Ayon kay Chen Meihua |
Habang umiigting ang kampanya ng China nang hindi gumagamit ng dahas laban sa Taiwan, sinimulan na nitong iakma ang 'United Front' para sa mas batang henerasyon. Ayon sa mga opisyal ng Taiwan, layunin ng bagong estratehiya ng Beijing na “simulan ito sa pagkabata.”
Ayon sa mga ulat, ang pagbabagong ito sa estratehiya ay kinabibilangan ng paggamit ng sistemang ideolohiya upang maabot ang mga kabataang Taiwanese mula sa iba’t ibang edad, gamit ang mga platapormang tulad ng Xiaohongshu (RedNote) at Douyin, ang bersyon ng TikTok ng China.
Ang 'United Front' ay organisadong operasyon ng Chinese Communist Party (CCP) sa larangan ng pulitika, ekonomiya, at impormasyon kung saan ang lipunang Taiwanese ay pinagwatak-watak, hinihikayat, at ginigipit bilang bahagi ng layunin ng Beijing na muling pag-isahin ang dalawang panig.
Pagkuha ng atensyon ng kabataan
Kapansin-pansin ang lumalaking presensya ng RedNote sa Taiwan, na ayon sa ulat ng BBC noong Mayo 30 ay may halos 3 milyong aktibong gumagamit sa bansa. Katumbas ito ng halos 13% ng populasyon ng Taiwan, kung saan karamihan ay mga kabataan.
![Makikita si Taiwanese table tennis star Lin Yun-ju (ikalawa mula sa kaliwa) na nakasuot ng pulang scarf, isang simbolo ng Komunismo, sa isang pagbisita sa paaralan sa China noong Hunyo 3. Nagdulot ng kontrobersya sa Taiwan ang litrato matapos lumabas ang video. [Weibo]](/gc9/images/2025/06/13/50791-red_scarf-370_237.webp)
Ayon sa pananaliksik ng Academia Sinica ng Taiwan na inilabas noong Enero, sa mga gumagamit na wala pang 18 taong gulang, ang pinakamataas na porsyento ng paggamit ay mula sa mga estudyante sa junior high school, na umabot sa 57.87%.
Ang Douyin naman ay banayad na nagpapahayag ng mga naratibo tulad ng “maliit ang epekto ng muling pag-iisa” o gumagamit ng mga isyu na kinakaharap ng Taiwan upang ipakita ang “kabiguan ng demokrasya,” na may layuning pahinain ang tiwala ng mga tao sa sistemang demokratiko, ayon sa nasabing pag-aaral.
Binigyang-diin ni Chiu Chui-cheng, ministro ng Mainland Affairs Council ng Taiwan, ang kahalagahan ng pagiging mapagmatyag.
Maaaring gamitin ng China ang mga platapormang ito para sa United Front, ayon kay Chiu noong Mayo. Hinimok niya ang mga paaralan na palakasin ang edukasyon tungkol sa media literacy at ipaalam ang mga panganib ng nakatagong pampulitikang mensahe at mga paglabag sa privacy nh data.
‘Instrumentong gamit sa pampulitikang propaganda’
"Gusto ko ang mga Chinese celebrity sa RedNote. May feature din ito para makita ang mga post mula sa mga taong kalapit sayo, at marami kang mapagpipiliang influencer," sabi ni Li Xiaoling, isang 18-anyos na nagtapos sa high school, sa Focus.
Si Li, na nagsalita gamit ang alyas, ay nagkuwento kung paano siya nahumaling sa mga Chinese talent show at social media noong 2021, partikular sa Douyin at RedNote.
Ngunit sa likod ng libangang dulot nito, babala ng mga analyst, ay may nakatagong organisadong layuning pampulitika.
Ang RedNote ay “isang instrumentong gamit sa pampulitikang propaganda na nakatago sa anyong libangan,” ayon kay Sung Kuo-cheng, isang mananaliksik sa National Chengchi University, sa panayam ng Focus.
Inilarawan niya ang epekto nito bilang banayad ngunit tuluy-tuloy na paghubog sa pananaw ng mga gumagamit, isang uri ng “matinding manipulasyon ng kaisipan.”
Kapag nakatutok na ang mga gumagamit sa mga naratibong nakaayon sa sistemang ideolohiya ng CCP, gaya ng tila perpektong imahe ng “Magandang China,” unti-unti na silang kumikiling sa China, ayon kay Sung.
“Hindi mo na ito nakikita bilang kalaban,” aniya.
Maging ang mga opisyal ng China mismo ay umamin sa paggamit ng social media para sa kanilang propaganda.
Sa isang pahayag sa Wuhan University sa China noong kalagitnaan ng Mayo, pinuri ni Zhang Weiwei, direktor ng China Institute sa Fudan University, ang kasikatan ng RedNote sa mga kabataang Taiwanese.
Nagdudulot ito sa kanila ng “lalong matinding impluwensya ng mainland," aniya.
“Ang panahon para lutasin ang isyu ng Taiwan ay lalong nahihinog,” sabi ni Zhang, at idinugtong niya nang humahalakhak, “Wala nang susunod na halalan sa Taiwan!”
“Naniniwala akong pagkatapos ng muling pag-iisa ng Taiwan at China, mas madali itong pamahalaan kaysa sa Hong Kong,” diin ni Zhang.
Naratibong propaganda
Hindi lahat ng kabataang Taiwanese ay bulag sa mga panganib na ito.
Si Chen Shujuan, isang 20-anyos na estudyante sa unibersidad, ay gumagamit ng international version ng TikTok.
“Kung matagal nang isinisingit ng RedNote ang mga partikular na ideolohiyang pampulitika at paniniwala, maaari nitong maimpluwensyahan nang banayad ang mga gumagamit.” Maaari nitong pahinain ang pagtutol sa ideya ng muling pag-iisa ng Taiwan at China, aniya sa ilalim ng isang alyas.
Samantala, si Gao Zhengping, isang 28-anyos na bagong graduate, ay nagpahayag ng kawalang-interes sa parehong RedNote at Douyin.
Ayon pa sa kanya, ang mga batang nasa elementary at middle school sa Taiwan na gumagamit nito, “na hindi pa hinog ang isipan, ay maaaring maimpluwensyahan sa kanilang mga paniniwala," at hindi namamalayang tinatanggap na ang mensahe ng United Front ng China.
Maging ang mga kilalang personalidad ay nadadamay sa kontrobersya.
Si Lin Yun-ju, isang 24-anyos na tanyag na manlalaro ng table tennis mula sa Taiwan, ay bumisita kamakailan sa isang primary school sa Shandong province, China.
Ayon sa mga ulat, isinuot sa kanya ang isang pulang scarf na sagisag ng Komunismo, at pinakanta ng “I Love You China” kasama ang mga lokal na batang nakasuot din ng pulang scarf.
Agad kumalat ang video ni Lin sa Chinese social media, na umabot sa mahigit 10 milyon ang views sa Weibo sa loob lamang ng ilang araw.
Tinawag ni Sung ang insidente na isang kaso ng “panghihimasok ng United Front.” Isa raw itong “patibong” at “pampulitikang pagdukot” na layuning “biglain ang mga tao at hilahin sila sa naratibong propaganda ng China.”