Ayon kay Jia Feimao |
Ayon sa mga analyst, ang walang humpay na pagsasanay ng China malapit sa Taiwan ay unti-unting nagpapahina sa kakayahan ng isla na magdepensa.
Pinalakas ng Beijing ang panggigipit militar laban sa Taiwan nitong mga nakaraang taon at nagsagawa ng sunud-sunod na malawakang pagsasanay sa paligid ng isla na madalas na inilalarawan ng mga tagamasid bilang mga pag-eensayo para sa pagharang at pag-angkin ng teritoryo.
Kamakailan lamang, noong Abril 1-2, nagsagawa ang China ng magkasanib na pagsasanay militar na may codename na Strait Thunder-2025A sa paligid ng Taiwan, sa gitna at timog na bahagi ng Taiwan Strait, pati na rin sa East China Sea.
Bilang bahagi ng nasabing mga pagsasanay, nagpadala ang Eastern Theater Command ng People's Liberation Army (PLA) ng 135 sorties ng mga eroplanong militar at 23 barkong pandigma.
![Sinusubaybayan ng Tian Dan, isang guided-missile frigate ng Taiwan ang PLA carrier na Shandong at ang destroyer na Zhanjiang noong Abril 1. [Taiwanese Coast Guard]](/gc9/images/2025/04/14/49967-tw_coast_guard-370_237.webp)
![Naglalabas ng propaganda ang Chinese Coast Guard na naglalayong hadlangan ang Taiwan sa pagsisikap na maimpluwensyahan ang opinyon ng publiko doon. [Chinese Coast Guard / WeChat]](/gc9/images/2025/04/14/49968-pla_propaganda-370_237.webp)
Nagsagawa ang Shandong, aircraft carrier ng China ng mga pagsasanay upang subukan ang kakayahan nitong “harangan” ang Taiwan, ayon sa Eastern Theater Command.
Noong kalagitnaan ng Marso, dalawang beses sa isang araw ding nagsasagawa ang China ng "pinagsanib na pagsasanay para sa kahandaan sa laban."
Ang madalas at matitinding pagpasok ng PLA ay nakagambala sa nakatakdang pagsasanay at pag-aayos ng kagamitan ng Taiwan, habang nagpapahirap din sa mga gawaing logistikal, ayon kay Su Tzu-yun, direktor ng Division of Strategy and Resources sa Institute for National Defense and Security Research ng Taiwan, sa panayam ng Focus.
Nabigo ang navy na mapanatili sa takdang oras ang higit sa kalahati ng mga pangunahing barkong pandigma nito, at madalas na kailangan pang palawigin ang panahon ng pagkukumpuni, ayon sa ulat ng National Audit Office ng Taiwan noong 2024.
Aminado ang mga opisyal ng militar na nagdulot ng labis na pagkapagod sa mga kagamitan at tauhan ng hukbong-dagat ang matagalang pagtutunggali sa mga barko ng China.
"Ang CCP [Chinese Communist Party] ay gumagamit ngayon ng 'drip, drip strategy'. Unti-unting nauubos araw-araw ang lakas-militar natin sa patuloy na pakikipagharapan," isinulat ng dating opisyal ng Ministry of National Defense na si Lu Deyun sa Facebook noong Abril 1.
Ang panahon ay lubhang hindi pabor sa Taiwan, ang sabi niya.
Pagtanggi na 'lumawak' nang hindi kinakailangan
Gayunpaman, nagmungkahi si Su mula sa Institute for National Defense and Security Research ng ilang kontra-stratehiya.
Ayon kay Su, hindi dapat subukan ng Taiwan na pantayan ang mga kakayahang militar ng China sa pamamagitan ng "pagpapalawak" sa bawat sitwasyon.
Sa mga sitwasyon na hindi pa ganap na digmaan, iminungkahi niyang magpadala ang Taiwan ng mga patrol vessel na may kaunting tauhan at bahagyang armado upang subaybayan ang mga barko ng PLA.
Ang paggamit ng diskarteng iyon ay pumapawi sa paniniwalang kailangang pantayan ng Taiwan ang bawat hakbang ng China sa tuwing may tensyon.
Iminungkahi rin niya ang paggamit ng mga drone upang sabayan ang mga eroplanong pandigma ng China na pumapasok sa himpapawid ng Taiwan, upang mabawasan ang madalas na pagpapalipad ng mga piloto.
"Ang susi ay ang paggamit ng kaisipang 'gamitin ang mas mahinang kabayo para makipaglaban sa mas malakas na kabayo' bilang tugon sa war of attrition ng China," aniya.
Ipinahayag ni Su ang kanyang mga pangamba sa mga hakbang ng coast guard ng China.
Matagal nang bahagi ng mga pagsalakay na ito ang mga barko ng coast guard at maritime militia ng China, na nagpapakita ng pagpasok ng mga hindi regular na pwersa.
Sa pinakahuling pagsasanay, nagsagawa ang mga barko ng coast guard ng China ng mga inspeksyon at pagharang sa paligid ng Taiwan, gamit ang tinatawag na mga maritime blockade tactics.
Noong Abril 2, kinumpirma ni Taiwanese Coast Guard Administration Deputy Director-General Hsieh Ching-chin sa isang press conference na may tatlong pinaghihinalaang barko ng militia ng China ang namataan sa Hualien, Taiwan, na lumahok sa nasabing pagsasanay militar.
Ayon kay Su, ang mga pagsasanay ng coast guard ng China ay nakatuon sa mga natural gas tanker at mga barkong may dalang suplay militar, na nagpapanggap bilang "mga patrolya ng pagpapatupad ng batas."
Kahit hindi ganap na maharangan ang Taiwan, "maaari pa ring magdulot ng nakakatakot na epekto ang mga hakbang na ito at makapagpigil sa ibang mga barko na pumasok sa Taiwan Strait," aniya.
'Python strategy' ng China
Habang isinasagawa ng PLA ang mga outer-circle blockade tactics, iniinspeksyon at hinaharang naman ng Chinese Coast Guard ang mga barkong pangkalakal sa inner circle, gamit ang tinatawag ni Su na "python strategy" -- and unti-unting pagsakal nang hindi direktang pag-atake, upang putulin ang mga linya ng suplay-dagat ng Taiwan.
Hanggang sa huling bahagi ng Marso, umabot sa 64 ang mga naiulat na insidente ng panggigipit ng Chinese Coast Guard sa loob ng nakaraang 13 buwan.
Gayunpaman, ayon kay Chen Wen-chia, senior advisor sa Institute for National Policy Research, ang panggigipit ng China ay nagbibigay ng pagkakataon para sa Taiwan na paghusayin ang kakayahan nitong tumugon sa panahon ng emerhensiya sa pamamagitan ng pagpapatupad ng rotasyon sa kahandaan sa labanan, muling pag-deploy, at pagpapalakas na mga drill at pagsasanay.
Dapat paigtingin ng Taiwan ang koordinasyon sa pagitan ng coast guard at hukbong-dagat nito, at makipagtulungan sa pandaigdigang komunidad upang pigilan ang China sa pagtatangkang baguhin ang kasalukuyang kalagayan sa Taiwan Strait sa pamamagitan ng "war of attrition," aniya.