Ayon sa AFP |
SYDNEY -- Isang fighter jet ng China ang nagpakawala ng mga flare malapit sa isang eroplano ng Royal Australian Air Force na nagpapatrolya sa South China Sea, ayon sa Australia noong Pebrero 13, na inakusahan ang Beijing ng "mapanganib" na kilos militar.
Mabilis na gumanti ang Beijing at inakusahan ang eroplano ng Australia ng "paglabag sa soberanya ng China at paglalagay sa panganib ng pambansang seguridad ng China."
Inaangkin ng China ang halos buong South China Sea, sa kabila ng isang pandaigdigang desisyon noong 2016 na nagsasabing wala itong legal na batayan.
Isang 'routine' na pagpapatrolya sa pagmamanman ang isinasagawa ng eroplano ng Australia sa pinag-aagawang karagatan noong Pebrero 11 nang lumapit ang sasakyang panghimpapawid ng China, ayon sa departamento ng depensa ng Canberra.
Ang Shenyang J-16 strike jet ay nagpakawala ng mga flare malapit sa nagmamasid na Australian Poseidon. Dagdag pa rito, tinawag nito ang insidente bilang isang 'mapanganib at hindi propesyonal na pagkilos na nagdulot ng panganib sa sasakyang panghimpapawid ng Australia at sa mga tauhan nito.'
Ang gobyerno ng Australia ay 'nagpahayag ng mga alalahanin nito' sa China, ayon sa sinabi ng departamento.
Sinabi ng tagapagsalita ng Chinese Foreign Ministry na si Guo Jiakun na 'nang walang pahintulot mula sa Tsina, ang sasakyang panghimpapawid ng militar ng Australia ay sadyang pumasok sa himpapawid na nasa paligid ng Xisha Islands ng Tsina,' na siyang pangalan ng Beijing para sa Paracel Islands.
"Ang mga hakbang ng China upang paalisin ang sasakyang panghimpapawid ay lehitimo, legal, propesyonal, at mahinahon." Ayon kay Guo
Naghain ang Beijing ng "seryosong protesta" sa Canberra upang hilingin na tapusin na ang "mga paglabag at panunudyo," ayon sa kanya.
'Posibilidad ng matinding pinsala.'
Ang mga flare ay pinakawalan sa layong 30 metro mula sa sasakyang panghimpapawid, na karaniwang may sakay na humigit-kumulang sa siyam na tauhan," ayon kay Australian Defense Minister Richard Marles.
"Walang nasaktan, ngunit nagdulot ito ng 'posibilidad ng matinding pinsala,'" ayon kay Marles.
Ipinahayag ng mga opisyal na hindi sila nasisiyahan sa kanilang mga katapat na Chinese sa Canberra at Beijing, sabi niya sa Sky News.
Ang pagpapahayag na ito ay kasabay ng pagdating ng tatlong barkong pandagat ng China sa mga katubigan sa hilagang-silangan ng mainland Australia.
Isang Chinese frigate at isang cruiser ang namataan malapit sa "maritime approaches" ng Australia, kasama ang isang supply tanker, ayon sa mga opisyal ng depensa ng Australia.
Mukhang wala itong kaugnayan sa insidente sa sasakyang panghimpapawid, ngunit nagpadala ang hukbong-dagat ng Australia ng sarili nitong frigate upang subaybayan ang kanilang paglalakbay, sabi ni Marles.
"Iginagalang ng Australia ang mga karapatan ng lahat ng bansa na gamitin ang kalayaan sa paglalayag at pagpapalipad alinsunod sa internasyunal na batas, tulad ng inaasahan naming igalang din ng iba ang mga karapatan ng Australia," sabi ng Departamentong Pangdepensa.
"Patuloy na babantayan ng Depensa ang mga aktibidad ng task group sa maritime approaches ng Australia gamit ang iba't ibang kakayahan, kabilang na ang mga yunit panghimpapawid at pandagat."
Sunud-sunod na insidente
Ang insidente sa himpapawid ay ang pinakabago sa sunud-sunod na mga pangyayari sa pagitan ng China at Australia sa lumalalang alitan sa himpapawid at mga daanan ng barko sa Asya.
Inakusahan ang isang Chinese fighter jet na hinarang ang isang Australian Seahawk helicopter sa internasyonal na himpapawid noong nakaraang Mayo, at nagpakawala ng mga flare sa daraanan nito.
Noong 2023, inakusahan ang isang Chinese destroyer ng pagbobomba sa mga nakalubog na diver ng navy ng Australia gamit ang sonar pulses sa mga katubigan malapit sa Japan, na nagdulot ng maliit na pinsala.
Naglalayag ang mga diver sa isang frigate ng navy ng Australia, ang HMAS Toowoomba, na itinalaga upang suportahan ang pagpapatupad ng mga parusa sa eksklusibong sona ng ekonomiya ng Japan.
"Inaasahan ng Australia na ang lahat ng bansa, kabilang na ang China, ay magpapatakbo ng kanilang mga militar sa isang ligtas at propesyonal na paraan," sabi ng departamento ng depensa noong Pebrero 13.
"Sa loob ng mga dekada, ang [Australian Defense Force] ay nagsasagawa ng mga aktibidad ng pagmamanman sa dagat sa rehiyon at patuloy itong ginagawa alinsunod sa internasyonal na batas, gamit ang karapatan sa kalayaan sa paglalayag at pagpapalipad sa mga internasyonal na katubigan at himpapawid."