Ayon kay Wu Qiaoxi |
Sinimulan ng Beijing ang pagtatayo ng isang bagong deep-sea research facility sa South China Sea na nagpapakita ng mabilis na pagpapalawak ng China sa kanilang kapasidad sa pandaigdigang marine exploration at nagbibigay-diin sa kanilang mga estratehikong ambisyon sa rehiyon.
Ang pagtatayo ng cold seep ecosystem research installation, sa pangunguna ng South China Sea Institute of Oceanology, ay sinimulan noong Pebrero 28 sa Nansha, sa probinsya ng Guangzhou, ayon sa ulat ng Global Times, isang pambansang pahayagan ng China.
Nakatakdang matapos ang pagtatayo ng istasyon sa taong 2030.
Dinisenyo upang maipwesto sa lalim na 2,000 metro sa ilalim ng dagat, ang pasilidad ay may kapasidad na tumanggap ng hanggang anim na siyentipiko na maaaring manatili ng hanggang isang buwan habang nagsasagawa ng pananaliksik.
![Makikita sa imaheng ito ang isang deep-sea submersible na pag-aari ng US, na ginagalugad ang Mariana Trench sa lalim na 6,000 metro sa Western Pacific Ocean. Ang multinasyonal na International Ocean Discovery Project ay gumagawa rin ng pagsasaliksik ukol sa deep biosphere at methane hydrate sa mga cold seep. [NOAA]](/gc9/images/2025/03/19/49538-cold_spring__1_-370_237.webp)
Pangunahin nilang pag-aaralan ang matitinding kondisyon ng mga cold seep—mga bahagi ng sahig ng karagatan kung saan lumalabas ang mga likidong mayaman sa hydrocarbon mula sa mga bitak sa ilalim ng dagat—kasama ang malalaking reserba ng combustible ice (methane hydrate) sa lugar.
Ang mga cold seep ay nagpapakawala ng methane, hydrogen sulfide at mga hydrocarbon mula sa seabed, na sumusuporta sa mga kakaibang ecosystem na nakakapagpanatili ng buhay sa ilalim ng mga matitinding kondisyon.
Isang bagong larangan
Lumalawak ang pandaigdigang atensyon sa pananaliksik sa kailaliman ng karagatan.
Inanunsiyo ng US National Oceanic and Atmospheric Administration at ng Proteus Ocean Group noong Mayo 2023 na kanilang bubuuin ang kauna-unahang "underwater space station" sa mundo, ang Proteus, malapit sa Curaçao sa Caribbean.
Subalit, sa lalim na 20 metro lamang, mas mababaw at mas maliit ang Proteus kaysa sa maambisyong proyekto ng China.
Ayon sa Global Times, ang underwater space station ng China ay magtatatag ng isang permanenteng sistema para sa pagsusubaybay sa cold seep sa ilalim ng dagat.
Sa sistema ng "four-dimensional" monitoring network na ito pagsasamahin ang mga unmanned underwater submarine, surface vessel, at mga underwater observation station.
Sa kasalukuyan, mahigit 900 underwater cold seep na ang nahanap sa buong mundo, kabilang rito ang anim sa South China Sea.
Ang mga cold seep ecosystem ay kasalukuyang nakakukuha ng malawakang interes mula sa pandaigdigang komunidad ng mga siyentipiko.
Halimbawa, ang ECOGIG marine research alliance na nakabase sa US ay nakatutok sa mga cold seep ecosystem sa Gulf of Mexico, Atlantic Ocean Fjord at sa Gulf of California.
Samantala, ang International Ocean Discovery Program na binubuo ng 21 bansa, ay nagsasagawa ng pananaliksik ukol sa deep biosphere at methane hydrate sa mga cold seep.
'Estratehikong kahalagahan'
Subalit, ang deep-sea station project ng China ay higit pa sa siyentipikong pananaliksik at sa pagpapaunlad ng mapagkukunang-yaman.
Tahasang inilarawan ng Global Times na ang proyekto ay may "estratehikong kahalagahan." Sa pamamagitan ng pagsulong ng deep-sea manned technology, nilalayon ng China na magtatag ng ilang mga deep-sea station.
Bukod sa pagpapaunlad ng mapagkukunang-yaman gaya ng subsea oil, gas at mineral tulad ng mga iron at manganese nodule, ang teknolohiya ay maiuugnay rin sa layunin ng China na protektahan ang kanilang mga "karapatan at interes" sa South China Sea.
Inaangkin ng China ang halos buong South China Sea, binabalewala ang mga claim ng ibang bansa at ang internasyonal na desisyong nagsasabing wala itong legal na basehan.
Dahil sa patuloy na sigalot sa teritoryo ng rehiyon, lalong nakakaalarma ang lalong tumitinding paninindigan ng China.
Sa likod ng siyentipikong pananaliksik, ginagamit ng China ang mga deep-sea facility na ito upang higit pang mapatatag ang kanilang geopolitikal na presensya at tiyakin ang kontrol sa mga yamang-dagat sa rehiyon, ayon sa hinala ng ilang tagapagmasid.