Kakayahan

Taiwan: Air-launched Hsiung Feng III sinubok, kakayahang umatake sa mga barko lumawak

Habang mas lumalawak ang naaabot ng mga carrier-based aircraft ng Tsina, hangad ng Taiwan na lagyan ng antiship missile na Hsiung Feng III ang mga fighter aircraft nito.

Isang test launch ng supersonic antiship missile na Hsiung Feng III (HF-3) ng Taiwan mula sa isang pasilidad sa baybayin. [National Chung-Shan Institute of Science and Technology (Taiwan)]
Isang test launch ng supersonic antiship missile na Hsiung Feng III (HF-3) ng Taiwan mula sa isang pasilidad sa baybayin. [National Chung-Shan Institute of Science and Technology (Taiwan)]

Ayon kay Jia Feimao |

Matagumpay na naisagawa ng Hsiung Feng III (HF-3) supersonic antiship missile, na ginawa mismo sa Taiwan, ang kauna-unahang live-fire air-launch test nito mula sa isang Indigenous Defense Fighter, na nagbigay ng karagdagang opsyong pang-atake sa sandatang kilala bilang “carrier killer.”

Kinumpirma noong Hulyo 1 ng National Chung-Shan Institute of Science and Technology ng Taiwan na nakumpleto ng air-launched na bersyon ng HF-3, na binuo sa ilalim ng code name na Hsiung Zhi Project, ang live fire testing sa karagatan sa labas ng Jiupeng sa timog-silangang baybayin ng Taiwan. Ang mga bersyong inilulunsad mula sa lupa at mga barko ay nasa serbisyo na at may tinatayang abot na 150 hanggang 200 kilometro.

Ang aircraft carrier na Fujian ng Tsina, na nilagyan ng electromagnetic catapult system, ay pumasok sa serbisyo noong Nobyembre. Ang mga aircraft nito na nakabase sa carrier ay may kakayahang magsagawa ng operasyon sa layong mahigit 400 kilometro, kaya posibleng makapaglunsad ng pag-atake mula sa labas ng Air Defense Identification Zone ng Taiwan, sinabi ni Shu Hsiao-huang, associate research fellow sa Institute for National Defense and Security Research ng Taiwan, sa Global Views Monthly.

Pagpapalawak ng abot ng missile

Sa kabilang banda, ang mga HF-3 missile ng Taiwan na inilulunsad mula sa lupa at barko ay may tinatayang abot na 150 hanggang 200 kilometro, na nagdudulot ng tinawag ni Shu na “range gap” o kakulangan sa saklaw. Ayon sa kanya, ang paglalagay ng HF-3 sa mga fighter aircraft ay nagpapalawak sa abot nito at maaaring makatulong upang masaklaw ang mga lugar na lampas sa naaabot ng mga missile system na nakabase sa lupa.

Inilunsad ang supersonic antiship missile na Hsiung Feng III (HF-3) ng Taiwan sa isang pinagsamang missile drill na kinabibilangan ng hukbong-dagat at hukbong-himpapawid sa Pingtung County noong Mayo 24, 2022. Maaari itong ilunsad mula sa mga barkong pandigma o mga mobile coastal defense launcher. [Military News Agency (Taiwan)]
Inilunsad ang supersonic antiship missile na Hsiung Feng III (HF-3) ng Taiwan sa isang pinagsamang missile drill na kinabibilangan ng hukbong-dagat at hukbong-himpapawid sa Pingtung County noong Mayo 24, 2022. Maaari itong ilunsad mula sa mga barkong pandigma o mga mobile coastal defense launcher. [Military News Agency (Taiwan)]

Bagama’t maaaring magdala ng mas magaan na warhead ang air-launched na bersyon, ang pagtama nito sa bilis na humigit-kumulang tatlong beses ng bilis ng tunog ay may kakayahan pa ring magdulot ng matinding pinsala sa isang malaking barko sa dagat, ani Shu.

Ayon kay Su Tzu-yun, direktor ng Division of Defense Strategy and Resources sa Institute for National Defense and Security Research ng Taiwan, sa panayam ng Focus, ang mga HF-3 missile na inilulunsad mula sa lupa o dagat ay mas limitado ang paggalaw at mas mahirap itago kumpara sa mga sandatang dala ng mga aircraft.

“Kapag pinagsama ang mismong abot ng missile sa combat radius ng fighter jet, maaari itong lumipad nang napakababa upang makaiwas sa pagtuklas ng kalaban at umatake mula sa mga hindi inaasahang direksyon,” ani Su.

Ang unang taas at bilis ng fighter jet bago ilunsad ang missile ay nakababawas sa enerhiyang kailangan nito, na nakatutulong upang palawigin ang kabuuang abot nitong distansya, ani Su.

