbong panghimpapawid ng Indonesia ang nakumpleto ang kanilang unang solong paglipad sakay ng Rafale fighter jet sa pagsasanay sa France nitong Setyembre.

Apat na piloto ng hukbong panghimpapawid ng Indonesia ang nakumpleto ang kanilang unang solong paglipad sa Rafale fighter jet sa pagsasanay sa France noong Setyembre. [Indonesian Air Force/X]
Apat na piloto ng hukbong panghimpapawid ng Indonesia ang nakumpleto ang kanilang unang solong paglipad sa Rafale fighter jet sa pagsasanay sa France noong Setyembre. [Indonesian Air Force/X]

Sinabi ng mga opisyal ng France at Indonesia na ang pagbili ay hindi lamang nagpapalakas ng ugnayang pandepensa ng dalawang bansa kundi ipinakikita rin ang tiwala ng Jakarta sa Paris bilang isang stratehikong katuwang.

Ang programang Rafale ay naging pangunahing elemento ng pagsisikap ng Indonesia na gawing moderno ang puwersang panghimpapawid nito at palakasin ang depensa sa buong Indo-Pacific, kung saan nagpapatuloy ang mga tensyon sa South China Sea at mga alitan sa teritoryo sa rehiyon. Kasama ang Indonesia sa mga bansang nagpapatakbo ng French-made jets tulad ng Egypt, Qatar, United Arab Emirates, at India.

Ang pagbebenta ay isang mahalagang bahagi ng estratehiya ng France sa pag-export ng depensa at bahagi ng pagsisikap nito na palalimin ang ugnayang panseguridad sa buong Asya habang pinalalawak ng China ang impluwensya nito.

Sinabi ni Harjono na magpapalakas ang mga Rafale sa hukbong panghimpapawid ng Indonesia, na kasalukuyang gumagamit ng mga eroplano tulad ng T-50, Hawk 100/200, Sukhoi Su-30, at F-16.

Pinili ng Indonesia ang Rafale sa kabila ng pressure at mas murang alternatibo tulad ng J-10C ng China.

Ayon sa ulat ng China Global South Project nitong Mayo, nagpapatakbo ang Jakarta ng isang halo-halong fleet ng mga eroplano na nagmumula sa Estados Unidos, Russia, at Europa.

Ipinahiwatig nito na ang “pagsasama ng kumpletong Chinese defense ecosystem” ay maaaring magdulot ng mas maraming komplikasyon kaysa sa benepisyo para sa Jakarta.

Pagkontra sa disimpormasyon

Ang pagpapasya na ituloy ang kasunduan sa sa France ay kasunod ng tinawag ng Paris na isang “malaking kampanya ng disimpormasyon” nitong mga unang buwan ng taon na naglalayong pahinain ang tiwala sa kakayahan ng Rafale.

Lalong tumindi ang online campaign matapos ang apat na araw ng sagupaan sa pagitan ng India at Pakistan noong Mayo, kung saan kumalat ang mga hindi beripikadong ulat na nagsasabing ilang Indian Rafale ang napabagsak. Ayon sa Pakistan, pinabagsak ng kanilang hukbong panghimpapawid ang limang eroplano ng India, kabilang ang tatlong Rafale.

Mariing pinabulaanan ng mga opisyal ng Pransya ang naturang mga pahayag. Ayon kay Gen. Jérôme Bellanger, hepe ng French Air Force, ipinakikita ng mga ebidensya na tatlong sasakyang panghimpapawid ng India ang nawala: isang Rafale, isang Sukhoi na gawa sa Russia, at isang Mirage 2000.

Ayon sa ulat ng Associated Press (AP) noong Hulyo, natuklasan ng mga ahensiyang intelihensiya ng France na mahigit 1,000 bagong likhang account sa social media ang nagpapalaganap ng mga naratibong nagtataguyod sa umano’y pagiging superior ng teknolohika ng China kaysa sa Rafale.

Ang di-umano’y kampanya ay hindi limitado sa online na plataporma. Ayon sa ulat ng AP, pinalakas din ito sa pamamagitan ng mga hakbang diplomatiko, kung saan iniulat na nagpalaganap ng pagdududa sa Rafale ang mga Chinese defense attaché upang hikayatin ang mga bansang mamimili, kabilang ang Indonesia, na "huwag nang bumili pa at himukin ang iba pang potensyal na mamimili na pumili ng mga eroplanong gawa ng China."

Sinabi ni Justin Bronk, isang espesyalista sa airpower mula sa Royal United Services Institute, sa AP na maaaring hangad ng China na "pahinaan ang ugnayang panseguridad na binubuo ng France sa mga bansang Asyano sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng pangamba tungkol sa mga kagamitang ipinadadala nito."

"Mula sa pananaw ng pagpapaliit sa impluwensya ng Kanluran sa Indo-Pacific, makatuwiran para sa China na gamitin ang performance ng mga sistemang pandigma ng Pakistan — o kahit ang sinasabing performance lamang — sa pagbagsak ng kahit isa lang na Rafale bilang taktika para pahinain ang atraksyon ng Rafale bilang produktong pang-export," sabi niya.

Pagpapakas ng ang ugnayang Indonesia at Pransya

Bukod sa Rafale program, pumayag ang Indonesia na bumili ng dalawang Scorpene-class submarine mula sa Naval Group ng France noong 2024, at noong 2023 ay inanunsyo rin ang pagbili ng 13 long-range air-surveillance radars mula sa Thales.

Nagsagawa ng pag-uusap noong Nobyembre 13 sina Indonesian Defense Minister Sjafrie Sjamsoeddin at French Ambassador Fabien Penone na nagbigay-diin sa "lumalagong pagtutulungang pandepensa ng dalawang bansa, na ngayon ay itinaas na sa antas ng estratehikong pagtutulungan," iniulat ng Asia Today.

Muling pinagtibay ng magkabilang panig ang kanilang pangako na palalimin ang pagtutulungang pandepensa sa pamamagitan ng makabuluhang diyalogo at paggalang sa isa’t isa, na may iisang layunin na suportahan ang kapayapaan at katatagan sa rehiyon ng Indo-Pacific.

Nakikipag-ugnayan din ang France at Indonesia sa pamamagitan ng ilang rehiyonal na mekanismo, kabilang ang Indian Ocean Rim Association, Western Pacific Naval Symposium, Indo-Pacific Oceans Initiative, at Heads of Asian Coast Guard Agencies Meeting.

Nagustuhan mo ba ang artikulong ito?

Policy Link

Captcha */Patunay na Hindi Robot *