Kakayahan

$40 bilyong dagdag sa depensa, plano ng Pangulo ng Taiwan sa loob ng 8 taon

Kasabay ng pagbili ng mga bagong armas, nangako si Pangulong Lai na pabibilisin ang pagbuo ng T-Dome air-defense network, isang multilayered system na pinagsama-sama ang AI, mga missile interceptor, at mga drone.

Nagsalita si Taiwanese President Lai Ching-te sa Taipei noong Nobyembre 26, at inilahad ang panukalang $40 bilyong dagdag sa depensa upang hadlangan ang China. [I-Hwa Cheng/AFP]
Nagsalita si Taiwanese President Lai Ching-te sa Taipei noong Nobyembre 26, at inilahad ang panukalang $40 bilyong dagdag sa depensa upang hadlangan ang China. [I-Hwa Cheng/AFP]

Ayon AFP at Focus |

Sinabi ni Taiwanese President Lai Ching-te noong Nobyembre 26 na magmumungkahi ang kanyang pamahalaan ng karagdagang $40 bilyong pondo para sa depensa sa loob ng walong taon, habang nagsisikap ang demokratikong isla na hadlangan ang posibleng pananakop ng China.

"Ang pangunahing layunin ay makapagtatag ng kakayahang pangdepensa na permanenteng magtatanggol sa demokratikong Taiwan," sabi ni Lai sa isang press conference sa Taipei, isang araw matapos niyang ianunsyo ang $40 bilyong plano sa depensa sa sa isang opinyong artikulo sa Washington Post. Hindi niya binanggit sa nasabing artikulo kung kailan planong gastusin ang halagang iyon.

Tumaas ang gastusin sa depensa ng Taiwan sa nakalipas na dekada habang tumindi ang panggigipit ng militar ng China, ngunit hinikayat ng administrasyon ni US President Donald Trump ang isla na palakasin pa ang kakayahan nitong ipagtanggol ang sarili.

Mas maraming armas, mas maraming asimetrikong kakayahan

Ang karagdagang pondo ay ilalaan sa "makabuluhang pagbili ng mga bagong armas sa United States, ngunit higit ding palalakasin ang asimetrikong kakayahan ng Taiwan," sabi ni Lai sa Post.

Infographic chart na nagpapakita ng kabuuang gastos ng militar, bahagi ng GDP, at bahagi ng gastusin ng gobyerno para sa mga piling teritoryo sa Asia-Pacific. [Nicholas Shearman/AFP]
Infographic chart na nagpapakita ng kabuuang gastos ng militar, bahagi ng GDP, at bahagi ng gastusin ng gobyerno para sa mga piling teritoryo sa Asia-Pacific. [Nicholas Shearman/AFP]

"Ipinakikita ng pamumuhunang ito ang aming paninindigan sa pagtatanggol ng demokrasya ng Taiwan," sabi niya, tinawag ang package na ito na isang makasaysayang hakbang na layong ipagpaliban o pigilan ang anumang pag-atake.

Sinabi ni Lai na nanatiling "matatag" ang Taiwan sa kabila ng rekord na paglusob ng Chinese People's Liberation Army, na nagsagawa ng mga pagsasanay na lumampas sa estratehikong first island chain .

Kabilang sa chain na iyon ang Japan, Taiwan, at Pilipinas.

Sabi ni Lai sa Post na ipinapakita ng mga pagsasanay ang tumitinding kahandaan ng Beijing na baguhin ang kasalukuyang kalagayan sa pamamagitan ng puwersa.

Dagdag pa niya, "Ang di-pangkaraniwang pagpapalakas ng militar ng People's Republic of China, kasabay ng tumitinding mga probokasyon sa Taiwan Strait, East at South China Seas at sa buong Indo-Pacific, ay nagpapakita ng kahinaan ng kapayapaan sa rehiyon," bilang paglalarawan kung bakit ang karagdagang budget ay mahalagang tugon sa lumalawak na hamong estratehiko.

