Kakayahan

Chinese-made air defenses, masusing sinusuri matapos ang US raid sa Venezuela

Hindi nakita o napigilan ng air defense system ng Venezuela, na galing sa Russia at Tsina, ang puwersa ng US na pumasok at dumakip sa diktador ng bansa.

Ipinapakita sa larawang ito na walang petsa ang JY-27A radar system ng Tsina na ginagamit para sa malayuang pagmamanman sa himpapawid. Isa ito sa mga kagamitang militar na ine-export ng Beijing. [China Defence]
Ipinapakita sa larawang ito na walang petsa ang JY-27A radar system ng Tsina na ginagamit para sa malayuang pagmamanman sa himpapawid. Isa ito sa mga kagamitang militar na ine-export ng Beijing. [China Defence]

Ayon kay Zarak Khan |

Dahil hindi napigilan ng mga puwersa ng Venezuela ang pag-aresto ng puwersa ng US kay Nicolás Maduro, kinukuwestyon ngayon ng mga analyst kung epektibo nga ba ang mga armas na gawa ng Russia at Tsina.

Hindi napigilan ng security system ng Venezuela ang special operations team ng US, na pinatay ang mga bodyguard ni Maduro at dinala siya at ang kanyang asawa sa Estados Unidos upang humarap sa paglilitis.

Ayon sa mga eksperto sa depensa, ibinunyag ng paglusob noong Enero 3 sa Caracas kung gaano kahina ang air defense system na gawa sa mga sensor ng Tsina at mga missile ng Russia.

Pagsuporta ng Tsina sa Venezuela

Sinisikap ng Tsina na palakasin ang ugnayang militar nito sa Latin America, lalo na sa Venezuela, sa pamamagitan ng pagbenta ng armas, mga programa sa pagsasanay, at kooperasyong pandepensa.

Makikita sa larawan mula sa Flightradar24 na halos walang lumilipad na eroplano sa himpapawid ng Venezuela habang niyanig ng mga pagsabog ang kabisera na Caracas noong Enero 3. [Flightradar 24/AFP]
Makikita sa larawan mula sa Flightradar24 na halos walang lumilipad na eroplano sa himpapawid ng Venezuela habang niyanig ng mga pagsabog ang kabisera na Caracas noong Enero 3. [Flightradar 24/AFP]

Dahil sa mga pautang, mga proyektong pang-imprastraktura, at suportang diplomatiko, natulungan ng Beijing na makayanan ng rehimen ni Maduro ang mga parusa ng US.

Noong 2023, lalo pang pinagtibay ang ugnayan ng Tsina at Venezuela nang ideklara nina Pangulong Xi Jinping at Maduro ang isang “all-weather strategic partnership.” Ipinakita nito ang hangarin ng Tsina na palakasin ang impluwensiya nito sa Latin America.

Ayon sa ulat ng Council on Foreign Relations noong Hunyo, nang ipagbawal ng US ang pagbebenta ng armas sa Caracas noong 2006, naging nangungunang mamimili sa Latin America ng mga kagamitang militar na gawa sa Beijing ang Venezuela.

Ayon sa datos ng Washington-based Center na Strategic and International Studies, nakuha ng Venezuela ang 85.8 % ng mga armas na ibinenta ng Tsina sa North and South America mula 2010 hanggang 2020.

Parang sayang lang ang perang ginastos.

Mas malalakas na armas ng US

Iniulat ng Newsweek noong Enero 6, na "hindi lang sa galing ng intelligence ng US sa Caracas ang ipinakita ng raid kay Maduro, inilantad din nito kung gaano kalimitado o kung mabisa ang mga radar na gawa ng Tsina na ginagamit ng Venezuela.

“Habang papalapit ang mga eroplanong pandigma ng US sa baybayin ng Venezuela, ginamit ng Estados Unidos ang iba't ibang tulong mula sa SPACECOM [US Space Command], CYBERCOM [US Cyber Command], at iba pang miyembro ng interagency [task force] upang gumawa ng ligtas na ruta sa himpapawid,” sabi ni Gen. Dan Caine, chairman ng US Joint Chiefs of Staff, sa isang press conference noong Enero 3 sa Florida.