Maaaring sa kalaunan ay isama ang air-launched na bersyon sa kasalukuyang mga HF-3 missile ng Taiwan na inilulunsad mula sa lupa at barko, pati na rin sa mga drone, upang makapagsagawa ng magkakasabay na pag-atake laban sa mga hukbong-dagat ng Tsina mula sa marami ay hindi inaasahang direksyon, ani Su.

Ayon sa kanya, maaaring gamitin ang malaking bilang ng mga mabagal na drone upang maglihis ng atensyon sa depensang panghimpapawid ng kalaban, habang ang mas mabilis na HF-3 missile ang magsasagawa ng pangunahing pag-atake. Sa ideyal na senaryo, magtutulungan ang dalawa upang makamit ang “time on target” effect, na magpapalakas sa puwersa ng pag-atake oata sa isang biglaan at mapaminsalang tama sa mga barko ng kalaban.

Kinailangang bawasan ang laki at bigat ng air-launched HF-3 upang umangkop sa mga payload limit ng fighter aircraft. Dahil nagmumula sa himpapawid ang paglulunsad nito, hindi nito kailangan ang dalawang booster na ginagamit ng mga bersyong inilulunsad mula sa lupa at barko. Dahil dito, nabawasan ang bigat ng missile mula 1,500kg hanggang humigit-kumulang 900kg.

Asimetrikong arsenal ng Taiwan

Ang mga antiship missile ay mahalagang bahagi ng arsenal ng Taiwan para sa “asimetrikong pakikidigma," na itinuturing na kritikal sa pagharap sa posibleng pagsalakay o pagharang ng Tsina. Tinataya ng Reuters noong Hunyo na aabot sa 1,850 ang imbentaryo ng antiship missile ng Taiwan pagsapit ng unang bahagi ng 2029, kabilang ang 850 Harpoon missile na gawa sa Estados Unidos at humigit-kumulang 1,000 lokal na gawang HF-2 at HF-3 missile.

Hindi tulad ng subsonic na Harpoon at HF-2 missile, ang supersonic na HF-3 ay lumilipad sa bilis na humigit-kumulang Mach 2.5 at maaaring umabot sa pinakamataas na bilis na Mach 3. Sa sandaling matukoy ng radar ng barko ng kalaban ang paparating na HF-3, wala pang 30 segundo ang natitira bago tamaan ng missile ang target.

“Ang Harpoon ay subsonic at madaling harangin; ang HF-3 naman ay kayang lumusot sa mga depensa sa bilis na Mach 2.5,” isinulat ni Chang Cheng, dating punong inhinyero ng HF-3 program, sa Facebook noong Disyembre. Ang kakayahang supersonic nito, na wala maging sa mga aktibong kagamitang militar ng US, ang nagbibigay sa air-launched HF-3 ng natatanging halaga na hindi madaling mapapalitan sa larangan ng taktika, aniya.

Bukod sa pagiging malaking banta sa mga barko ng kalaban, ang HF-3 ay nagdudulot din ng seryosong panganib sa mga air defense system sa timog-silangang baybayin ng Tsina, ayon sa iniulat ng state-run na Global Times ng Tsina noong 2016, batay sa pahayag ng mga analyst. Dahil sa kakayahan nitong lumipad nang napakababa at tumama sa target mula sa malapit na distansiya, maaaring magkaroon lamang ng isang pagkakataon ang mga depensang iyon upang maharang ito.

Napatunayan nang hindi sinasadya

Hindi pa kailanman nagamit sa labanan ang HF-3, ngunit ang isang hindi sinasadyang pagpapaputok noong 2016 ay nagbigay ng malinaw na patunay sa aktuwal na kakayahan nito.

Habang nasa isang pagsasanay, aksidenteng naitakda ng isang crew member ang missile system sa live combat mode, at lumipad ang HF-3 patungo sa isang simulated target na 74 na kilometro ang layo. Tumama ito sa isang fishing vessel, na ikinamatay ng kapitan at ikinasugat ng tatlong tripulante.

Bagama’t trahedya ang sinapit ng bangka, ipinakita ng insidente ang kakayahan ng missile. Maliit ang cross-section ng sasakyang-dagat at gawa ito sa carbon fiber. Ang dalawang katangiang ito ang nagpapahirap na matukoy at matamaan ito kumpara sa isang barkong pandigma.

Tinawag na "napakabisa" ang HF-3 ng isang source mula sa Ministry of National Defense, na kinapanayam ng Defense News noong panahong iyon.

Nagustuhan mo ba ang artikulong ito?

Policy Link