Ayon sa AFP at Focus |
HONG KONG — Sa ilalim ng madilim na kalangitan, isang minibus na sakay ang politikong si Emily Lau ang umaandar sa isang palikong daan sa bundok patungong Stanley Prison — isang pagbisita na labis na niyang nakasanayan.
Si Lau ay dating tagapangulo ng Democratic Party, na minsan ay naging matatag na puwersang maka-demokrasya sa lungsod. Habang siya’y naghahanda na bisitahin si Albert Ho, dating pinuno ng partido na nakulong dahil sa mga kasong kaugnay sa pambansang seguridad na maaaring maharap sa habambuhay na pagkabilanggo, ang kanyang partido naman ay naghahanda na ring maglaho sa pahina ng kasaysayan.
Noong Abril 13, ibinoto ng labis ng nakararami sa Democratic Party na isulong ang mga planong pagbuwag, matapos ang mahigit tatlong dekadang buhay pampulitika. Higit 90% ng mga kasaping bumoto ang sumuporta sa isang mosyon na nagbibigay kapangyarihan sa central committee na magsagawa ng mga hakbang tungo sa pagbuwag. Inaasahan ang huling botohan sa mga darating na buwan.
Ang desisyon, sabi ni Lo Kin-hei, tagapangulo ng partido, ay sumasalamin sa "kabuuang kalagayang pampulitika." Bagaman hindi niya tahasang binanggit ang Beijing, ang mga beteranong kasapi ng partido ay tumukoy sa panggigipit at ipinahiwatig ang maaaring kahihinatnan kung magpapatuloy and pag-iral ng partido, ayon sa Associated Press.
![Sina Lo Kin-hei (kaliwa), tagapangulo ng Democratic Party ng Hong Kong, at pangalawang tagapangulong Mok Kin-shing ay dumalo sa isang press conference sa punong-tanggapan ng partido noong Abril 13 matapos ang pagpupulong ng mga miyembro. Bumoto ang partido na ituloy ang planong pagbuwag, ayon sa mungkahi ng mga pamunuan noong Pebrero. [Peter Parks/AFP]](/gc9/images/2025/04/16/49992-afp__20250413__42734x7__v2__highres__topshothongkongchinapoliticsdemocrats__1_-370_237.webp)
Pangkalahatang karapatang bumoto
Itinatag noong 1994 sa huling bahagi ng pamumuno ng mga Briton, ang Democratic Party ay nagmula sa isang koalisyon ng mga grupong liberal na nakatuon sa isang pangunahing prinsipyo: ang makamtan ang pangkalahatang karapatang bumoto para sa Hong Kong sa ilalim ng balangkas ng "Isang Bansa, Dalawang Sistema."
Ang mga miyembrong nagtatag nito ay naniwala sa pangako ng Beijing na "mga mamamayan ng Hong Kong ang mamumuno sa Hong Kong." Isa sa kanila, si Lee Wing-tat, ay nagsabi na ang idealismo sa kalaunan ay nagtungo sa kabiguan.
"Sa aking pagtanda, napagtanto kong peke ang mga islogan na iyon," sabi ni Lee, na ngayon ay naninirahan sa United Kingdom. "Pero mahirap sisihin ang isang binatang nasa kasibulan ng edad sa pagiging ideyalista."
Ang mga unang tagapamuno ng partido, sina Szeto Wah at Martin Lee, ang naging larawan ng pagkakaroon ng balanseng pananaw sa pulitika at makabayang imahe na kinakatawan ng partido.
Si Szeto, isang strategist na nakabatay sa tradisyunal na pananaw, at si Lee, isang tanyag na abogado na tinaguriang "Ama ng Demokrasya," ang tumulong sa pagtatatag ng paunang kredibilidad at suporta sa partido ng mga mamamayan ng Hong Kong.
Ang kredibilidad na iyon ay minsan nagbigay-daan sa partido na mapanatili ang isang maayos na ugnayan sa Beijing. Noong 2010, nagpadala ang Democratic Party ng tatlong kinatawan — kabilang si Lau — upang makipagpulong sa mga kinatawan ng Beijing para talakayin ang mga reporma sa halalan.
