Ayon kay Jia Fei-mao |
Ang sektor ng artificial intelligence (AI) sa China ay mabilis na umunlad, na nagdudulot ng pangamba na maaaring gamitin ito bilang kasangkapan sa pagsesensor.
Ang paglulunsad ng mga modelong AI ng China na DeepSeek at Manus ay hindi lamang nagpalakas ng mga stock market sa China at Hong Kong, kundi naging simbolo rin ng pagtulak ng Beijing sa pagiging mapagkumpitensya sa AI.
Isang editoryal na inilathala sa Chinese state-run Global Times noong Pebrero 19 ang nagsasaad na ang mabilis na pag-unlad at paggamit ng AI sa China—na tinatawag nitong "Chinese acceleration"—ay humahamon sa naratibong umabot na sa rurok ang paglago ng ekonomiya ng bansa.
Iginiit pa ng artikulo na sa pamamagitan ng mga inisyatiba tulad ng Belt and Road, digital cooperation, at mga pandaigdigang open-source projects, patuloy na lalawak ang impluwensya ng AI ng China sa buong mundo.
Gayunpaman, ang kapalit nitong pag-lago ng AI ay ang mahigpit na regulasyon sa nilalaman.
Ang mga nagmamasid ay nagbabala na maaaring ginagamit ng gobyerno ng China ang AI upang sistematikong baguhin ang kasaysayan, burahin ang mga tala ng paglabag sa karapatang pantao, at supilin ang anumang kritisismo laban sa Chinese Communist Party (CCP).
Ang OpenAI noong Marso 13 ay nagpadala ng liham sa White House na nagsasabing "dahil ang DeepSeek ay sabay-sabay na pinopondohan at kontrolado ng gobyerno ng China, at malayang nagagamit, ang kabayaran nito para sa mga gumagamit ay ang kanilang privacy at seguridad."
Ang liham ay nagmungkahi na isaalang-alang ng gobyerno ng U.S. ang pagbabawal sa mga modelong ginawa ng DeepSeek at iba pang institusyong suportado ng gobyerno ng China.
Kalayaang impormasyon sa buong mundo
Ang mga dating US Representative na sina Loretta Sanchez at Greg Walden ay nagbabala rin tungkol sa panganib ng pagiging dominanteng pwersa ng AI ng China sa isang opinion piece sa The Hill na inilathala noong Marso 12.
"Ang mananalo sa karerang ito ang magtutulak ng pandaigdigang digital ecosystem at magpapasya kung ano ang bibigyang diin, ano ang ililibing, at aling hanay ng mga halaga ang magiging pamantayan," isinulat nila.
Nang tanungin tungkol sa Tiananmen Square massacre, sinabi ng Hunyuan AI model ng Tencent na "walang namatay at walang naganap na masaker." Samantala, binura ng Qwen ng Alibaba ang tanong nang hindi nagbigay ng sagot, ayon sa mga may-akda na nagbanggit ng isang pag-aaral ng The American Edge Project.
Ang AI ng China ay umiiwas na pag-usapan ang Tiananmen Square at tumatangging magkomento tungkol sa pinuno ng China na si Xi Jinping, ngunit malayang pinupuna ang pulitika ng US at ang pangulo nito.
Hindi lang ito isang teknikal na isyu, kundi isang "dobleng pamantayan" na idinisenyo upang umayon sa naratibo ng CCP, dagdag pa nila.
Nagbabala pa sina Sanchez at Walden: “Kung ang mga AI tool ng China ang maging pamantayang gamit, ang Chinese Communist Party ay magkakaroon ng walang kapantay na impluwensyang geopolitikal, masasaklawan ang trilyong halaga ng ekonomiya, pahihinain ang malayang pagpapahayag sa buong mundo, at huhubugin ang isang kulturang nakabatay sa kontrol, pagsesensor, at propaganda — habang muling isinusulat ang kasaysayan.”
Ang China ay patuloy na pinahihigpitan ang regulasyon sa AI, nag-aatas na ang AI-generated content ay "sumunod sa mga pangunahing sosyalistang pagpapahalaga at umiwas sa paggawa ng nilalamang humihikayat ng pagbagsak sa kapangyarihan ng estado, nagpapatalsik sa sosyalistang sistema, o nagdudulot ng panganib sa pambansang seguridad at interes," ayon kay Tzeng Yi-suo, isang associate researcher sa Taiwan’s Institute for National Defense and Security Research, sa isang panayam sa Focus.
Ang pag-usbong ng AI sa China ay hindi lang isang teknolohikal na isyu—ito ay tungkol sa kinabukasan ng kalayaan sa impormasyon sa buong mundo, aniya.
Kung ang AI ng China ang maging pandaigdigang pamantayan, ang pagsesensor at data surveillance ay maaaring lumampas sa mga pambansang hangganan, aabot sa bawat sulok ng daigdig, sabi ni Tzeng.