Ayon kay Vasudevan Sridharan |
Ang batong pundasyon na inilatag noong unang bahagi ng taong ito para sa pasilidad ng semiconductor ng HCL Group-Foxconn sa hilagang estado ng India na Uttar Pradesh ay hindi na lamang maituturing na isang karaniwang anunsiyo sa industriya.
Ang HCL Group ay isang teknolohiyang conglomerate sa India. Samantala, ang Foxconn, na nakabase sa Taiwan, ay ang pinakamalaking kontraktuwal na tagagawa ng elektronikong produkto sa buong mundo.
Ang itinatayong planta ay naging isang malinaw na larawan ng pagtutulungan ng India at Taiwan sa pandaigdigang paggawa ng chip. Nagtutulungan sila dahil sa magkatuwang na ambisyon, pangangailangang pampulitika, at estratehikong pagkakatugma.
Bagama't mas maliit ang kamakailang inilunsad na proyekto kumpara sa karamihan ng mga makabagong planta ng paggawa, kapansin-pansin pa rin ang kahalagahan nito. Inaprubahan ito na may puhunan na humigit-kumulang 37 bilyong INR ($393 milyon). Ang pasilidad na malapit sa isang paliparan ay idinisenyo upang gumawa ng mga display driver chip at magproseso ng humigit-kumulang 20,000 wafer kada buwan. Inaasahang magsisimula ang komersyal na produksyon sa 2027.
![Ipinakita ng Foxconn ang mga artificial intelligence server system, humanoid robot, at modular data center technologies sa NVIDIA GTC 2026, isang teknolohiyang kombensiyon, sa San Jose, California, noong Marso 16. [Hon Hai Technology Group (Foxconn)]](/gc9/images/2026/03/27/55316-gtc_foxconn_booth_ai-powered_industrial_humanoid_robots_20260317_1488-370_237.webp)
Hari ang mga chip
Mahalaga ang mga chip na ito sa paggawa ng mga smartphone, laptop, at sasakyan, at nasa gitna ng lumalagong sektor ng pagmamanupaktura ng electronics sa India. Mahalaga rin ang paglagay ng pasilidad sa Uttar Pradesh, isang estado na nakaranas ng mabilis na paglago ng industriya sa mga nakaraang taon.
Itinuring ni Punong Ministro Narendra Modi ang paggawa ng semiconductor bilang sentral sa layunin ng India na maging isang pandaigdigang sentro ng pagmamanupaktura.
Ang yunit ng HCL-Foxconn ay bahagi ng mas malawak na India Semiconductor Mission,kung saan isinusulong ng India ang pagtatayo ng iba’t ibang pasilidad para sa assembly at testing.
Pinagsasama ng pinakabagong pakikipagtulungan ang husay sa engineering at sistema ng HCL sa pandaigdigang lawak ng pagmamanupaktura at mga kakayahan sa semiconductor ng Foxconn. Kaayon ng joint venture na ito ang pagsusumikap ng India na pagsamahin ang lokal na talento at pangangailangan sa merkado sa dayuhang teknolohiya at karanasan sa supply chain.
"Ang industriya ng semiconductor ng India ay nasa maagang yugto pa lamang at pinalalakas ang mga kakayahan nito sa pamamagitan ng matibay na suporta ng pamahalaan," sabi ni Prachir Singh, isang senior analyst sa Counterpoint Research, sa Focus.
Sinabi niya na nakatuon ang mga naunang proyekto sa Outsourced Semiconductor Assembly and Test, at idinagdag pa na umaasa ang India na ang itinatayong fabrication plant ng semiconductor ng Tata conglomerate at ng PSMC ng Taiwan sa estado ng Gujarat ay makakatulong dito na makapasok sa mga pandaigdigang supply chain "katulad ng ginawa ng mga bansa gaya ng Malaysia at Singapore."
Inilarawan ng mga ehekutibo sa industriya ang mga kolaborasyong ito bilang mahalaga upang matugunan ang pandaigdigang pangangailangan para sa high-tech habang pinapanatiling matatag ang lokal na kakayahan.