Ang mga hakbang na isinagawa ng US ay nagpahina sa mga air defense ng Venezuela, kasama ang Chinese‑made na mga JY‑27A radar mula sa China Electronics Technology Group Corp., at mga sistemang Russian tulad ng S‑300VM missile na dapat sana’y nagbabantay sa mahahalagang lugar tulad ng Caracas.

Ipinagmamalaki ng Beijing ang mga radar na ito na kayang makita ang mga stealth aircraft ng US. Sinimulang gamitin ito ng Venezuela noong Setyembre.

Noong Oktubre, sinabi ni Gen. Vladimir Padrino López, defense minister ng Venezuela, na naka‑detect ang kanilang network ng mga US F‑35 stealth fighter na 75 kilometro mula sa baybayin ng Venezuela.

Hindi gumanang network

Ang pagkabigo ng mga mamahaling imported system ng Venezuela na "makita o pigilan ang mga puwersa ng US" noong Enero 3 ay nagdulot ng mga pagdududa kung epektibo ba talaga ang mga teknolohiyang militar ng Tsina, sabi ni David Wurmser, dating tagapayo ng pamahalaan ng US.

“Hindi gumana ang buong air defense,” sinabi ni Wurmser sa Nikkei Asia, at inihalintulad niya ito sa mga hindi epektibong air defense ng Iran noong nakaraang taon sa mga pag-atake ng Israel at US.

“Muli nitong pinakita kung gaano kahina ang mga armas na galing sa Tsina, Russia, at Iran,” dagdag pa ni Wurmser.

Itinuturing ng mga eksperto sa militar ang nangyari sa Caracas bilang isang dagok para sa industriya ng depensa ng Tsina, na nakaranas na ng pagtutol mula sa mga customer sa mga nakaraang taon. Ipinapakita rin ng mga datos ng Stockholm International Peace Research Institute na hindi kumikita o hindi lumalago ang bentahan ng mga armas ng Tsina sa mga nakaraang taon.

Mababa ang bentahan dahil sa paulit-ulit na mga reklamo ng ilang bansa na bumili ng mga armas, tulad ng problema sa maintenance at hindi maayos na pagkakabit sa kanilang lumang sistema.

Ayon kay Eric Hundman, isang analyst ng Tsina, hindi bababa sa 23 bansa ang bumili ng mga air defense radar na gawa ng Tsina, at kabilang dito ang Venezuela at Pakistan.

Ayon sa isinulat ni Hundman sa isang ulat noong Marso para sa China Aerospace Studies Institute, isang US Air Force-affiliated think tank, ang “paminsan-minsang ulat hinggil sa mga problema sa kakayahan at pagiging maaasahan” ay nagpapahiwatig na nahihirapan ang mga gumagawa mula sa Tsina na makipagkumpitensya nang epektibo sa sektor na ito.

Lalo pang pinapalala ng kaguluhan sa loob mismo ng militar ng Tsina ang pagdududa sa pagiging maaasahan ng kanilang mga armas. Kabilang dito ang malawakang pagtatanggal ng mga senior na opisyal ng People's Liberation Army na namamahala sa pagbili ng armas at missile forces -- na ayon sa mga tagamasid, nagpapakita ito ng mas malalim na kahinaan sa institusyon.

'Hindi gumagana'

Gayunpaman, kahit ang pinakamahuhusay na sistema ay mabibigo kung walang maayos na maintenance.

Ayon sa isang ulat noong Hunyo mula sa Miami Strategic Intelligence Institute (MSI²), may "matinding pagkasira at manipulasyon" sa air defense system ng Venezuela at nagbabala na ito ay nasa “kritikal na kondisyon.”

Sabi sa ulat, mahigit 50% ng mga JYL-1 at JY-11B long-range radar na gawa ng Tsina ay "hindi gumagana dahil kulang ang mga piyesa."

Ayon sa ulat, "sobrang limitado" ang paggamit ng Russian-made Su-30MK2 fighter jets, at mas mababa naman sa 30% ng mga Chinese-made K-8W Karakorum fleet ang talagang gumagana at “kulang sa air-to-air radar.”

Nagustuhan mo ba ang artikulong ito?

Policy Link