Kakayahan

Namumunong partido ng Japan, pinalalakas ang pangangalap ng intelihensiya

Plano ng pamahalaan na maglagay ng mga missile malapit sa Taiwan pagsapit ng 2030 at bumuo ng pinalakas na ahensiya ng intelihensiya.

Isang poster ni Prime Minister Sanae Takaichi, ng Liberal Democratic Party ang makikita sa tabi ng poster ng Sanseito Party sa Date, Hokkaido, Japan noong Pebrero 22. [Yuichi Yamazaki/AFP]
Isang poster ni Prime Minister Sanae Takaichi, ng Liberal Democratic Party ang makikita sa tabi ng poster ng Sanseito Party sa Date, Hokkaido, Japan noong Pebrero 22. [Yuichi Yamazaki/AFP]

Ayon sa AFP at Focus |

TOKYO -- Inihayag ng namumunong partido ni Prime Minister Sanae Takaichi ng Japan ang pag‑apruba sa mga plano upang palakasin ang kakayahan ng bansa sa pangangalap ng intelihensiya, ayon sa isang opisyal ng partido noong Pebrero 27, habang isinusulong ng prime minister ang malawakang reporma sa depensa.

Matapos ang isang malaking tagumpay sa snap election noong nakaraang buwan, nangako si Sanae Takaichi na gagawing “malakas at masagana” ang Japan sa pamamagitan ng mga pangunahing pagbabago sa patakaran, kasama na ang depensa at intelihensiya.

Samantala, inanunsyo ni Defense Minister Shinjiro Koizumi noong Pebrero 24 na balak ng Japan na maglagay ng mga surface-to-air missile sa Isla ng Yonaguni pagsapit ng taong 2030. Ang isla, na bahagi ng Okinawa prefecture, ay nasa 110 km lamang sa silangan ng Taiwan. Bahagi ito ng mas malawak na pagpapalakas ng depensa na sumasaklaw sa mga isla sa timog-kanluran ng Japan.

Isinasakatuparan ang mga plano habang nagpapatuloy ang ilang buwang diplomatikong hidwaan sa pagitan ng Japan at Tsina dahil sa mga pahayag ni Takaichi tungkol sa Taiwan.

Pagpapalakas ng pangangalap ng intelihensiya

Bilang tugon ni Takaichi sa lumalalang ugnayan ng Japan sa Tsina, pinagsisikapan nitong palakasin ang pangangalap ng intelihensiya ng bansa.

Kabilang sa panukalang inaprubahan ng intelligence strategy headquarters ng Liberal Democratic Party (LDP) ang pagtatatag ng isang mas pinahusay na intelligence bureau at ang pagpapalakas ng “kakayahan sa pangangalap ng dayuhang intelihensiya,” sinabi ng ng isang opisyal ng LDP sa AFP.

Nakasaad din sa panukala ang pagtatakda ng sapilitang sistema ng pagpaparehistro para sa mga dayuhang ahente -- tulad ng mga indibiduwal at korporasyong nagsusulong ng interes ng ibang pamahalaan sa loob ng Japan -- bilang bahagi ng mga hakbang sa kontra-intelihensiya.

Ang plano, kabilang ang pagbabawal sa paggamit ng mga mobile phone sa mahahalagang gusali ng gobyerno, ay inaasahang isusumite kay Sanae Takaichi ngayong linggo, ayon sa iniulat ng Asahi Shimbun at iba pang lokal na media.

“Isa sa mga pangunahing haligi ng malaking pagbabago sa patakaran (sa ilalim ni Takaichi) ay ang masusing pagpapalakas ng intelihensiya,” sabi ni Takayuki Kobayashi, pinuno ng patakaran ng LDP, sa pulong noong Pebrero 26 kung saan inaprubahan ng mga kasapi ang mga plano.

“Ang simpleng paggawa lamang ng isang organisasyon sa papel ay walang saysay; ang tanong ay kung paano natin ito gagawing isang tunay na buhay at gumaganang institusyon,” sabi niya.

Sa hiwalay na usapin, inihain ng LDP noong Pebrero 25 ang panukalang pagbabago sa mahigpit na regulasyon ng Japan sa pag-export ng kagamitang militar upang payagan ang pag-export ng mga nakamamatay na armas, ayon sa lokal na ulat.

Ngunit, hindi agad nakumpirma ng opisyal ng LDP ang panukala.

Pagbabago sa patakaran sa seguridad ng bansa

Sinabi ni Takaichi na plano niyang rebisahin ngayong taon ang tatlong pangunahing dokumento ng patakaran sa seguridad ng bansa upang mas maipakita ang nagbabagong kalagayan ng seguridad sa rehiyon.

Nakilala si Takaichi bilang China hawk (matindi ang pagtutol sa Tsina) bago pa man siya maupo bilang prime minister noong Oktubre, at ipinahayag niya noong Nobyembre na maaaring makialam ang Japan sa pamamagitan ng aksyong militar kung magtatangkang sakupin ng Beijing ang Taiwan gamit ang puwersa.

Nagalit ang Tsina, na itinuturing ang demokratikong isla bilang bahagi ng teritoryo nito at hindi isinasantabi ang paggamit ng puwersa para sakupin ito.

Ipinatawag ng Tsina ang ambassador ng Tokyo at nagbigay ng babala sa mga Chinese sa pagbisita sa Japan. Noong Disyembre dalawang beses itinutok ng mga J‑15 jet ng Liaoning aircraft carrier ng Tsina ang radar sa mga eroplano ng Japan malapit sa Okinawa, ayon sa Japan.

Nangako si Sanae Takaichi na matibay niyang poprotektahan ang teritoryo sa karagatan at himpapawid ng Japan.

Sinabi ni Foreign Minister Wang Yi ng Tsina sa Munich Security Conference noong nakaraang buwan, na ang mga puwersa sa Japan ay naghahangad na “ibalik ang militarismo.”

Bagama’t sinabi ni Takaichi sa parliyamento na hindi niya babaguhin ang mga patakaran, iniulat ng lokal na media na pinag-iisipan niya ang pagpapahintulot sa mga sandatang nuklear ng US sa teritoryo ng Japan, isang pagbabago sa matagal nang prinsipyo ng Japan na non-nuclear.

Nagustuhan mo ba ang artikulong ito?

Policy Link