Seguridad

'Angels' ng Pilipinas, ginagamit ang lakas ng kababaihan upang pahupain ang tensyon sa South China Sea

Sinanay sa pagpapakalma ng tensyon sa pamamagitan ng diplomasya, pinatutunayan ng mga radio operator ng Philippine Coast Guard na ang tunay na lakas ay hindi lang nasusukat sa armas, kundi sa kapangyarihan ng panghihikayat.

Makikita sa larawang ito na kuha noong Pebrero 28 si Stephane Villalon, isang radio operator ng Philippine Coast Guard na bahagi ng programang all-women na Angels of the Sea, habang ipinapakita ang kanyang trabaho sa isang barko sa Maynila. [Jam Sta Rosa/AFP]
Makikita sa larawang ito na kuha noong Pebrero 28 si Stephane Villalon, isang radio operator ng Philippine Coast Guard na bahagi ng programang all-women na Angels of the Sea, habang ipinapakita ang kanyang trabaho sa isang barko sa Maynila. [Jam Sta Rosa/AFP]

Ayon sa AFP |

MANILA -- Umalingawngaw ang malakas na boses ni Seawoman Second Class Stephane Villalon mula sa command center ng kanyang barko ng Pilipinas habang siya ay nagbibigay ng direktiba sa radyo sa mas malaking barko ng Chinese Coast Guard sa isang pinag-aagawang bahagi ng South China Sea.

Ang radio operator na may taas na 152cm ay isa sa 81 "Angels of the Sea" ng Philippine Coast Guard, mga nagsipagtapos sa isang all-women na programa ng pagsasanay na may layuning pahupain ang tensiyon sa mahahalagang ruta sa dagat.

"China Coast Guard vessel 5303, ito ang Philippine Coast Guard vessel BRP Bagacay MRRV-4410. Ipinaaalam sa inyo na kayo ay kasalukuyan naglalayag sa loob ng Philippine Exclusive Economic Zone," sinabi niya sa isang engkuwentrong naitala sa video noong Pebrero.

"Ipinag-uutos sa inyong umalis kaagad at ipagbigay-alam sa amin ang inyong layunin."

Isang miyembro ng Philippine Coast Guard ang nakamasid sa isang barko ng Chinese Coast Guard habang naghahatid ng mga suplay ang puwersang Pilipino sa Second Thomas Shoal sa South China Sea noong Nobyembre 10, 2023. Ang mga radio operator ng programang all-women na Angels of the Sea ng Philippine Coast Guard ay regular na ipinapadala sa mga misyon sa mga tensiyonadong lugar ng South China Sea, kung saan nagbibigay sila ng mahigpit ngunit kalmadong direktiba upang mabawasan ang tensiyon sa pinag-aagawang karagatan. [Jam Sta Rosa/AFP]
Isang miyembro ng Philippine Coast Guard ang nakamasid sa isang barko ng Chinese Coast Guard habang naghahatid ng mga suplay ang puwersang Pilipino sa Second Thomas Shoal sa South China Sea noong Nobyembre 10, 2023. Ang mga radio operator ng programang all-women na Angels of the Sea ng Philippine Coast Guard ay regular na ipinapadala sa mga misyon sa mga tensiyonadong lugar ng South China Sea, kung saan nagbibigay sila ng mahigpit ngunit kalmadong direktiba upang mabawasan ang tensiyon sa pinag-aagawang karagatan. [Jam Sta Rosa/AFP]

Ang ginawa ni Villalon sa insidenteng iyon ay ang nakikini-kinita ng coast guard nang ilunsad nito ang programang Angels noong 2021.

Inaangkin ng Beijing ang halos buong South China Sea sa kabila ng isang pandaigdigang hatol na nagsasabing walang legal na batayan ang kanilang iginigiit. Paulit-ulit nang nagkaroon ng sagupaan ang kanilang coast guard at ang coast guard ng Pilipinas, na nagdudulot ng pangamba sa posibleng armadong labanan.

"[Ang programa] ay tumutulong sa aming pakikipag-ugnayan sa China Coast Guard dahil ginagamit namin ang mga kababaihan, na likas na hindi agresibo at hindi nakikipagkomprontasyon," sinabi ng tagapagsalita ng Coast Guard na si Commodore Algier Ricafrente sa AFP.