Lumalaking pagkakadepende
Para sa India, malakas ang hatak o atraksyon ng Taiwan. Nangunguna ang mga kumpanyang Taiwanese sa malalaking bahagi ng pandaigdigang semiconductor value chain, mula sa fabrication hanggang packaging. Ang mga kumpanya gaya ng TSMC (Taiwan Semiconductor Manufacturing Co.) ay nakapagtatag ng masalimuot na mga ecosystem sa loob ng mga dekada, na suportado ng siksik na mga network ng supplier. Sa kabilang banda, limitado pa rin ang lalim ng kakayahan sa pagmamanupaktura ng India.
"Para sa planta ng Foxconn-HCL, isa pa itong hakbang sa direksyong ito, na nakatuon sa mga display driver chip, isang segment kung saan makakaasa sila ng matatag na demand... Bahagi ito ng mas malawak na estratehiya ng Foxconn sa pagpapalawak sa India, na kinabibilangan din ng isang yunit ng paggawa ng display sa timog," sabi ni Singh.
Ibinibigay ng Taiwan ang teknolohiya, kaalaman sa proseso, at integrasyon ng supply chain para makahabol ang India.
"Ginagamit ng HCL Technologies, sa pamamagitan ng pakikipagtulungan nito sa Foxconn, ang mga display driver IC [integrated circuits] bilang panimulang hakbang upang bumuo ng mga kakayahan," sabi ni Singh.
Makikita rin sa iba pang mga proyekto ang suporta ng Taiwan sa mga ambisyon ng India sa paggawa ng teknolohiya. Kabilang dito ang mga kolaborasyon sa pagitan ng mga kumpanyang Indian at mga Taiwanese contract manufacturer tulad ng Foxconn, Pegatron at Wistron, na naging sentro ng ecosystem ng paggawa ng electronics sa India.
Geopolitika sa aksyon
Hinubog din ng pabago-bagong geopolitika at kalkulasyong pang-ekonomiya ang interes ng Taiwan sa India. Habang umaangkop ang mga pandaigdigang supply chain sa mga tensyong kinasasangkutan ng Tsina, naghahanap ang mga kumpanya ng mga alternatibong base sa pagmamanupaktura.
Ang India, na may malaking lokal na pamilihan, mga insentibo sa patakaran, at lumalaking puwersang manggagawa, ay nag-aalok ng parehong saklaw at dibersipikasyon sa estratehiyang China+1 ng Kanluran.
Ang patuloy na pagtaas ng kalakalang India-Taiwan, na pangunahing pinapalakas ng mga electronics at IC, ay nagpapakita ng lumalaking pagkakadepende sa isa't isa.
Noong 2025, mahigit 300 kumpanyang Taiwanese ang nagpapatakbo sa India. Nakagawa sila ng humigit-kumulang 200,000 trabaho doon.
Umabot sa mahigit $12.5 bilyon ang kalakalan ng Taiwan at India noong 2025.
Mga balakid na dapat malampasan
Gayunpaman, patuloy na nahaharap sa mga estruktural na hadlang ang mga ambisyon ng India sa semiconductors, mula sa mga kakulangan sa imprastraktura at mababaw na supply chain hanggang sa napakalaking gastos sa paggawa ng chip.
Ipinapakita ng mga nakaraang balakid, kabilang ang mga naantala o muling ginawang proyekto ng semiconductor, ang pagiging kumplikado ng pagpapatupad. Maging ang pasilidad ng HCL-Foxconn, bagama't mahalaga, ay isang yunit para sa assembly at testing lamang sa halip na isang ganap na planta ng paggawa, habang unti-unting itinatayo ng India ang industriya nito upang maiwasan ang mga pagkakamali dahil sa pagmamadali.
Inaasahan ng mga tagamasid na ang mga naturang pamumuhunan ay unti-unting lilikha ng isang ecosystem na kayang suportahan ang mas sopistikadong pagmamanupaktura sa hinaharap. Sa ganitong pananaw, ang proyektong HCL-Foxconn ay isang panimulang hakbang sa pakikipagtulungan ng India at Taiwan sa semiconductor.
![Ipinapakita ang hugis ng India sa isang chip na nasa pagitan ng mga salitang 'Foxconn' at 'HCL.' Itinatampok ng ilustrasyon ang pinagsanib na proyekto ng mga kumpanya sa larangan ng semiconductor at ang pagsisikap ng India na palawakin ang lokal na paggawa ng chip. [Focus]](/gc9/images/2026/03/27/55314-hcl-foxconn-370_237.webp)