Matinding ambisyon ng Beijing

Hindi kailanman namuno ang Communist China sa Taiwan, ngunit inaangkin ng Beijing na bahagi ng teritoryo nito ang isla at nagbanta na gagamit ng puwersa upang sakupin ito .

Inanunsyo ito kasabay ng ilang linggong hidwaan sa diplomasya sa pagitan ng Tokyo at Beijing na nagsimula matapos imungkahi ni Japanese Prime Minister Sanae Takaichi na maaaring makialam ang Japan sa militar sakaling umatake ang China sa Taiwan.

Nagkaroon ng alitan sa kamakailang pag-uusap sa telepono nina Trump at Chinese leader Xi Jinping, nang igiit ni Xi ang soberanya ng China sa Taiwan.

Ang hidwaang Sino-Japanese ay naganap matapos aprubahan ng US nitong buwan ang $330 milyong halaga para sa mga bahagi at komponent ng unang armas na ibinenta sa Taiwan sa ilalim ng ikalawang administrasyon ni Trump .

Detalye ng gastusin ng Taiwan

Si Lai, na pinuno ng Democratic Progressive Party, ay naglatag ng mga plano na itaas ang taunang gastusin sa depensa sa higit 3% ng GDP sa susunod na taon at 5% pagsapit ng 2030. Ipinapakita ng datos ng pamahalaan na maaaring umabot sa $30.25 bilyon ang gastusin sa depensa sa 2026, o 3.32% ng GDP, ang unang pagkakataon mula 2009 na aabot sa ganitong halaga.

Kasabay ng pagbili ng mga bagong armas, nangako si Lai na pabibilisin ang pagbuo ng T-Dome air-defense network, isang multilayered system na pinagsama-sama ang AI-enabled early warning, missile interceptors, depensa laban sa mga drone, at counter-air platforms. Ayon sa ulat Bloomberg, natalakay na rin niya ang parehong argumento sa mga naunang pakikipag-ugnayan sa mga tagapakinig sa US, bilang bahagi ng estratehiya upang matiyak na nauunawaan ng Washington ang banta.

Binigyang-diin ni Lai ang mga bagong hakbang upang palakasin ang pagtutulungan ng pamahalaan, militar at civil society sa pamamagitan ng Whole-of-Society Defense Resilience Committee na itinatag noong nakaraang taon. Palalakasin ng komite ang kakayahan ng Taiwan na tumugon sa mga natural na sakuna o krisis na gawa ng tao, aniya.

“Malinaw ang mensahe ko dito: Ang dedikasyon ng Taiwan sa kapayapaan at katatagan ay hindi matitinag,” sabi ni Lai sa Post. “Walang bansang mas determinadong protektahan ang kinabukasan ng Taiwan kaysa sa sariling bansa namin mismo.”

Mga balakid sa Taiwan

Ngunit posibleng mahirapan ang pamahalaan na makakuha ng pag-apruba mula sa parlamento, na kontrolado ng oposisyon -- ang Kuomintang at Taiwan People's Party. Tinuligsa ni Kuomintang chairperson Cheng Li-wun ang mga layunin ni Lai, na sinasabing "wala namang ganoon kalaking pera" ang Taiwan.

Ayon sa ulat ng Bloomberg, mabigat ang pagdaraanan ng mga espesyal na budget tulad nito dahil kailangan ang pag-apruba ng lehislatura.

Ngunit iginiit ni Lai na nananatiling bukas ang Taiwan sa pakikipag-usap sa Beijing. Isinulat niya na habang patuloy na naghahanap ang Taipei ng mga oportunidad para sa pag-uusap, ang mga patakaran nito ay “nakabatay sa higit pa kaysa sa hangarin lamang.”

Nagustuhan mo ba ang artikulong ito?

Policy Link

Captcha */Patunay na Hindi Robot *