Ang ganitong pagsasalarawan ng likas na mga katangian ng kababaihan ay nagdulot ng mga paratang ng seksismo nang unang ilunsad ang programa.

Iginiit ni Congresswoman Arlene Brosas na tila minamaliit ang alitan sa South China Sea, sa pamamagitan ng pagpapahiwatig na ang "maternal" na mga boses ay maaaring magpakalma ng mga sitwasyon.

Maaaring isang problema ang sobrang pagpapahalaga sa "katangian ng kababaihan" ayon sa Philippine geopolitics analyst na si Andrea Wong, ngunit sinabi niya sa AFP na ang programa ay isang "positibong hakbang" na kayang gamitin ang lakas ng kababaihan sa isang epektibong paraan.

"Ang pinakamahalaga ay ang paggamit ng kanilang buong potensyal, maging ito man ay ang kanilang mga kakayahan sa wika [o] pakikipagkomunikasyon."

Para kay Villalon, ang radio operator, ang pangunahing layunin ng programa ay hindi na kailangang ipagtanggol.

"Ang pagpapasensya, kahinahunan, at kakayahang tumugon o makipag-ugnayan ng may empatiya ang aming natatanging kakayahan, at nagiging dahilan kung bakit mas angkop kami sa tungkuling ito," sabi ng 28-taong-gulang na si Villalon sa AFP.

Ayon kay Ricafrente, kahit may daan-daang operator ang Philippine Coast Guard, ang Angels ang regular na ipinapadala para sa mga misyon sa mga tensyonadong lugar ng South China Sea.

Sinabi niya na "Ang Angels of the Sea ay isang patunay na may mga bagay na mas epektibong nagagawa ng mga babae kaysa sa mga lalaki, lalo na sa aming mga pakikipag-usap sa aming mga katuwang sa maritime law enforcement."

"Hindi sila nakakaramdam ng banta kapag nakikipag-usap sa mga babae."

'Mga salita sa halip na sandata.'

Sinabi ni Villalon na ipinagmamalaki niyang kumatawan sa mga Pilipina sa mga lugar na karaniwang pinaghaharian ng kalalakihan, lalo na ngayong tumataas ang mga tensyon sa rehiyon.

"Nakatuon ako sa aking trabaho... [at] ipinapahayag ko lang ang aking mensahe," sabi niya tungkol sa kanyang pamamaraan sa pagharap sa mga barkong Chinese. At idinagdag pa niya na inspirasyon niya ang kanyang ina, isang maybahay na nagturo sa kanya na palaging manindigan.

Sinabi ni Villalon sa AFP, na mula sa pagiging agresibo, naging kalmado ang kanyang katapat na Chinese nang kinausap niya ito tungkol sa nakaraang buwang insidenteng malapit sa kontrobersyal na Scarborough Shoal.

Sinabi ng Tagapagsalita na si Ricafrente na ang coast guard ay nangangakong gamitin ang lahat ng paraan upang mabawasan ang tensyon sa South China Sea.

"Waláng nagnanais ng digmaan; waláng nagnanais ng alitan... ang layunin ng coast guard ay kapayapaan," sabi ni Ricafrente, na binanggit na si Coast Guard Commandant Ronnie Gil Gavan, ang siyang naka-isip ng programang Angels noong siya ay isang district commander pa.

Sinabi ni Ricafrente na umaasa ang coast guard na makapagsasanay sila ng panibagong grupo ng Angels ngayong taon para sa pagdating ng mga bagong barko mula sa Japan at France na gagamitin sa mga pagpapatrolya sa South China Sea.

Habang kinukwestiyon ng ilan ang pagiging epektibo ng programa, sinabi ni Villalon -- na malapit nang magsimula na mag-aral ng Mandarin upang mapabuti ang kanyang kasanayan sa komunikasyon -- na naniniwala siya sa kahalagahan ng paggamit ng "mga salita sa halip na sandata."

"Napagtanto ko na ako ay isang babaeng matapang," ang sabi ni Villalon.

"Hindi lang dahil handa akong makipaglaban, kundi dahil hindi na kailangan ang labanan."

Nagustuhan mo ba ang artikulong ito?

Policy Link

Captcha */Patunay na Hindi Robot *