Ayon sa Focus at AFP |
TOKYO — Nagkaroon muli ng sagupaan sa dagat ang mga barko ng Japan at China malapit sa pinag-aagawang Senkaku Islands noong Disyembre 2, ayon sa mga coast guard ng Japan at China, habang lalo pang tumitindi ang tensyon sa iba't ibang daluyan ng diplomasya.
Tinatawag ng China ang mga isla na Diaoyu Islands. Pinangangasiwaan naman ito ng Japan at itinuturing na teritoryo ng Japan, ngunit inaangkin din ito ng Beijing at Taipei.
Lalong lumala ang tensyon sa ugnayan ng China at Japan mula noong Nobyembre, nang ipahiwatig ng bagong Prime Minister ng Japan na si Sanae Takaichi na handa ang Tokyo sa aksyong militar sakaling umatake ang China sa Taiwan.
Itinuturing ng China ang Taiwan, na may sariling pamamahala, bilang bahagi ng teritoryo nito at hindi nito isinasantabi ang paggamit ng puwersa upang mapasailalim ang isla sa kanilang kontrol.
![Ang Prime Minister ng Japan na si Sanae Takaichi (gitna) ay nagsalita noong Nobyembre 26 sa Tokyo sa isang debate sa parliament, kung saan sentro ng talakayan ang lumalalang ugnayan ng Japan at China matapos ang kanyang pahayag tungkol sa Taiwan. [Kazuhiro Nogi/AFP]](/gc9/images/2025/12/02/52986-afp__20251126__868f7ke__v1__highres__japanpolitics-370_237.webp)
Panggigipit sa isang barkong pangingisda ng Japan
Sa pinakahuling insidente, lumapit ang mga barko ng China Coast Guard (CCG) sa isang barkong pangingisda ng Japan, ngunit agad silang pinatigil at inutusan ng barkong nagpapatrolya ng Japan na lisanin ang lugar.
“Ang paglalayag ng Chinese Coast Guard sa karagatang sakop ng Japan sa paligid ng Senkaku Islands, habang iginigiit nilang pag-aari ang teritoryo, ay malinaw na paglabag sa pandaigdigang batas,” ayon sa coast guard. Dagdag pa nila, nanatili sa kalapit na tubig ang dalawang Chinese vessel at iba pang sasakyang pandagat.
Iba naman ang naging pahayag ni CCG spokesman Liu Dejun, na nagsabing “illegal na pumasok sa karagatang sakop ng China” ang Japanese fishing vessel.
Ang paghaharap na ito ay sinundan ng isang insidente noong Nobyembre 16 sa mismong lugar kung saan hindi pinakinggan ng mga armadong barko ng China ang utos ng Japan na umatras at ipinagtanggol naman ng Beijing na ayon sa batas ang kanilang mga patrolya.
Ang mga bagong banggaang pandagat na ito ay kasabay ng mas pinaigting na politikal at diplomatikong pandidiin ng Beijing sa Tokyo matapos magsalita si Takaichi tungkol sa Taiwan. Noong ika-1 ng Disyembre, kinondena ni Lin Jian, tagapagsalita ng Chinese Foreign Ministry, ang Japan dahil sa pagtampok ng kanilang pag-aangkin sa teritoryo sa National Museum of Territory and Sovereignty.
Malubhang epekto sa UN
Kasabay ng tensyong pandagat ang umiinit na palitan sa United Nations (UN). Sumulat ang Chinese Ambassador to the UN na si Fu Cong sa UN Secretary-General na si António Guterres noong ika-2 ng Disyembre, hinihimok ang Tokyo na itigil ang “paglilipat ng sisi” kaugnay ng komento ni Takaichi, ayon sa Chosun Daily ng South Korea.
Sa isang mas naunang liham noong Nobyembre 21, inilalarawan ni Fu ang mga pahayag ni Takaichi tungkol sa Taiwan bilang bagong banta militar.
Sumagot noong Nobyembre 25 si Yamazaki Kazuyuki, Japanese Ambassador sa UN, na kinumpirma ang pangunahing paninindigan ng Tokyo sa “passive defense” at tinanggihan ang argumento ng China, ayon sa Reuters.
Ayon sa ilang analyst na sinipi ng Chinese at Japanese media, maaaring tinitingnan ng Beijing si Takaichi bilang short-term leader at handa itong tiisin ang posibleng lalong paglala ng relasyon habang siya ay nasa pwesto.
Taiwan, sentro ng tensyon mula Nobyembre
Nagkakaproblema ang relasyon ng China at Japan mula nang nagpahayag si Takaichi tungkol sa Taiwan. Itinuturo ng Beijing si Takaichi bilang dahilan ng paglala ng tensyon.
Sa isang regular na briefing ng Chinese Foreign Ministry noong Disyembre 2, iginiit ni Lin Jian, tagapagsalita ng ministeryo, na dapat tuparin ng Tokyo ang kanilang mga politikal na obligasyon, bawiin ang mga pahayag ni Takaichi, at magsagawa ng “pagninilay-nilay sa sarili.”
Pinalakas pa ng Chinese state media, kasama ang People's Daily, Xinhua, at Global Times, ang kanilang kritisismo, gamit ang mga military analyst at mga scholar habang ginugunita ng Beijing ang ika-80 anibersaryo ng pagkatalo ng Japan sa World War II.
Gayunman, nang sumuko ang Japan noong 1945, apat pang taon bago tuluyang makuha ng mga Communist ang kapangyarihan sa China.
Pinalalala ng Beijing ang nasyonalistikong retorika ng ‘wolf warrior’ at ginagamit ang mga pandaigdigang organisasyon at embahada sa ibang bansa upang hadlangan ang Japan sa pagsuporta sa Taiwan, ayon sa konserbatibong pahayagang Yomiuri Shimbun ng Japan.
![Isang barko ng China Coast Guard ang nagpapatrolya malapit sa Senkaku Islands sa East China Sea noong Nobyembre 2016, sa gitna ng mga pagpasok ng China sa mga islang pinangangasiwaan ng Japan. [AFP]](/gc9/images/2025/12/02/52985-ccg_senkaku-370_237.webp)