"Iyon ang kauna-unahan at kaisa-isang pagkakataon na nagpasya ang Beijing na makipag-negosasyon sa amin," paggunita ni Lau. "Sinabi namin sa mga kinatawan, 'Dapat ay ipagpatuloy ninyong makipag-usap sa amin.' Hindi na nila muling ginawa."
Ang pulong ay naging sanhi ng pagkakahati. Ang mga kritiko ay inakusahan ang partido ng pagkompromiso, habang ang mga mas batang miyembro ay nagsimulang itulak ang mas matapang na mga hakbang. Si Ted Hui, na nanalo sa kanyang unang puwesto noong 2011, ay kumatawan sa bagong henerasyon ng mga aktibistang humihingi ng mas mapangahas na aksyon.
"Kinailangan ng partido ang mas malawak na reporma, upang makasabay ito sa lipunan," sabi ni Hui. "Kinailangan naming itaas ang antas ng aming laro."
Noong 2019, nang yanigin ng mga maka-demokrasyang protesta ang Hong Kong, muling nakita ng Democratic Party ang pagtingkad ng kanilang mensahe, na humigit pa sa doble ang naging bilang ng kanilang mga upuan sa mga lokal na konseho.
Ngunit ang naturang pag-usbong ay panandalian lamang.
Isang malawakang batas sa pambansang seguridad na ipinataw ng Beijing noong 2020 ang nagdulot ng biglaang katapusan sa kilusang protesta ng lungsod at sa impluwensya ng Democratic Party.
Ikinulong ng mga awtoridad ang apat sa mga mambabatas nito, kabilang si Ho, kaugnay sa mga kasong subersyon na may kinalaman sa unofficial primary election. Si Hui naman ay tumakas patungong Australia at pinaglaanan ng pabuya ng pulisya.
Hindi nalilimutan
Pagsapit ng 2020, ang partido ay wala nang puwestong hawak sa lehislatura matapos magbitiw nang sabay-sabay ang mga miyembro nito bilang protesta. Sa sumunod na taon, tuluyan silang nabura sa mga konseho ng distrito.
Si Ramon Yuen, dating ingat-yaman ng partido, inalala kung paano maging ang mga simpleng pagtitipon ay naging imposibleng maisagawa.
“Ang mga restoran ay tumangging i-host ang aming mga salu-salo,” aniya. “Maging ang mga karaniwang pagtitipong panlipunan ay hindi na maisaayos.”
Sinuportahan ni Yuen ang boto sa pagbuwag. “Pinag-usapan ng Hong Kong (ang pangkalahatang karapatang bumoto) ng maraming taon,” aniya, “ngunit sa kasamaang-palad, hindi natin alam kung kailan natin ito makakamtan.”
Ang Democratic Party ay epektibong naging isang pressure group na walang puwesto sa pamahalaan o kapangyarihang pampulitika, na kumikilos sa isang lungsod kung saan ang mahigpit na kontrol ng Beijing ay nakakasakal na. Ang pagbuwag nito ay kasunod ng pagsara ng Civic Party noong 2023, na nag-iwan ng walang pangunahing oposisyon sa pormal na politika.
Para kay Lau, ang pagbuwag ng kanyang partido ay hindi lamang isang pagkatalo sa larangan ng politika — ito ay isang hudyat ng mas malalim na kabiguan.
Sa labas ng Stanley Prison, sinabi niya na patuloy siyang bumibisita sa mga nakakulong na Democrat upang iparating sa kanila na “hindi sila nalilimutan.”
Sa pagsara ng partido, aniya, dapat mapilitan ang publiko na magtuon ng isip.
"Bakit kailangan naming magbuwag? Ano ang nangyayari?" tanong niya. "Iyan ang katanungang nais kong itanong ng mga mamamayan ng Hong Kong."
Ang sagot ay maaaring matagpuan sa katahimikan na bumabalot ngayon sa lugar na dati’y isa sa pinakamasiglang kalakaran ng politika sa Asia. Ang naiwan ay isang lungsod na nabago — hindi na ang Hong Kong na naaalala ng mga mamamayan nito, o ng mundo.