Seguridad

China, planong itaas ang gastusin sa depensa ng 7.2% ngayong taon

China ang pangalawang may pinakamalaking budget sa militar sa mundo pero malayo pa rin sa United States, ang pangunahing mahalagang katunggali nito.

Makikita sa larawan ang Chinese aircraft carrier na Liaoning na may sakay na mga J-15 fighter jet. Nakatakdang taasan ng China ang gastusin nito sa depensa ng 7.2% ngayong taon. [File photo/81.cn]
Makikita sa larawan ang Chinese aircraft carrier na Liaoning na may sakay na mga J-15 fighter jet. Nakatakdang taasan ng China ang gastusin nito sa depensa ng 7.2% ngayong taon. [File photo/81.cn]

Ayon sa AFP at Focus |

BEIJING -- Tataas ng 7.2% ang gastusin sa depensa ng China sa 2025, katulad ng nakaraang taon, ang sabi ng Beijing noong Marso 4, habang patuloy ang mabilis na modernisasyon ng hukbong sandatahan nito at nakatuon sa lumalalim na estratehikong kumpetisyon sa United States.

Patuloy na tumataas ang gastusin ng bansa sa hukbong sandatahan nito sa ilang dekada, kasabay ng paglago ng ekonomiya.

China ang pangalawang may pinakamalaking budget sa militar sa mundo pero malayo pa rin sa United States, ang pangunahing mahalagang katunggali nito.

Gayunpaman, mas marami ang tauhan ng People's Liberation Army (PLA) kumpara sa militar ng US.

Pinanood ng mga bisita ang isang video ni Chinese President Xi Jinping sa Military Museum sa Beijing noong Marso 2. Nananatiling pangalawa ang China sa may pinakamalaking gastusing militar sa mundo, kasunod ng United States. [Pedro Pardo/AFP]
Pinanood ng mga bisita ang isang video ni Chinese President Xi Jinping sa Military Museum sa Beijing noong Marso 2. Nananatiling pangalawa ang China sa may pinakamalaking gastusing militar sa mundo, kasunod ng United States. [Pedro Pardo/AFP]

Ang pagtaas ng budget ay kasabay ng pagtitipon ng libu-libong delegado sa Beijing noong Marso 5 para sa pagbubukas ng sesyon ng National People's Congress, ang ikalawang pulong sa "Dalawang Sesyon" ng China ngayong linggo.

Nang tanungin tungkol sa gastusin ng China sa depensa, sinabi ni Lou Qinjian, ang tagapagsalita para sa ikatlong sesyon ng ika-14 ng National People's Congress, sa isang news conference na "kailangang pangalagaan ang kapayapaan nang may lakas."

Ang 1.78-trilyong CNY ($245.7 bilyon) na budget sa depensa ng Beijing para sa taong ito ay mas mababa pa rin sa isang-katlo ng sa Washington. Ayon sa Stockholm International Peace Research Institute, ang gastusin nito sa militar noong nakaraang taon ay umabot sa 1.6% ng GDP nito, na mas mababa kaysa sa porsyento sa United States o Russia.

Ngunit ang pagpapalawak ng depensa nito ay pinagdududahan ng Washington, pati na rin ng iba pang mga makapangyarihan sa rehiyon kabilang ang Japan, na kaalitan ng Beijing kaugnay sa teritoryo sa East China Sea.

Lalo pang ipinapakita ng China ang lakas nito sa South China Sea, na inaangkin ang halos buo nito, sa kabila ng desisyon ng international arbitration na nagdeklara ng kawalang-basehan ng mga pag-aangking ito.

Ang pagtaas ng gastusin ng Beijing ay ikinababahala ng Taiwan, na may sariling pamamahala at itinuturing ng Beijing na bahagi ng kanyang teritoryo na handang angkinin ng puwersahan kung kinakailangan.

'Tumitinding kawalang-katiyakan'

Inilalarawan ng China ang kanyang posisyon sa militar bilang "depensibo" at nakatuon sa pagpapanatili ng kanyang soberanya.

Pero ang mga pag-angkin nito sa mga lugar na kontrolado ng ibang gobyerno ay nagdulot ng pangamba sa isang rehiyonal na labanan.

Sa kanyang talumpati noong Marso 5, nangako si Premier Li Qiang na "buong tatag na lalabanan ng China ang anumang kilusan na nakatuon sa kalayaan ng Taiwan at sa panlabas na panghihimasok, upang isulong ang mapayapang ugnayan sa magkabilang panig ng Strait."

Ngayong buwan ang ika-20 anibersaryo ng Anti-Secession law ng China, na nagbibigay sa Beijing ng legal na kapangyarihan na gumamit ng puwersa sa Taiwan kung ito ay humiwalay o kung ang "mga posibilidad para sa mapayapang muling pagsasama ay ganap nang nauubos."

Sinabi ni Chin-Hao Huang, isang political scientist sa National University of Singapore, sa AFP na naganap ang pagtaas sa konteksto ng "tumitinding kawalang-katiyakan sa panlabas na kalagayan ng China at mga priyoridad nito sa pambansang seguridad."

"Ang pagtaas ng budget para sa depensa ay nagpapakita ng pangangailangang panatilihin at i-upgrade ang kakayahang militar ng PLA upang makasabay at maging handa sa anumang maaaring mangyari," ang sabi niya.

Lumabas ang anunsyo habang pinag-iisipan ng mga European na taasan nang malaki ang kanilang mga budget sa militar.

"Habang tumitindi ang tensyon sa geopolitical sa pagitan ng China at ng US, hindi maaring pabagalin ng China ang paggastos nito sa militar," sabi ni Niklas Swanstrom, direktor ng Institute for Security and Development Policy na nakabase sa Sweden.

Samantala, iminungkahi ng Ministry of Finance ng China noong Marso 4 na itaas ang budget para sa "mga diplomatikong pagsisikap" sa 2025 ng 8.4% sa mahigit na 64.5 bilyong CNY ($8.87 bilyon), mula sa 6.6% na pagtaas noong nakaraang taon.

Nagustuhan mo ba ang artikulong ito?

Policy Link

Captcha */Patunay na Hindi Robot *