Ayon kay Ha Er-rui |
Nananawagan ang mga nagpoprotestang Thai na wakasan ang polusyon sa kanilang mga ilog na dulot umano ng mga pagmiminang pinopondohan ng Tsina.
Nagmartsa ang mga nagpoprotesta sa Bangkok habang may dalang mga plakard na may nakasulat na, “Ito ang Thailand, hindi Tiananmen,” at “Itigil ang karahasan laban sa mga tagapagtanggol ng kalikasan.” Nakasaad naman sa iba pang mga plakard ang, “Walang hangganan ang polusyon. Hindi rin dapat magkaroon ng hangganan ang pananagutan,” at “Hindi dapat magdulot ng maruruming ilog ang malinis na enerhiya.”
Nagprotesta ang galít na mga residente ng Thailand sa labas ng Konsulado ng Tsina sa Chiang Mai noong Hulyo 6 at sa Embahada ng Tsina sa Bangkok makalipas ang dalawang araw. Kinondena nila ang mga minahan ng ginto at rare earth sa Myanmar na suportado ng Tsina, na umano'y nagdulot ng matinding polusyon sa mga ilog sa ibabang bahagi ng agos.
Polusyon ng arsenic at lead
Nagprotesta ang mga mamamayan dahil sa mataas na lebel ng arsenic at lead na natagpuan sa mga ilog sa hilagang Thailand. Patuloy na sinusubaybayn ng mga awtoridad ang mga ilog dahil sa mga mabibigat na metal mula nang magsimulang lumitaw ang mga nakababahalang insidente noong huling bahagi ng 2024.
![Nagprotesta ang mga Thai na nakasuot ng mga maskarang naglalarawan kay Pangulong Xi Jinping ng Tsina sa labas ng Embahada ng Tsina sa Bangkok noong Hulyo 8. Nanawagan sila sa Beijing na tugunan ang polusyong tumatawid sa hangganan. [NGO-CCD]](/gc9/images/2026/07/24/57208-1-370_237.webp)
Iniulat ng Bangkok Post noong Mayo 2025 na ang dating malinaw na tubig ng Ilog Kok ay naging maputik. Nagkaroon ng mga pantal ang mga batang naliligo at naglalaro sa ilog, habang napansin naman ng mga magsasaka na nalalanta ang kanilang mga pananim.
Natuklasan ng mga awtoridad noong unang bahagi ng 2025 ang lebel ng arsenic at lead na higit sa ligtas na limitasyon sa distrito ng Mae Ai sa lalawigan ng Chiang Mai, iniulat noon ng Bangkok Post.
Makalipas ang isang taon, nagsagawa ang mga awtoridad ng Thailand ng pagsusuri sa iba't ibang ilog sa mga lalawigan ng Chiang Mai at Chiang Rai mula Abril 27 hanggang Mayo 1. Natuklasan nilang nananatiling higit sa normal ang lebel ng arsenic sa mga Ilog Kok at Sai. Nakakita rin sila ng hindi ligtas na lebel ng manganese sa Ilog Sai, ayon sa Thai news site na The Nation.
Isang protesta, nauwi sa karahasan
Nananatiling mapayapa ang pagtitipon sa Bangkok, ngunit nauwi sa karahasan ang naunang protesta sa Chiang Mai, kung saan dalawang demonstrador ang nasugatan.
Nagsuot ng mga maskarang naglalarawan kay Pangulong Xi Jinping ng Tsina ang mga nagpoprotesta sa Bangkok. Samantala, sa Chiang Mai, simbolikong naghanda ang mga nagpoprotesta ng larb pla -- isang maanghang na pagkaing Thai na gawa sa hilaw na isdang hinuli sa kontaminadong Ilog Kok.
Sa pagbasa ng isang pahayag sa labas ng Embahada ng Tsina sa Bangkok, nanawagan si Lertsak Kamkongsak, tagapangulo ng NGO Coordinating Committee on Development (NGO-COD), sa Beijing na gawing prayoridad ang paglutas sa polusyong tumatawid sa hangganan.
Pagmimina sa gitna ng digmaang sibil
Binanggit sa pahayag ang mga ulat tungkol sa natuklasang mabibigat na metal sa mga daluyan ng tubig sa hilagang Thailand at nanawagan ng imbestigasyon sa mga minahan sa estado ng Shan sa Myanmar na suportado ng Tsina. Binigyang-diin ni Lertsak na ang mga pamumuhunang tumatawid sa hangganan ay dapat may kasamang mga hakbang sa pangangalaga sa kapaligiran at pananagutan ng mga kumpanya sa mga apektadong komunidad sa mga lugar na dinadaluyan ng kontaminadong tubig.
Mabilis na lumawak ang mga pagmimina na suportado ng Tsina sa mga teritoryo ng Myanmar na wala na sa kontrol ng junta sa gitna ng digmaang sibil, ayon sa mga lider ng mga nagpoprotesta.
Ang pagdami ng mga minahan sa mga lugar na kulang sa epektibong pangangasiwa ay nagbibigay na lamang ng maliit na tsansa sa mga komunidad sa ibaba ng agos na papanagutin ang mga responsable sa polusyon, ayon sa kanila.
Pananagutan ng Tsina, iginiit
Sinusuportahan ng Tsina ang mas mahigpit na koordinasyon sa pagitan ng Thailand at Myanmar, ayon sa isang tagapagsalita ng Embahada ng Tsina sa Bangkok. Nanawagan ang embahada sa dalawang bansa na magsagawa ng magkasanib na imbestigasyon sa problema sa lalong madaling panahon.
Iginiit naman ng mga nagprotesta na dapat tuparin ng Beijing ang ipinapahayag nitong pangako na tiyaking sumusunod ang mga kumpanyang Tsino sa ibang bansa sa mga batas ng bansang kanilang pinamumuhunanan, gayundin sa mga "pandaigdigang pamantayan sa pangangalaga sa kalikasan at karapatang pantao," ayon sa pahayag ng NGO-COD sa Facebook.
Hindi dapat isakripisyo ng Tsina "ang mga ilog at komunidad sa ibang bansa para sa sarili nitong kaunlaran" ayon pa sa pahayag. "Kung nakakatawid ng hangganan ang kita, dapat makatawid din ang pananagutan."
![Nagtaas ng mga plakard ang mga nagpoprotestang Thai sa labas ng Embahada ng Tsina sa Bangkok noong Hulyo 8 bilang protesta laban sa polusyon sa ilog na, ayon sa kanila, ay nagmumula sa mga pagmimina sa Myanmar na suportado ng Tsina. [Facebook/NGO Coordinating Committee on Development (NGO-COD)]](/gc9/images/2026/07/24/57206-2-370_237.webp)